top of page

Miskonsepsiyon sa Esperanto at Linguistic Diversity


Peligroso nga ba ang pagkakaroon ng maraming wika sa mundo? Sa ideang ito umikot ang videong inilabas noong Enero 11 ng kilaláng Facebook page na Nas Daily. Dahil umano sa mga wika, nababawasan ang pagkakataon ng mga tao na makipagtalastasan sa bawat isa at nagiging dahilan ng mga kaguluhan tulad ng giyera. Gaya sa kuwento ng Tore ng Babel, ipinanukala ni Nas na dapat maging iisa na lang ang wikang ginagamit sa buong mundo. Gayumpaman, ang pambato niya ay hindi ang pinakasinasalitang wika sa kasalukuyan, ang English, kundi sa isang constructed language, ang Esperanto. Bago mo ituloy ang pagbabasá mabuting panoorin muna ang nasabing video sa link na ito.


ANG WIKA NG PAG-ASA

Dahil sa kagustuhan ni Nas na magkaroon ng pandaigdigang kapayapaan at pabagsakin ang mga itinuturing niyang hanggahan—ang mga wika—isang magandang tuklas para sa kaniya ang Esperanto. Dinevelop ang Esperanto noong 1878 ni Ludwik Lezjer Zamenhof, isang Polish na optalmologo. Bunga ang wikang ito ng obserbasyon ni Zamenhof nang mapagtanto niyang ang pagkakahati sa wika ang dahilan ng away ng mga Russian, German, Polish, at Judio sa Białystok. Kung kayâ, nilayon niyang isakatuparan ang pag-imbento ng isang wika, na episyente at madalîng matutuhan, na magagamit bílang midyum ng komunikasyon ng mga táo na may magkakaibang unang wika o L1. Nagmula ang pangalan ng Esperanto sa salitâng espero ng naturang wika na nangangahulugang “pag-asa” na nilapian ng –anto, kayâ nakabuo ng kahulugan na “táong umaasa.” Sapagkat, umaasa ang mga Esperantista sa pandaigdigang pagkakaisa kung saan wika ang mitsa. Sa kasalukuyan, Esperanto ang pinakagamít na constructed language sa kontemporaneong panahon at ginagámit ng mga ispiker sa humigit-kumulang 100 bansa sa buong mundo¹.

Walang duda na isang lohikal at lehitimong adbokasi ang pagtataguyod ng Esperanto. Pero batay sa mga nabanggit na argumento ni Nas sa nasabing video, marahil hindi niya pa ganap na naintindihan ang totoong hangarin ng Esperanto. Sa loob ng Esperantujo, ang mga sumusuporta sa finvenkismo ay may mithi lang na makamit ang tinatawag na fina venko (hulíng tagumpay) o ang aktuwal na pagiging international auxiliary language ng Esperanto. Kung gayon, ang nais lang ng mga Esperantista ay magsilbi ito bílang sekundaryang wika nang hindi pinangingibabawan ang lahat ng iba pang wika sa mundo para maging ito na lang ang nag-iisang sasalitain. Kinikilala ng Esperanto ang kahalagahan ng linguistic diversity sa mundo at walang balak na waksiin ang pag-iral ng libo-libong wika.

HINDI MASAMÂ NA MADAMI ANG WIKA

Sa katunayan, sa isang bandá, may katotohanan ang sinasabi ni Nas. Hindi maipagkakaila na may daláng panganib sa pagkakaunawaan ng isa’t isa ang pagkakaroon ng magkakaibang sinasalita. Gayumpaman, ito ang realidad ng mundo at anumang klase ng dibersidad ay nararapat lang protektahan dahil higit na matimbang ang mga dalá nitóng bentaha.

Para kay Crystal (2002), ang pananaw ng natural na agham sa importansiya ng biodiversity ay madalîng mailalapat sa pagtatanggol ng ating mga wika. Una, dahil esensiyal para sa ebolusyon ang dibersidad. Kung oobserbahan ang kalikásan, makikitang ang pinakamatatatag na ekosistem sa daigdig ay ang mga pinakadiberso. Sapagkat sa biyolohiya, mahalaga ang pagkatangì at pag-iral ng samot-saring species sa kanilang mga envayronment. Anumang pagkasira sa alinman sa mga elemento ng isang ekosistem ay maaaring magresulta sa mga di-inaasahang konsekwensiya sa kabuoan ng sistema dahil umiikot ang buong konsepto nitó sa network ng mga ugnayan².

Sa pinakahulíng talâ ng Ethnologue, sinasabing may 7,111 wikang sinasalita sa buong mundo, buháy at dinamiko. Sa kasamaang palad, 40% ng mga wikang ito ay nanganganib nang maglaho dahil pakaunti nang pakaunti ang mga ispiker³. Sa pagkakataong namatay ang isang wika, ang mga hálagáhan (values) at tradisyong niyakap ng komunidad ay naglalaho din. Ayon sa mga siyentista, maraming wika ang itinuturing na imbákan ng katutubong kaalaman hinggil sa halamang-gamot at mga gawaing ekolohiko, na kasámang nawawala sa pagkamatay ng mga wikang ito⁴. Ito ang dahilan kung bakit kalakip ng intangible cultural heritage (ICH) ang mga wika, dahil ginagamit ang mga ito bílang behikulo para ipahayag at patúloy na pagyamanin ang mga tradisyon at kultura ng isang pangkat⁵.

Ang isyu na ito sa pangangalaga ng mga wika sa buong mundo ang mitsa ng pagdedeklara ng United Nations sa 2019 bílang International Year of Indigenous Languages (IYIL). Nilayon ng mga pagdiriwang sa buong taon na pumukaw ng kamalayan sa nanganganib na kalagayan ng mga katutubong wika at mga kahihinatnan nito. Tinatáya ng Summer Institute of Linguistics (SIL) na siyam na wika ang patuloy na namamatay kada taon sa buong mundo at inaasahang dodoble pa ang bilis na ito hábang papalapit ang pagtatapos ng ika-21 siglo⁶. Sa Pilipinas pa lang, 28 na ang nanganganib at 11 ang nása bingit ng pagkamatay. Higit pa rito, 20-33% sa mga wika ng Pilipinas ang hindi na vigorous⁷. Tumutukoy ang “vigorous” sa estado kung saan ang isang wika ay hindi na naipapása ng matatanda sa mga batà para maging unang wika nila, bagama’t ginagamit pa ng lahat ng henerasyon sa paraang oral⁸.

TÚNGO SA ISANG WIKANG PANLAHAT

Isa nang fityur ng kontemporanyong mundo ang pagkakaroon ng maraming wika at gayundin sa mga bansang tulad ng Pilipinas. Gayumpaman, maayos na naiiwasan ang ganitong hindi pagkakaunawaan dahil sa eksistens ng isang wikang panlahat, na sa kaso ng ating bayan ay Filipino. Walang pinagkaiba sa tunay na mandato para sa pagkakaroon ng isang wikang pambansa ang lohika sa likod ng imbensiyon na Esperanto.

Sa kasamaang pálad, ang Filipino ay karaniwang target ng kritisismo mula sa mga rehiyonalista (at mga nagbabalatkayong pro-English na edukador) dahil sa gahum diumano na ipinipilit nito sa mga iba pang katutubòng wika sa bansa. Ang totoo, hindî kasáma sa plano ng Filipino na patayin ang mga wika ng Pilipinas. Nais lang nitóng maging wikang tulay, ang tinatawag na lingua franca, para sa mga Filipino na mula sa iba't ibang pangkat-etniko kung kayâ’t may pagkakaiba-iba sa unang wika. Kung magkatagpo man sa lansangan, ano ba ang gagamiting wika ng isang Kapampangan at isang Sebwano kung kailangan nilang makipagkomyunikeyt sa isa’t isa? Malinaw ang sagot, at anupamang midyum na naglaláyong magbuklod ng mga grupo ng táo ay dapat lang itaguyod—sa kondisyon na pananatilihin pa ring buháy ang lahat ng iba pang wika.

Vivu Esperanto, la filipina, kaj ĉiuj aliaj lingvoj tra la tuta mondo! (Mabúhay ang Esperanto, ang Filipino, at lahat ng iba pang wika sa buong mundo!)

Sanggunian

¹ Eberhard, David M., Gary F. Simons, at Charles D. Fennig. 2019. Ethnologue: Languages of the World.

Twenty-second edition. Texas: Summer Institute of Linguistics (SIL).

² Crystal, David. 2000. Language Death. Cambridge University Press .

³ tingnan ang talababâ 1

⁴ Reid, Lawrence A., at Analyn V. Salvador-Amores. 2016. Guide to Isinay Orthography. Baguio: Cordillera

Studies Center.

⁵ UNESCO. 2018. Basic Texts of the 2003 Convention for the Safeguarding of the Intangible Cultural

Heritage. Paris: United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization.

⁶ Kenmogne, Michel. 2019. "Addressing Together the Threat of Losing the World's Language

Diversity." SIL International. January 28. Inakses Enero 13, 2020.

https://www.sil.org/sites/default/files/gcfarticlesdoclosingworldslanguagediversity3.26.pdf.

⁷ Simons, Gary F. 2019. "Two Centuries of Spreading Language Loss." SIL International. January 5.

language_loss-handout.pdf.

⁸ Lewis, M. Paul, at Gary F. Simons. 2010. "Assessing endangerment: Expanding Fishman's GIDS."

Revue roumaine de linguistique 103-120.


Comentários


bottom of page