top of page
Larawan ng writerLeo Fordán

Para sa Ekwilibriyong Pangwika


Lakip ng islogan na “Isang Bansa, Isang Diwa,” sinubok din ng diktadurang Marcos na magsulong ng isang wika para lalong isakasangkapan ang ideya ng ‘kaisahan’. Marahil, buhat noon sumamâ ang pagtingin sa wikang Filipino. Tagalog-centric daw ito, ayon sa social media. Mito lang ito. Ngunit, mitong nakakapinsala sa pagtanaw natin sa multilingguwalismo. Kayâ naman, babasagin ko ang nosyon na iyan. Hindi dapat pag-umpugin ang Filipino at mga wika ng Pilipinas, at sa katunayan, maski nga ang Ingles.


Kamakailan, iginiit ng ACT Teachers Partylist na Filipino dapat ang maging pangunahing midyum ng pagtuturo bílang tugon kay Ginoong Marcos na pabor sa pagpapaigting ng paggamit sa Ingles sa isang prescon, na inulit sa kaniyang SONA. Pinuna ng magkabilâng ispektrum ang mungkahi ng progresibong grupo. Sa isang panig ng kuro-kuro online, bumobobo raw ang mga Pilipino sa Ingles dahil dito. Samantála, tanong ng iba, paano naman daw ang mga ibang wika ng Pilipinas? Dito lumilitaw ang maling pag-iisip na nakakulong sa mga walang-kabuluhang dibisyon. Tuwing palising pangwika ang pinagtatalunan, may mahalagang aspekto na nalilimot—ang katotohanan na maaari namang pagbalansehin ang lahat. Dahil, hindi mutually exclusive ang mga bagay na ito.


Unang-una, kailangan ang paggamit ng unang wika (L1) lalo na sa mga inisyal na taon ng elementarya. Napatunayan na ng sandamakmak na riserts ang agham sa likod ng iniimplementang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) sa Pilipinas. Mas nagiging matagumpay ang mag-aaral sa akademiks kung itinuturo ito sa wikang pinakanaiintindihan niya. Gayundin, ang inklusyon ng mga katutubong wika sa sistemang pang-edukasyon ay hindi nalalayo sa adhikang ipreserba ang linguistic diversity ng bansa—na isa ring gawaing siyentipiko! Sapagkat, inuudyok nito ang mga magulang na ipása ang kinagisnang wika dahil kahingian ito ng paaralan. Kung kayâ, bukod pa sa mga kognitibong bentahe, mainam ito para sa transmisyon ng pamanang kultural.


Ngunit kasabay nito, kailangan pa rin ang Filipino. Bagama’t nais itong buwagin ng mga nagbibihis ala-protektor ng katutubong wika (para diumano mapigilan ang paglaho ng mga wika ng Pilipinas), hindi naman ang wikang pambansa mismo ang salarin. Totoo na “Tagalog lang” ang Filipino alinsunod sa prinsipyo ng mutual intelligibility. Dahil, nagkakaintindihan ang sinumang ispiker ng ‘Filipino’ at ng ‘Tagalog’. Kaso, labas iyan sa usaping ito dahil hindi maipagkakaila na nagagampanan nito ang tungkulin bílang lingua franca. Isa na itong wikang tulay na nagbubuklod sa mga Pilipinong lumaki sa magkakaibang unang wika. Kayâ, sinasalita ito ng buong populasyon. Mas madalî kasi itong matamo kaysa anumang banyagang wika dahil sa pagkakahawig ng gramar at leksikon ng mga wika ng Pilipinas.


Maraming magsasabi na hindi iyon totoong istatistiks. Mahina raw, halimbawa, ang mga taga-Baguio sa Filipino dahil mas gamay nila ang Ingles. Ngunit, ipinasasawalang-katotohanan iyan ng simpleng pamimilí ko sa palengke kung saan makakarinig ng mahusay na pagdaloy ng kanilang Filipino sa gawaing pangkomersiyo. Ang totoo, maituturing pa ngang uri ng diskriminasyon na igiit ang kabaligtaran—Filipino pa rin naman ang varayting iyon kahit nakukulayan ng Ilokano. Sa paglalahok ng bokabularyong rehiyonal at mga varyant na pandiwa, gradwal ding natutupad ang plano sa Konstitusyon na amalgamadong wikang pambansa.


Higit pa rito, maging ang kilusan para sa pambansang demokrasya ay kumikilala sa kapangyarihan ng Filipino para makamit ang pagbabagong panlipunan: “Dapat itaguyod ang paggamit sa pambansang lengguwahe para mapabilis ang pagpapalaganap sa rebolusyonaryong kulturang pambansa.” Ayon dito, napupunan ng Filipino ang kraytirya ng pagiging “pambansa, siyentipiko, at pangmasa” nang higit kaysa sa hinahaing neutral na alternatibo diumano, ang Ingles, na wikang itinataguyod ng imperyalismong US.


Gayumpaman, kung nagdududa ka pa rin sa merito ng wikang pambansa, maaari mong paglimian ang haypotetikal na sitwasyong ito: sa lansangan kapag may nagkatagpong, halimbawa, Ilokano at Bisaya, anong wika ang gagamitin nila para sa mabisang komunikasyon? Hindi ito tanong-retorikal, sapagkat sa kabila ng internal na pagkiling ninuman, tiyak na ang sagot ay Filipino.


Panghulí, kukumbinsihin ko rin kayo na hindi kaaway maski ang Ingles. Oo, mahalaga pati ang wikang isinasábong sa mga unang nabanggit. Bagama’t tiyak na hindi isang wika ng Pilipinas (dahil walang dyenetik na koneksiyon), niyakap na natin ito bílang wikang sarili. Hindi dahil kesyo wikang opisyal na ipinilit ng pamahalaan, kundi dahil may Philippine English táyo na nililinang. Likás nating naisawika dito ang identidad ng Pilipino. Gayundin, ito ang nag-uugnay sa atin sa mundo. Kayâ naman, hindi ito dapat ganap na talikuran sa layunin na bigyang-katarungan ang wikang pambansa at mga katutubong wika.


Kung gayon, ang kinakailangan ng bansa ay pagpapabuti ng kasalukuyang palising multilingguwal para may sinserong akomodasyon ng Filipino at mga wika ng Pilipinas. Sa kalakaran ngayon, kahit may MTB-MLE, nangingibabaw pa rin ang paggamit ng Ingles dahil hinihikayat ng mga tagapamahalaan, taliwas sa mandato ng batas. Samakatwid, hindi maaari na higit pa itong paigtingin. Bunsod nito, nagmimistulang panggulo lang ang mga katutubong wika sa mata ng karaniwang mamamayan. Panahon na para makinig táyo sa agham ng wika: mas maraming sinasalita, mas malusog ang utak.


Ano’t anuman, dahil sa mga isyu tulad ng mababang ranking ng Pilipinas sa 2018 PISA, mainam na rebyuhin ang sistemang pang-edukasyon sa kabuoan. Sa ganoon, mabubunyag na sanga-sanga ang mga bagay at hindi salita ang nag-iisang salik. Maraming dapat repasuhin ang pamahalaan sa halip na magfokus sa mga paulit-ulit na atrasadong panukala hinggil sa wika.


Unang inilathala ang artikulong ito sa Facebook page ng pahayagang UP Baguio Outcrop

Comments


bottom of page