Lahat ng tungkol sa wika.
Samot-sari
Mga Tuldik
Ang tuldík (diacritics) ay gabay sa paraan ng pagbigkas ng mga salita at ginagámit para ibukod ang mga homograp sa isa’t isa, ang mga salitâng kapuwa pareho ang ispeling ngunit magkaiba sa bigkas at/o kahulugan. Itinuturing ang tuldik bílang simbolo para sa impit na tunog at sa haba/diin ng pagbigkas.
Introduksiyon sa Impit
Ang tinatawag na impit (glottal stop) ay isang konsonant na tunog-wika—at isa ring fonim ('distintong tunog-wika') sa Filipino. Binibigkas ito nang may pagtigil sa parteng glotis (sa laringks). Ilang halimbawa ng malinaw na presensiya nitó ay ang hulíng tunog sa mga salitâng “pusa,” “hindi,” at “punò.” Gayumpaman, kapag nása dulo ng salita, hindi ito kadalasang naisusulat gaya ng mga naunang halimbawa, ngunit paminsang nirerepresent ng tuldik sa mga teksbuk at panitikan lalo kung may homograp. Sa IPA, sinisimbolo ito ng /Ê”/. Sa karaniwang gámit naman, makikita natin ito sa mga gitling na naghihiwalay sa vawel mula sa naunang konsonant, tulad ng pagkakaiba ng /magisá/ “magisa” at sakâ /magÊ”isá/ “mag-isa.” Ang mga salitâng nagsisimula sa vawel sa ortograpikong representasyon ay nagsisimula rin, sa akustikong level, sa impit—halimbawa, /Ê”a.so/. Dahil ito sa minimum na estrukturang pangsilabol sa Filipino na CV (konsonant-vawel). Ngunit, nakagawian nang hindi ito irepresenta.
​
Ang mga Uri ng Tuldik
Sa mga wika ng Pilipinas, mahalaga ang paglalagay ng tuldik dahil maraming salita na pareho ng ispeling ngunit magkaiba ng kahulugan at/o bigkas. Ipinapakita nito kung paanong ang haba/diin ay isa ring ponema sa ating mga wika. Mayroong apat na uri ng tuldik sa ortograpiyang Filipino:
Una, ang pahilís (΄), acute sa Ingles, na may dalawang bigkas: ang mabilís at malúmay. Kung mabilís, tuloy-tuloy ang bigkas ng salita at laging nasa hulíng pantig.
Hal: buháy - hindi patay, bukás - hindi sarado.
Kung malúmay, marahan o mabagal ang bigkas ng salita at laging nása una o mga gitnang pantig.
Hal: búhay - estado ng pag-iral, búkas - araw pagkatápos ng ngayon
Ikalawa, ang paiwà (`), grave sa Ingles. Ang bigkas nito ay malumì. Binibigkas ito nang mabagal o marahan tulad ng malúmay ngunit nagtatapos na may impit. Impit ang tawag sa biglang paghinto ng tunog tulad ng à sa talà (star). Lagi itong nása hulíng pantig.
Hal: punò - makahoy na halaman, pinunò - lider
Ikatlo, ang pakupyâ (^), circumflex sa Ingles. Ang bigkas nito ay maragsâ. Binibigkas ito nang mabilis tulad ng mabilís ngunit nagtatapos na may impit. Impit ang tawag sa biglang paghinto ng tunog tulad ng â sa talâ (list). Lagi itong nása hulíng pantig. Isipin na para itong kombinasyon ng paiwa at pahilis.
Hal: punô - wala nang espasyo, pinunô - nilagyan ng lamán
Ikaapat, ang patuldok (¨), dieresis sa Ingles. Binibigkas ito nang may vawel na kahawíg ng schwa (É™) at matatagpuan sa mga ibang katutubòng wika gaya ng Ilokano, Mëranaw, Tëduray, Pangasinan, Kinaray-a, Kankanaëy at iba pa.
Hal: wën - oo (Ilokano), panagbëngá - panahon ng pamumulaklak (Kankanaëy)
​
Estilo ng Pagtutuldik
Sa praktika ng Ortograpiyang Pambansa at kasalukuyang Komisyon sa Wikang FIlipino (KWF), pinapanatili ang orihinal na tuldik ng salitâng ugat kahit malapian ito, taliwas sa tradisyonal na pagtutuldik sa sinaunang wika. Ito ay para magkaroon ng distinsiyon ang mga salitâng kapuwa magkatulad ang bigkas at ispeling.
Hal:
hiyáng - akma o angkop vs hiyâng - hiya+na
matabâng - mataba+na vs matabáng - walang lasa
láyong - layon (gol)+na vs layòng - layo (distansiya)+na
​
​
​