top of page
Larawan ng writerLeo Fordán

May Dalúyong tuwing Buwan ng Wika


May dalúyong tuwing Agosto. Humahampas ito sa pantalan at nabibigla ang mga nakakakita sa pabugso-bugso nitong alon. Bago pa man ang mapaminsalang COVID-19, matagal na itong epidemya sa maraming nagdaang Buwan ng Wika bunsod ng ating kulang-kulang na edukasyon. Ito ang pinakamagandang halimbawa ng, ’ika nga nila, ang paggamit sa kakaunting kaalaman ay isang peligrosong bagay. Ang tinutukoy ko ay ang pagiging lubhang palasak ngayon ng mga infographic sa social media na naglalayon diumanong ikorek ang mga karaniwang miskonsepsiyon o pagkakamali kuno sa paggamit natin ng wikang pambansa, o ng tinatawag na Filipino. Paráting magulo ang comments section ng mga ganitong post: may mga tíla time traveller na nakalunok ng diksiyonaryo ng kanilang lolo at meron ding mga parang sinapian ng makata noong 1900s. Pero may mga pakonting nagpoprotesta at iginigiit na puwede na basta nakasanayan at nagkakaintindihan. Sa sanaysay na ito, magdidiskas táyo ng dalawang pananaw sa wika at mag-aanalays ng ilang post ngayong BnW na nangangailangan ng paglilinaw na base talaga sa SIYENSIYA ng wika.


ANG KALAYAANG HINDI ABSOLUTE

Bago ang lahat, kailangan nating waksan ang kalituhang ito at tapusin na ang (misinformed na) debate. Mahaba-haba itong diskasyon pero magsisimula sa simpleng tanong—mayroon bang tama at maling paggamit sa wika? Ayos lang bang pakialaman ito? Unang-una, dapat maláman ng lahat na ang anyo ng wika ay dinidiktahan hindi ng mga tuntúning nakasulat sa inaalikabok na teksbuk niyo noong nása elementarya at itinuro ng titser mong retirado na. O kahit pa ng isang napapanahong istaylbuk. Kundi, nakabatay ang totoong wika sa kung paano siya ginagamit ng mga aktuwal na ispiker sa lipunan. Ito ang nirerekord ng mga lingguwista. Tinatawag itong deskriptibong aprowts at ganito gumagana ang buong larang ng lingguwistiks.


So, walang mali sa wika? Puwede kahit ano? Meron pa ring mali. At sa pagpapaliwanag naman nito, may babaságin din tayong isa pang napakalaganap na miskonsepsiyon lalo na sa kolehiyo, marahil dalá ng hílig ng mga Filipino na gumámit ng mga salitâng kakaiba sa pandinig.


Kadalasan, pag may mga pahayag ng pangongorek sa paggamit ng wika ng isang indibidwal, karaniwang may dumedepensa at sinasabing “Language is arbitrary” sa pakahulugan na wala namang problema dito dahil malayà o may sariling pagpapasiya ang táo sa paggamit ng wika. Kaso, taliwas sa pagkakaalam nila ang tunay na kahulugan ng pagkaarbitraryo (arbitrariness) sa sentens na ito kayâ madalas siyang gamíting argumento. Nagmumula ang maling akala dahil sa pagkakaroon ng dalawang kahulugan ng salitâng “arbitrary” sa English: [1] “willful” o pagpapasiya batay sa pansariling kagustuhan, at [2] “random” na nangangahulugang kawalan ng anumang patern.


Sa lingguwistiks at sa linyang ito, nása pangalawang numero ang ginamit na “arbitrary.” Tumutukoy ito sa arbitraryong relasyon ng [1] mismong salita—o sikwens ng mga tunog na pinoprodyus para buoin ito—sa isang partikular na wika at ang [2] aktuwal na ibig sabihin o bagay na tinutukoy. Hindi nito sinasabi na tama ang kahit na anong konstruksiyon ng pangungusap dahil sa katwirang may kalayaang mamilì ang mismong ispiker. Ibig sabihin lang nito, walang intrinsik na koneksiyon ang salita at ang katumbas na entity o konsepto. Arbitraryo ito bunsod ng randomness sa ugnayan ng dalawa sa isa’t isa.¹ Bigla na lang itong sumibol at napagkasunduan ng mga ispiker ng wika. (Para ganap na maintindihan ang espesipikong parte na ito, basahin ang “Ano ang ‘Arbitraryo’ sa Wika?” na isa pang sanaysay.)


Dapat tandaan na kahit deskriptibo ang pangkalahatang pananaw sa wika, hindi isang indibidwal ang bahalang magtakda kung alin ang tama o mali sa pananalita. Hindi táyo malayà sa aspektong ito. Mayroon tayong nakaimbak na gramar o estruktura na sinusundan natin nang hindi namamalayan, lalo na bílang mga katutubong ispiker o natuto ng isang partikular na wika mula pa sa pagkabata. Ito ang mga deskriptibong tuntúnin na nirerekord ng mga lingguwista. Pagmasdan at ipagkompara ang mga sumusunod na sentens sa Tagalog:


1a. *magsilakad ng bilis sa bubong ang dentista

1b. ang bilis maglakad ng dentista sa bubong


Kahit gustuhin ng sinuman, nananatiling di-gramatikal o mali ang unang pangungusap dahil lumalabag ito sa sintaks o order ng mga salita sa Tagalog. Gayundin, hindi puwedeng gamítin ang gitlaping /-si-/ sa pandiwa kung iisa lang naman ang simuno at paglabag ito sa tuntúnin ng dependency. Sa sentens 1b. naman, makikitang maayos itong naiintindihan at bagama’t hindi ginagámit sa pormal na pagsulat ang determiner na “ang” bílang partikel na nagiging katumbas ng unlaping ma-, isa itong gramatikal na pangungusap dahil ginagamit at maiintindihan ng maraming katutubòng ispiker—kahit na ba hindi ito naituro noong junyor hayskul.


KUNG KAILAN TÁYO NAGKAKAMALI

Sa kabilâng bandá, mayroong tinatawag na preskriptibong aprowts sa wika kung saan may nangyayaring pangongorek sa paggamit. Hindi dahil nadiskas na natin ang deskriptibong aprowts e awtomatik na masamâ na itong pangalawa. Meron lang talagang mga partikular na social conventions na nagtatakda kung kelan hindi puwede ang ilang mga porma ng paggamit sa wika at madalas natin itong maengkuwentro. Ibig sabihin, sa mga dimensiyong ito, makakabuti kung susunod sa mga estrikto at preskriptibong tuntúnin na inilatag ng (mga) ahensiyang pangwika. Kasáma ngunit hindi limitado rito, ang akademikong pagsulat sa paaralan, ang midya, korespondensiya opisyal, at iba pang pormal na literatura.


Kayâ din táyo tinuturuan ng wastong gramar ng mga titser para magabayan ang pagdevelop natin ng wika lalo na sa mga kontekstong nabanggit. Pag nakorek ka ng propesor mo sa isang sanaysay dahil sa paggamit mo ng konstruksiyon o salitâng hindi angkop, hindi mo puwedeng igiit ang deskriptibismo. Trabaho niyang turuan ka ng pormal na wika. Dito iniaaplay ang estandardisasyon ng wika, ang pagsunod sa mga istandard na anyo o ispeling para sa masinop at eleganteng pagsulat.


Pero paglabas ng klasrum, natural lang ’yung pagtitipil ng mga salita, ganun talaga at ’lang problema dun, nagtatanggal táyo ng mga gan’tong tunog para mapaiksi ang sambit kahit na di ’to pinapayagan sa mga pormal na dokumento o sulatín, mapa-English man o Filipino. Kung sa pang-araw-araw din, anu ang masamA kung sadyang maliin q ang ispeling at sobrahaN ang mga bantas para sa comedic effect,.,.,.,.,. o para mag-eVokE ng kung anumAng pakiramdam~~~~deba??? Nakakamatay ba kung doblehin ang /ka/ sa stem kaysa ang unang kombinasyong CV (konsonant-vawel) ng ugat? At mga trulalung salita pa rin ang mga salitâng balbal o isláng, kahit dehins sila basta-basta nakaka-entry sa mga pormal na chenes, ganern! Hindi natin ito ginagawa lahat sa mga oras na kinakailangan ng preskriptibismo para sa mas episyente at sistematikong komunikasyon.


PAGWAKSI SA MGA KASINUNGALINGAN

Gaya ng sabi sa una, may mga totoong pagkakamali sa wika. Kaso, mayroon din namang mga fake news na ipinakalat ng mga kung sinong nagmagaling na gramaryan kuno. Iaanalays natin isa-isa ang pagkalehitimo ng mga post ayon sa mga prinsipyo ng linggwistiks. Parehong mababanggit ang mga diniskas na konsepto ng preskriptibismo at deskriptibismo sa parteng ito kayâ esensiyal na naunawaan mo siláng mabuti.


1. ANG PALITANG D/R


Totoong natural na nagiging R ang D pag nása pagitan ng dalawang patinig, pero hindi na rin naman siya laging nasusunod sa aktuwal na paggamit kahit pa ng mga katutubong ispiker ng Filipino ngayon. Kung kayâ, hindi na nga rin ito ginawang (preskriptibong) tuntúnin maski sa kasalukuyang gabay sa ortograpiya ng KWF na Ortograpiyang Pambansa, taliwas sa dáting kalakaran at nakasanayan. At isa pa, kung magiging estrikto pa talaga sa ‘tuntúnin’ na ito, e isang fonim na konsonant naman talaga ang glotal istap o impit na nása dulo ng salitâng “ihì.” So, mas ‘tama’ pa nga na “dito” talaga ang gamítin partikular sa halimbawang ipinresent ng ilustrasyong ito: /'ba.wal ʔu'mi.hiʔ 'di.to/. Kung ikokompara sa pangalawang larawan, parehas lang ang kaso nitó sa nauna dahil sa salitâng “ngâ” na binibigkas din na may konsonant sa hulí: /ha.'li.ka ŋaʔ 'di.to/.








2. NINYO VS NIYO VS N’YO

Isa naman ito sa mga halimbawa ng pekeng pangongorek. Una sa lahat, sa lente ng preskriptibismo, hindi rin naman puwede ang mga kontraksiyon o pinaikling salita sa mga opisyal na sulatín. So, bakit pa poproblemahin kung <niyo> o <n’yo> ? Kung titingnan sa paraang deskriptibista, matagal nang ginagámit ng mga aktuwal na ispiker ang salitâng “niyo,” at kung tutuusin, baká pupuwede pang ituring na kaibang salita sa “ninyo.” Magkaiba pa nga ang puwesto kung saan ginagamit ang “niyo” vs. “ninyo,” obserbahan:


1a. gusto niyo bang sumaya?

1b. *gusto ninyo bang sumaya?

2a. gusto ba ninyong sumaya?

2b. *gusto ba niyong sumaya?

Makikita sa 1 at 2 na matatagpuan sa magkaibang posisyon ang “niyo” at “ninyo,” at lumilikha ng di-gramatikal na konstruksiyon kung papagpalitin. Ibig sabihin lang nito, nakabuo na siya ng sariling gámit at baká maituring pang hiwalay na salita. Bukod pa rito, iisa lang ang bigkas ng dalawa at walang anumang lohika na mapagbabasehan para maging mali ang <niyo>. Bakit ito magiging mali kung napakaraming gumagamit sa pang-araw-araw na wika? May pagkukulang din, sapagkat wala namang perpekto, ang UP Diksiyonaryong Filipino kung bakit nailista nila ang estrangherong “sois-disant” pero hindi ang komon na “niyo.”


3. NAKA-CVr- VS NAKAKA-

Hindi na ito totoo—halos. Parehong ginagamit ang dalawang anyo pero ipinagpapalagay ko na mas laganap na ang nauna at maling tinawag itong pagkakamali sa infographic. Sa pang-araw-araw, pag may narinig kang gumamit ng mga nakahanay sa kanan, hindi ba magriring ang tenga mo, na tíla may mali o kakaiba sa naengkuwentrong sambit. Ibigsabihin lang nito, gumagana ang mga mental na tuntúnin mo bílang kompetent o katutubong ispiker. Alam mong medyo asiwa nang pakinggan ang pag-uulit ng unang kombinasyong CV (katinig-patinig) at mas natural o kaswal nang pakinggan kung ang /-ka-/ ang uulitin. Sa ngayon, ginagamit na lang kadalasan ang mga anyo sa pangalawang hanay kung nása mga lubhang pormal na seting at kung nagsusulat o nagpeperform ng matulaing panitikan.


4. SA KONTRAKSIYON

Sa kasong ito, depende ’yan. Kung nagte-text lang naman o nakikipagchat sa mga repapips, ano ang problema sa unang hanay? Maiintindihan pa rin ito basta’t ginamit sa gramatikal na konstruksiyon. Sinusundan ko kadalasan ang mga ganitong tuntúnin kahit sa social media pero hindi kasi ito mahalagang konsern para sa lahat ng tao. At wala namang masamâng mangyayari sa wika kung ganito.


Gayundin, kung sa pormal na pagsulat na ngangailangan ng preskriptibismo, hindi rin naman papayagan ang ginawang pagtitipil sa pangatlong hanay dahil lumalabag ito sa kalakaran. Pupuwede lang ito kung sa panitikan at iba pang semi-pormal na dimensiyon. Gaya lang ito ng English na “ain’t” na isa naman talagang lehitimong kontraksiyon ng mga Amerikano, pero hindi maaaring gamítin sa sanaysay mo noong hayskul. Panghulí, kulang din ito ng espasyo sa pagitan ng “sa” at ng tinipilan na karaniwang magkahiwalay dahil magkaibang salita.


5. PINAGSAMANG PAST TENSE AT PERPEKTIBO

Totoo ito, sa kalakhan ng mga ispiker na nakakasalamuha ko. Bagama’t wala pa sa mga teksbuk—dahil di rin naman hinihikayat ang paglalahok ng Taglish sa mga libro—isa ito sa marami nating deskriptibong tuntúnin. Mas maraming aangal kaysa sa mga hindi kapag nakarinig ng *naka-received at iba pa. Ganun ang napansin ko sa comments section ng naturang post para dito kung saan sumang-ayon sila. Dahil kasi, may naeelisit itong pakiramdam na tíla may mali. Hindi nila alam kung bakit, pero alam nilang alanganin base lang sa pandinig, gaya ng isang kompetent o katutubong ispiker ng wika. Patagô nilang alam na, sa ngayon, hindi pangkaraniwan ang pagsasa-past tense pa ng pandiwang English kapag nalagyan na ng panlaping may aspektong perpektibo o naganap. Kung tatanungin nga ang gumawa ng post kung ano ang sanggunian niya sa espesipikong infographic na ito, marahil wala, at dinepende niya lang sa sariling nakasanayan. Tumpak siya doon.


Gayumpaman, dapat ding tandaan na hindi ito isang pangkalahatang tuntúnin na nagsasabing kailangang nása base form palagi ang salitâng English bago puwedeng lapian o lagyan ng infleksiyon. Marami tayong ginagamit na salita mula sa English na pinanatili ang infleksiyonal na hulaping -ing, kahit na ba may panlaping Filipino na. Ilang halimbawa ang “nag-swimming,” “tumambling,” “mangaroling,” atbp.


6. KAMUSTA VS KUMUSTA

Tama ito. Mabuti naman at hindi nila pinaratangang mali ang “kamusta” gaya ng lagi kong nakikitang mga post dati sa dahilang cómo está ang orihinal na Español. Totoong mas malápit sa Español ang “kumusta,” kayâ ito ang ikinonsider na istandard o pormal sa mga diksiyonaryo. Ngunit, walang mali sa dalawa sapagkat parehong lehitimong ginagamit ng mga katutubong ispiker ng Tagalog. Meron lang mga dimensiyon kung saan mas angkop ang isa. Hindi dapat ibase lang sa pagiging malápit sa Español ang pagiging tunay ng isang salitâng Filipino, lalo na kung matagal na itong nakapasok sa ating bokabularyo.


Gayumpaman, maituturing itong episyenteng parametro sa proseso ng estandardisasyon ng Filipino para sa paglalahok ng higit pang mga salitâng hiram na Español sa hinaharap.


7. SINU-SINO VS SINO-SINO

Lantaran itong fake news at nilikha ng kung sinong nagmagaling. Hindi ito isang lumang tuntúnin na patַuloy pa ring iginigiit gaya ng ilang halimbawa sa itaas, kundi isang literal na imbensiyon. Noon pa man, walang pagkakaiba ang mga anyong <sinu-sino> at <sino-sino>, kundi isang pagkakaiba lang dulot ng estilo. Sa ngayon, ipinapayò ng OP na gamítin ang pangalawa na mas laganap na ngayon kaysa sa nauna na tinatangkilik na lang ng mga makalumang manunulat.


ANG NARARAPAT NA REPLEKSIYON

Hindi natin masisisi ang mga simpleng tao at organisasyon na nagnanais lang mamahagi ng bágong inaakala nilang tamang kaalaman sa kapuwa nila Filipino ngayong ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika. Wala siláng masamâng intensiyon sa ipinapakalat nilang maling akala. Sa katunayan, minsan ko rin namang inakala na mas maganda para sa Filipino kung lubha tayong maging preskriptibo. Pakiramdam ko noon, mas nagkakaroon ng pakialam ang mga tao wika kapag laging nakokorek. Ngayon, maláy na ako na ang ibang ginagagawang pagkokorek kuno ay labag palá sa agham ng wika. Sa tingin ko pa, may posibleng implikasyon ito na lalo siláng maging alienated sa paggamit ng wikang pambansa kung laging ganito ang bungad, sa tákot na magkamali.


Sintomas lang ito ng sistemang pang-edukasyon natin na kulang ang fokus at lalim sa pag-aaral ng wika kayâ napako táyo sa mali-maling pangongorek na walang humpay. Hindi ito matatapos hangga’t hindi nirerepaso ang ating disfunsiyonal na pag-aaral ng wika. Ang ganitong pagbabago ay kailangang pangunahan at suportahan mismo ng mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng CHED, DepEd, at KWF sa pamamagitan, halimbawa, ng pag-iimprub sa kurikulum at pagpapatupad ng mga tamang palising pangwika.




Comments


bottom of page