top of page
Larawan ng writerLeo Fordán

Tampulan ng Sisi


​​ Sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), naobserbahan na nahihirapan diumano sa pagsusulat sa English ang ilang estudyante sa sinyor-hayskul. Nabanggit nilang ilang dahilan ang pagiging ambisyoso ng mismong kurikulum at ang pagkiling nito sa mga tinatawag na ‘advance learner’ sa mga science high school na mas maraming resorses.¹


WIKA KO ANG LAGING MAY KASALANAN

Noong nagkaroon ng isyu sa mababang ranking ng Pilipinas sa 2018 PISA, at sa kamakailang napabalitang 7,000 bata sa Bicol na hindi marunong magbása, dumagsa ang mga koment ng mga isinisisi ang pagtuturò ng Filipino at ang programang MTB-MLE. Resulta daw ng pagpaprayoriti sa mga wikang bernakular ang mga ganitong problema. Pagkadaan ng panibagong mainit na balita, ganito pa rin ang kalagayan ng comments section ng mga post hinggil sa isyu, kahit walang anumang pagkondena sa umiiral na palising pangwika ang mismong report ng PIDS. Lantad sa mga koment nila ang pagkamingaw sa mga panahong sapilitan ang pagtuturò ng English, may daláng nostalgia ang pagkakasailalim sa banyagang wika, tíla nakakaramdam pa ng pagiging superyor ng kanilang henerasyon. Ang napakasimpleng pagbibigay-katarungan sa mga katutubong sa sistemang pang-edukasyon ang tinitingnan nilang salarin.


Kung mapapagkatiwalaan man ang saliksik na ito ng PIDS, saksi naman ang kasaysayan na hindi lang sa English nagdi-deteriorate ang proficiency ng mga Filipino. Ang totoo, hindi din ‘marunong’ ang mga estudyanteng Filipino maski sa ating wikang pambansa at iba pang wika ng Filipinas. Maiuugat ang problema sa maling anyo ng Palising Bilingguwal na nagbibigay ng prestihiyo sa banyagang wika. Diniskas ito ni Rolando S. Tinio sa kaniyang librong A Matter of Language: Where English Fails (1990):


“There is no denying that the decades of bilingualism has resulted in the deterioration of English and Filipino proficiency in and out of the academe. Actually, what has deteriorated is the ability to think with perspicacity and depth. The result is Taglish, which is the convenient language for undeveloping—and, therefore, consistently shallow—minds.” ²


Ipinagpatuloy niya ito sa pagsasabing ang tunay na bilingguwal na pagtuturò ay ang paggamit ng dalawang wika para sa iisang sabjek. Ito ang nakagawian din ng ilang mga titser sa paggamit nila ng mga librong nakasulat sa English ngunit ipinapaliwanag ang mga ito sa Filipino.


PANUKALANG REMEDYO

Para masolusyonan ang problemang ito, ang ipinopropos ko ay pangkalahatang pagsasaayos sa ating palising pangwika. Simulan sa pagbasura sa pauróng na DepEd Order 21 s. of 2019 (DO21), ang nagpatibay sa pagka-short exit ng MTB-MLE. Bílang tugon, dapat paigtingin ang pagtuturò gamit ang kinagisnang wika ng mga bata para makamit ang literasi sa primaryang antas. Ito ang pinakaepektibong midyum ayon sa mga saliksik, sapagkat natuklasang mas nagtatagumpay sa akademikong aspekto ang mga batang nagkaroon ng pormal na instruksiyon sa kanilang sariling wika sa unang anim na taon ng pag-aaral o higit pa³. Buhat pa noong 1953, hinihikayat na ng UNESCO ang pagtuturò gamit ang katutubong wika ng bata sa primaryang antas⁴.


Pagdating naman ng mas mataas na antas ng pag-aaral, kailangang magkaroon ng higit na fokus sa Filipino sa humanidades, agham panlipunan, at mga kaugnay na larang. Hindi estrangherong wika ang Filipino, at marami itong pagkakatulad sa mga iba pang wika ng Filipinas. Kung kayâ, magiging mas madalî ang pagkatuto at pagsusúlong ng edukasyong makabayan.


Kasabay nito, maaari pa ring linangin ang kahusayan natin sa English bílang pandaigdigang wika na bentaha natin sa mga kapuwa bansang Asyano. Sapagkat, hindi ekslusibo sa isa’t isa (mutually-exclusive) ang pagtataguyod ng mga sariling wika at ang pagkatuto ng binansagang “global lingua franca.” Dapat ding magkaroon ng mas maayos na mga metod at atityud sa pagtuturò ng English sa mismong mga sabjek nito lalo na sa sinyor-hayskul, partikular ang Reading and Writing, Oral Communication, at English for Academic and Professional Purposes. Isang magandang hakbang ang pagiging mas estrikto sa paggamit ng English sa klasrum sa loob ng mga nasabing sabjek. Ipakilala sa kanila ang mga mapapagkatiwalaang istalybuk tulad ng Chicago Manual of Style at regular na iases ang pagsusulat ng mga estudyante base dito. Sa kabila nito, hindi kailangan at hindi tama ang pagkakaroon ng mga English only policy, o mga palising pampaaralan na nagbabawal sa pagsasalita ng mga katutubong wika sa kampus. Puwedeng idevelop ang proficiency sa English nang hindi tinatapakan ang mga wika ng Pilipinas.


Ang ganitong porma ng sistemang pang-edukasyon ay sang-ayon sa resolusyong inadap ng UNESCO noong 1999 hinggil sa edukasyong multilingguwal na nagrerekomend sa mga bansa na isúlong ang sistemang pang-edukasyon na gumagamit ng tatlong wika: ang unang wika (mother tongue), wikang pambansa, at isang banyagang wika.⁵


ANG UNA AT HULÍNG ALAS

Pero, pagkatapos ng lahat, mayroon pang isang detalye na hindi nabanggit at sinadya kong ipagpaliban ang paglalantad. Surprays! Taóng akademiko ng 2012-2013 ipinatupad ang MTB-MLE.⁶ Ibig sabihin, hindi pa tumuntong ng sinyor-hayskul ultimo ang unang batch nito at nása grade 7 pa lang. Lalong nawalan ng bisà ang dati nang hungkag na mga paratang ng mga kasapi ng Team Anti-Katutubòng Wika.


Malinaw na walang (masamâng) kaugnayan ang Filipino at MTB-MLE sa napapabalitang bumababàng kalidad ng pag-i-English ng mga estudyante ng sinyor-hayskul. Kailangang maunawaan ng mga kritiko, at ng mismong pamahalaang patuloy na kumikiling sa English, na esensiyal at suportado ng agham ang pagbibigay ng fokus sa kinagisnang wika at sa wikang pambansa sa proseso ng pagtamo ng bata sa isang banyagang wika. Ang kinagisnang wika ang magsisilbing pundasyon sa pagkatuto ng bata at magpepreserba ng kaniyang heriteyds, ang Filipino ang magpakilala sa kaniya ng bayan at higit pang magdedevelop sa kaniyang pananalita, hábang ang English naman ang magkokonekta sa kaniya sa mas malawak na mundo. Posibleng isulong ang pagtamo ng banyagang wika nang hindi iniiwan ang mga wikang sarili.


Sanggunian

¹ PIDS. 2020. "Some SHS students face challenges with English writing." Development Research News 6-

7.

² Tinio, Rolando S. A Matter of Language: Where English Fails. Quezon: University of the Philippines

Press, 1990.

³ Bühmann, Dörthe, at Barbara Trudell. 2007. Mother Tongue Matters: Local Language as a Key to

Effective Learning. Paris: UNESCO.

⁴ UNESCO. 1953. "The use of the vernacular languages in education." Monographs on Foundations of

Education, No. 8. Paris: UNESCO.

⁵ UNESCO. 1999. "Implementation of a Language Policy for the World Based on Multilingualism."

Records of the General Conference, 30th session. Paris: UNESCO. 132.

⁶ DepEd. 2012. FEBRUARY 17, 2012 DO 16, S. 2012 – GUIDELINES ON THE IMPLEMENTATION OF THE

MOTHER TONGUE-BASED MULTILINGUAL EDUCATION (MTB-MLE). Pebrero 17. Inakses Abril 21, 2020.

mother-tongue-based-multilingual-education-mtb-mle/.


Comments


bottom of page