top of page

NG vs NANG

       Karaniwang pagkakamali ng maraming manunulat, at kahit pa titser mismo, ang wastong paggamit ng “ng” at “nang.” Para sa akin, napakainteresting kung bakit kinikilala pa rin ito ng mga lingguwist bílang fityur ng Filipino, kahit na isa lang naman itong distinsiyong ortograpiko na may hindi ganoon kasignifikant na semantikong epekto (dahil malaking tulong ang konteks), at sa kabila ng katotohanan na hindi na ito gaanong pinapansin ng maraming katutubong ispiker ng wika. Gayumpaman, mahalagang ingatan pa rin ang tamang pagpili ng salita sa mga klasrum at sa akademikong pagsulat. Kung kayâ, hábang umiiral pa rin ang pagkakaibang ito, mabuti nang arálin, lalo kung nagpapakadalubhasa sa wika. Ang gabay na ito ay isang fusyon ng mga tuntúnin sa Gabay sa Editing sa Wikang Filipino (2005), KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat (2014), at WIKApedia (2010) para sa mas komprehensibong patnubay.

​

NG

1. Bílang pang-ukol, kapag patúngo sa

objek na isang pangngalan o maski pang-uri

na may pangngalang hindi binigkas.

Iniwan ka na ng eroplano.

Pinaiyak ka ng manghuhula.

Kumain ka ng maramin̶g̶ ̶p̶a̶g̶k̶a̶i̶n̶.

​

2. Para sa oras, dahil hindi naman ito

modifayer. Kung nagtataká, tingnan ito bílang

katumbas ng English na at.

G ka búkas ng 7:30 pm?

Umuwi siya kahapon ng mga alas-seis.

Busy ako búkas ng gabí.

NANG
1. Bílang parte ng pang-abay, o freys na nagdidiskrayb sa pandiwa.
Kumain ka naman nang dahan-dahan. 
Mahalin mo na lang ako nang sobra-sobra.

2. Kapag pinagsámang "na" (linker) at "na" (pang-abay), as in 'ngayon'. Karaniwan sa mga pahayag na nagkokompara sa dáting sitwasyon na nagbago na.
Ayoko nang magmahal, Guiseppe!
Ang dami nang tao sa mall tuwing Miyerkoles, no?

3. Pamalit sa "noong"
Nang makita kitá, alam ko nang nainlab ako.
=
Noong makita kitá, alam ko nang nainlab ako.

4. Pamalit sa "para" o "upang"
'Wag kang mag-computer magdamag nang bumabà ang bill sa koryente.
=
'Wag kang mag-computer magdamag para bumabà ang bill sa koryente.
=
'Wag kang mag-computer magdamag upang bumabà ang bill sa koryente.

5. Para sa pandiwang inuulit
Tawa nang tawa, gusto nang mag-asawa.
Iyak siya nang iyak, kagabi, Maricris!
Aral ka kasi nang aral, charot.

6. Bílang pang-ukol sa mga salitâng tungkol sa tagal o panahon
Namunò nang 21 taon ang diktador na si Marcos.
Nagdramá siya nang 30 minuto.

 

bottom of page