top of page
Larawan ng writerLeo Fordán

May mga Wikang Nilikha


Ngayong Hulyo 26, ipinagdiriwang ng mga Esperantista sa buong mundo ang Esperanto-Tago o “Araw ng Esperanto,” bílang pagtatampok sa pinakasikat at pinakamatagumpay na constructed language sa kasalukuyan. Ang araw na ito ang anibersaryo ng paglalabas ni L.L. Zamenhof ng kaniyang Unua Libro (Unang Aklat) na unang tumalakay sa wikang ito.


MGA WIKANG HINDI LIKÁS

Posibleng bago pa sa pandinig mo ang terminong “constructed language” at hindi mo pa ganap na napapagtanto kung paanong may mga wikang ‘nilikha’. Para mas madalîng maintindihan ang konsepto ng constructed language, una, kailangang banggitin na ang lahat ng wika sa mundo ay mga wikang natural (natural language). Ibig sabihin, lahat ng ginagáamit nating anyo at mga tunog sa pagsasalita ay resulta ng arbitraryo at matagal na proseso ng pagdevelop sa paglipas ng panahon. Ibig sabihin, likás na umusbong ang bawat wikang ito kalakip ng kasaysayan at ebolusyon ng táo sa kabihasnan at bílang species. Naiiba sa aspektong ito ang mga constructed language, na tinatawag ding conlang, dahil nabuo ang mga ito mula sa artipisyal na paraan sapagkat sadya siláng inimbento, kung kayâ may direktang interbensiyon na maaaring mula sa idea ng isang lupon o indibidwal.¹


Laganap ang mga constructed language sa popular na midya, partikular sa mga palabas na naglalaman ng mga fiksiyonal na pangkat ng tao mula sa ibang mundo o paminsan, para sa mga karakter na mula sa kalawakan o literal na alien. Marahil pamilyar para sa mga palanood ang Sindarin, Dothraki, Klingon, Na’vi, High Valyrian at iba pa mula sa mga sikát na serye. At saká, mayroon pa ngang Enchanta na mula naman sa sarili nating Encantadia.


Sa katunayan, may matatagpuan ding isang constructed language sa Pilipinas na ginagamit ng isang minoryang pangkat sa Bohol, ang Eskayan, na nababalutan ng misteryo ang pinagmulan at pagkalehitimo. Ayon sa mga kuwento, ipinagpapalagay na inimbento ito ng ninuo nilang nagngangalang “Pinay,” kasabay ng natatangì din nitong sistema ng pagsulat. Nakakamangha ang wikang ito kung ilalarawan at itinuturing na language isolate², sapagkat tíla walang kaugnayan sa mga ibang wika ng Pilipinas ang bokabularyo nito, ngunit ang gramar ay may pagkakatulad sa Boholano, ang dayalek ng Sebwano sa kanilang erya.³


Sa kasaysayan naman, may mangilan-ngilan ding signifikant na sumubok lumikha ng wika tulad ni Johann Schleyer, ang German na paring nag-imbento sa Volapük noong 1879. Ang sabi, napanaginipan daw niya na ipinayo sa kaniya ng Diyos na gumawa ng isang wikang internasyonal. Umani ito ng kasikatan at nakapagdaos pa ng mga kumbensiyon, nakapagtatag ng mga samahán, at nakapagpablish ng mga teksbuk. Kalaunan, hindi na rin ito gaanong tinanggap ng madla marahil sa kakaibang anyo nito at sa pagiging kasinghirap ng Latin.⁴


ANG WIKA NG PAG-ASA

Pagdating ng 1887, may panibagong tumanggap ng hámon sa paggawa ng sariling wika—ang Polish na optalmologong si Ludwik Lezjer Zamenhof. Sa kaniyang pananatili sa Białystok, napagtanto niya na ang pagkakahati sa wika (language barriers) ang dahilan ng away sa pagitan ng mga Russian, German, Polish, at Judio. Kung kayâ naman, sinimulan niya ang paglikha sa tingin niyang susi sa pagkakaisa, ang pag-iral ng isang wika na episyente at madalîng matutuhan, na magagamit bílang midyum ng komunikasyon ng mga tao na may magkakaibang unang wika o L1. Nagmula ang pangalan ng Esperanto sa salitâng espero ng naturang wika na nangangahulugang “pag-asa” na nilapian ng -anto, kayâ nakabuo ng kahulugan na “táong umaasa.” Sapagkat, umaasa ang mga Esperantista sa pandaigdigang pagkakaisa kung saan wika ang mitsa.


​Sa kasalukuyan, Esperanto ang pinakagamít na constructed language sa kontemporaneong panahon at ginagamit ng mga ispiker sa humigit-kumulang 100 bansa sa buong mundo¹. Sinasabing limang beses na mas madalîng matutuhan kaysa sa Español o Frances at 20 beses na mas madalî kaysa Arabic o mga wikang Chino.⁴ Ito ay dahil lubhang regular ang gramar ng Esperanto at halos walang eksepsiyon kompara sa mga ibang wika, kung kayâ natatanggal ang kompleksidad. Sa katunayan, maaaring maibuod sa 21 batayang tuntúnin ang pagkatuto sa gramar nito. Isa rito ang sistematikong pagbuo ng pandiwa gámit ang kakaunting hulapi na hindi nagbabago batay sa dami (number) ng pinatutunguhan nito at sa panauhan (person) ng simuno sa pangungusap, taliwas sa kalakaran ng mga wikang Europeo:

Dahil dito, sa loob ng tatlong buwan, kináya ko nang makipagchat sa mga tao online gámit ang wikang ito, o maging conversational. Malayòng-malayò ito sa tagal ng acquisition para sa mga wikang natural.


Bukod pa sa mga bentaha sa madalîng pagkatuto, masasabi ring isang lodyikal at lehitimong adbokasi ang pagtataguyod ng Esperanto. Sa loob ng Esperantujo, ang komunidad ng mga Esperantista, ang mga sumusuporta sa finvenkismo ay may mithi lang na makamit ang tinatawag na fina venko (hulíng tagumpay) o ang yugto kung saan magiging aktuwal na international auxiliary language ang Esperanto. Pinaniniwalaan ng ilang finvenkista na maaaring mawaksan nito ang digmaan, labis-labis na patriyotismo, at opresyon sa mga kultura. Kung titingnan, magiging malaking tulong ito sa pangangalaga sa libo-libong wika sa buong mundo na nanganganib maglaho, sapagkat ang nais lang ng kilusan ay magsilbi ito bílang sekundaryang wika o wikang tulay nang hindi pinangingibabawan ang lahat ng iba pa para maging ito na lang ang nag-iisang sasalitain. Kinikilala ng Esperanto ang kahalagahan ng linguistic diversity sa mundo at hinahangad lang maging isang neutral at mas madalîng tulay sa pagitan ng mga ito, para sa pagkakaisa ng lahat ng táo.


Sa kasalukuyan, tinatayang mayroong 2 milyong⁵ ispiker ng Esperanto na nakakalat sa iba’t ibang parte ng mundo at dumadami dahil sa tulong ng internet. Nitong nakaraang Hulyo 15-18, isinagawa ang makasaysayan at kauna-unahang online na IJK o Internacia Junularo Kongreso (Pandaigdigang Pagtitipon ng Kabataan) kung saan kasáma akó sa mga nakilahok. Kung kayâ, pag may libre kayong oras ngayong panahon ng kuwarantin at nagbabalak matuto ng panibagong wika, ikonsider na ninyo ang Esperanto. Bukod sa madalî kang makakapagdagdag sa listahan ng mga wikang sinasalita mo, makakaatend ka pa ng mga event kasáma ang mga ispiker nito. Palawakin ang iyong mundo, pag-aralan ang pinakamatagumpay na constructed language na unti-unting nakikilála sa ating panahon!

Sanggunian

¹ Van Oostendorp, Marc. 2016. Constructed Languages. Agosto 22. Inakses Hunyo 24, 2020.

http://serious-science.org/constructed-languages-6242.

² Ager, Simon. 2020. Eskayan. Inakses Hunyo 24, 2020. https://omniglot.com/writing/eskayan.htm.

³ Endangered Alphabets Project. 2018. Eskayan. Inakses Hunyo 22, 2020.

https://www.endangeredalphabets.net/alphabets/eskayan/.

⁴ Newnham, David. 2003. A beginners guide to Esperanto. Hulyo 12. Inakses Hulyo 15, 2020.

https://www.theguardian.com/lifeandstyle/2003/jul/12/weekend.davidnewnham.

⁵ Eberhard, David M., Gary F. Simons, at Charles D. Fennig. 2020. Ethnologue: Languages 2020 of the

World. Twenty-third edition. Texas: Summer Institute of Linguistics (SIL).


Comments


bottom of page