Maligayang Araw ng mga Ina sa lahat ng nanay, inay, máma, mamáng, mader, mudra, mumshie, o kung ano pa mang varyant. Kung sa English naman, na totoong ginagamit ng karamihan, Happy Mother’s Day! Sabi ng Merriam-Webster, kudlit (apostrophe) + S ang mas tama gaya ng ginawa ko, at hindi ang paplural na Mothers’ Day. Paliwanag ng mga ibang website, ganun daw dahil tumutukoy ito sa ating iisang nanay sa pamilya na fokus ng pagpupugay para sa araw na iyon. Ngunit kung tutuusin, hindi dapat ikorek kung meron mang mas pumipili ng nahulíng ispeling. Hindi lang naman iisa ang nanay ng lahat, posibleng mangahulugan ang paggámit ng Mothers’ Day na anak ka ng mag-asawang LGBTQ+, o dilì kayâ pagkilála na may iba pang mga modelo ng pagiging ina sa búhay mo, bukod pa sa bayolojikal na magulang.
Kung titingnan pa lang sa mga anatomiya, makikita na agad ang malalim na ugnayan ng nanay at anak sa pagkakakonekta ng bata sa kanilang fútag (umbilical cord). Tumatawid ang ugnayang ito hanggang sa aspekto ng wika, kung saan madalas mabanggit ang salitâng “naku”—mula sa “ina ko”—sa harap ng problema.
PAGLAPASTANGAN SA PINAGMULAN?
Gayumpaman, hindi laging positibo ang mga sambit na may kinalaman sa kanila, lalo na sa panahong nanonormalays na ang pagmumurá laban sa kahit sino (maging sa butihing Santo Papa!) dahil sa isang dakilang Panggulo. Kung papansinin, may referens sa ina ang karamihan ng ating pinakakaraniwan at pinakamasasamâng halimbawa ng profanidad. Ang “putangina” ng Tagalog ay mula sa “Puta ang ina mo,” isang pagbibintang na prostityut ang nanay ng kausap. Hindi naiiba dito ang ibig sabihin ng kanilang “putanaydamu” sa Kapampangan. Sa mga ibang wikang Bisaya naman, tulad ng Hiligaynon, hiniram nila ang Español na hijo de puta at ginawang “yudeputa” na kaparehas din ang kahulugan sa mga nauna. Naiibang halimbawa lang ang “ukinninamon” sa Ilokano na tumutukoy sa panreproduksiyong organ. Posibleng may iba pang kahawig na pormulasyon sa mga ibang wika ng Pilipinas, ngunit hindi na ito inábot sa saklaw ng aking pagsasaliksik.
Kung mas papalawakin pa ang saklaw, makikitang ganito rin ang mga Amerikano sa kanilang motherfucker at son of a bitch. Gayundin, minsang umani ng popularidad ang iba’t ibang varyasyon ng mga birong nagsisimula sa Yo mama na nakafokus sa pangungutya ng kalandian, katabaa, kapangitan, at iba pa. Higit pa rito, umiiral na noon pa man itong panghulíng eksampol at makikita maging sa mga sulat ni Shakespeare—na siyempre, nása eleganteng Early Modern English. Kamakailan lang din, nakaimbento ang mga Filipino ng katumbas sa katagang ito sa pagpapauso ng pambaráng “máma mo” na lumilitaw pang parang kabute hanggang ngayon.
NAGBABAGO NA ANG KAHULUGAN
Gayumpaman, tulad ng ilang piraso ng ating bokabularyo, nagbabago rin ang kahulugan pati ng mga nakasanayang mura. Sa kasalukuyang paggamit, masasabing wala nang bahid ng paninirang-puri ang “putangina,” at sinusuportahan ito maging ng mga pasiya sa korte. Sa isang prosiding noong 1969, pinalampas ang “putangina mo” sa kasong difamasyon ng nasasakdal sa dahilang:
“This is a common enough expression in the dialect [sic] that is often employed, not really to slander but rather to express anger or displeasure. It is seldom, if ever, taken it its literal sense by the hearer, that is, as a reflection on the virtues of a mother.” ¹
Maliban sa ilang sensitibo o naiwan ng panahon, hindi na ito itinuturing na paratang tungkol sa pagiging garampingat ng magulang, kundi karaniwang ekspresyon na nasasambit tuwing nagugulat, nakakaramdam ng masidhing gálit sa kausap, o kahit pa nga kapag nagbibiro lang. Makikita ito, halimbawa, pag nasasabing “Putanginang COVID ‘to!” o “Tanginang trapik!” Ibig sabihin, naikakabit na ito kahit sa mga literal na objek o walang búhay at malayò na ang koneksiyon sa etimolohiya o orihinal na pinagmulan. Mapapatunayan ding nagbago na talaga ang kahulugan nito sa napakapamilyar ding anyo na “tangina ka!” kung saan malinaw na hindi naman ito magiging gramatikal na sambit kung nakalapat pa rin sa dáting tinutukoy.
Masasabi ring parehas na ito ng kaso kahit sa mga paboritong mura ng mga Amerikano na motherfucker at son of a bitch. Gayumpaman, hindi ito ganap na maiaaplay sa ibang wika o kultura tulad ng sa Español. Sa isang laro ng futbol, naging kontrobersiyal ang pagmumurá ni David Beckham ng hijo de puta sa isang opisyal, na nagbigay naman sa kaniya ng red card dahil ito. Ayon sa sosyo-lingguwistang si Deborah Cameron, may mga kultural na pagkakaiba sa pagmumurá², kung kayâ may mga wika kung saan naiiba ang atityud o pagtingin ng mga ispiker hinggil sa ganitong uri ng profanidad.
PAGLILIMI SA UGAT NG MGA SALITA
Ngunit kung iisipin, bakit kayâ ang nanay ang laging target ng ating mga sumpa ano pa man ang wikang gámit? Sa tingin ko, simple lang ang sagot—nabuo ang ganitong klase ng pang-iinsulto dahil sa pagiging malapít natin sa ating ina. Higit ngang magiging epektibo ang atake kung laban sa pinakamamahal at literal na pinagmulan natin. Gayumpaman, sa kaso natin, matitiyak na dumaan na ito sa pagbabagong semantiko at wala nang anumang akusasyon. Sino ba ang lehitimong nakakaisip na nagbebenta ng laman ang magulang ng kausap tuwing nagmumurá ng “tangina mo”?
At hindi man gustuhin ng iba, hindi na natin mababago ang parteng ito ng ating wika. Ang tangìng magagawa natin ay maging maingat sa paggamit ng mga salitâng ito na pupuwedeng makasakit ng damdámin ng ibang tao dahil sa naiibang kultura at pananaw sa paggamit ng wika.
Sanggunian
¹ Rosauro Reyes v. People of the Philippines, G.R. Nos. L-21528 and L-21529 (Supreme Court of the
Philippines). https://lawphil.net/judjuris/juri1969/mar1969/gr_l-21528-29_1969.html
² Jeffries, Stuart. 2006. The mother of all insults. Hulyo 12. Inakses Mayo 7, 2020.
https://www.theguardian.com/football/2006/jul/12/worldcup2006.sport.
Comments