Lahat ng tungkol sa wika.
Samot-sari
Ortograpiyang Filipino
Ang mga graféma ay isang set o pangkat ng mga bahagi sa isang sistema ng pagsulat. Ang mga grafema sa praktika ng ortograpiyang Filipino ay binubuo ng tinatawag na mga titik at mga di-titik. Ang títik/létra ay sagisag sa isang tunog sa pagsasalita. Binubuo ito ng mga patínig/váwel at ng mga katínig/kónsonánt. Ang serye ng mga titik o letra ay tinatawag na alpabéto. Ang alpabetong Filipino ay binubuo ng 28 titik at kumakatawan ang bawat isa sa isang tunog. Binibigkas o binabása ang mga titik sa tunog-Ingles maliban sa Ñ.
Mga Tuntúnin sa Ispeling
Gámit ng Walong Bágong Titik
​
Isang radikal na pagbabago sa pagbaybay na pasulat ang paggamit ng 8 dagdag na titik sa modernisadong alpabeto: C, F, J, Ñ, Q, V, X, Z. Pangunahing gámit ng mga ito ang pagpapanatili ng mga kahawig na tunog sa pagsulat ng mga salita mula sa mga katutubong wika ng Pilipinas. Ang mga titik na F, J, V, at Z ay napakahalaga para maigalang ang mga wika ng Pilipinas na tinataglay ang mga ito bílang katutubòng tunog, tulad ng Tëduray, Mëranaw, Blaan, Tausug, Ivatan, mga wika sa Cordillera, at iba pa. Taliwas ito sa panahon ng Abakada na ang “Ifugaw” ay isinusulat na <Ipugaw> o ang “Ivatan” ay isinusulat na <Ibatan>.
Malayàng gamítin ang mga titik F, J, V, Z sa pagrereispel kung kayâ dapat pigilin ang pag-iispel pa-Abakada sa mga idinadagdag ngayong salita mulang Español o Ingles. Nagagamit na ito sa mga salitâng federalismo, sabjek, varyant, at zoolohiya. Samantala, mayroon namang mga salitâng di-binabagong bágong hiram. Halimbawa, maaaring hiramin nang buo at walâng pagbabago ang fútbol, fertíl, fósil, vísa, vertebrá, zígzag, atbp. Gayundin, maraming salita gáling Ingles ang puwedeng hiramin nang hindi nangangailangan ng pagbago sa ispeling, gaya ng fern, fólder, jam, jar, lével, énvoy, devélop, ziggúrat, zip, atbp.
Eksperimento sa Reispeling
​
Sa pangkalahatan, ipinahihintulot at hinihikayat ang higit pang eksperimento sa reispeling o pagsasa-Filipino ng ispeling ng mga bagong hiram sa Ingles at ibang wikang banyaga. Walang masamâ sa panghihiram at sa pagtanggap sa lumalakas sa impluwensiya ng Ingles sa ating aktuwal na leksikon. Sa pamamagitan ng ortograpiya, magagawan ng solusyon ang “problemang” ito ng mga purista. Noon pa man, pagrereispel na ang naging kalakaran sa tuwing nanghihiram sa mga wika ng Pilipinas. Dapat madagdagan nang higit ang atlís (at least), bílding (building), bísnes (business), bóksing (boxing), diskás (discuss), grádweyt (graduate), gróserí (grocery), háywey (highway), iskédyul (schedule), istámbay (stand by), kórni (corny), kúdetá (coup d'état), práktis (practice), pulís (police), risés (recess), rebyú (review), trápik (traffic), etsetera. Kung iisipin, walang pinagkaiba ang sábjek (subject) at Espanyol na asignatúra sapagkat parehong salitâng-hiram, kung kayâ bakit kailangang igiit ang pangalawa kung mas ginagamit ang nauna? Ang ganitong estilo ng pagsusulat ay sinusuportahan ng linggwist na si Consuela J. Paz sa kaniyang pagsusulat.