top of page
Larawan ng writerLeo Fordán

Panghihiram at Pag-aangkin


Nalalapit na muli ang panahon ng pagtatapos sa maraming unibersidad sa Pilipinas. Bahagi nito ang paggagawad ng mga titulo sa seremonya para sa mga gradweyt na nakakamit ng partikular na gradong nararapat bigyan ng distingksiyon. Bagama’t tinatawag din sa Ingles ng mga ibang institusyon, karaniwang kilalá sa Pilipinas ang tatlong titulo sa mga katumbas nito sa Latin: cum laude, magna cum laude, at summa cum laude.


Walang pagtatalo sa una at sa panghulí ngunit, kamakailan napapansin ko na maproblema ang panturing ng pangalawang titulo. Ayon sa bigkas ng nakararaming Filipino, /mág-na/ ito. Ngunit, paminsan itong nakakatanggap ng pangongorek mula sa mga nagsasabing /má-nya/ ang higit na tumpak. Ano nga ba ang batas nito sa Latin?


TUMBASANG TITIK-TUNOG

Sa mga alpabeto, mayroong mga iisang tunog na kinakatawan ng dalawang titik o “digrapo” tulad ng Ng sa alpabetong Filipino na tumatayo para sa tunog na [ŋ], na naiibang tunog mula sa mga kinakatawan ng titik N o titik G. Gayundin ang kaso ng digrapong Gn sa Latin na para naman sa [ɲ]. Kayâ naman, nagiging /má-nya/ang bigkas sa magna kung susundin ang mga batas ng klasikong Latin.


Gayumpaman, malaon nang binibigkas ang magna cum laude nang may matigas na [g] at [n], imbes na ang bigkas-Latin, maging sa Merriam-Webster (2023)¹ na diksiyonaryo ng American English. Sa katunayan, ni wala itong inilistang varyant na bigkas para sa /mán-ya/ kung kayâ’t nangangahulugan na walang tiyak na dami ng mga ispiker ng American English na bumibigkas nito sa ganoong paraan. Bukod pa rito, sapagkat madalas din namang nailalahok ang naturang terminong maging sa mga pang-araw-araw na kumbersasyon sa Filipino, maaari ding konsultahin ang UP Diksiyonaryong Filipino (2010)² kung saan matutuklasan na ang entri ng bigkas para sa Filipino ay kahawig din ng sa Ingles. Naiiba lang ito, siyempre, sa mga patinig na ginagamit (may tendensiya ang Ingles na gumamit ng schwa para sa mga pantig na walang diin) ngunit, ang mga katinig ay identikal. Kung gayon, kinikilala maging ng mga leksikograper na ito ang lehitimong bigkas ng magna cum laude sang-ayon sa aktuwal na ginagamit ng mga ispiker ng Ingles at Filipino.


PAGSASAKATUTUBO NG TUNOG

Ang totoo, hindi táyo (lahat ng táong ispiker ng anumang wika) nagbibigkas ng isang salitâng-hiram batay sa sistema ng mga tunog, o “ponolohiya,” ng orihinal na wikang pinagmulan nito. Kundi, binibigkas natin ito nang may impluwensiya ng sarili nating set ng mga tunog at ugnayan ng mga tunog na ito. Ang mga bigkas na ganito ay resulta ng pagsasakatutubo. Bagama’t maraming mga unibersal sa lahat ng mga wika sa mundo lalo na sa antas ng ponolohiya, hal. lahat ng wika ay may minimum na /a/, /i/, at /u/ bílang mga patinig, may masalimuot na pagkakaiba-iba ang mga ito. Ang !Xóõ ng Botswana, halimbawa, ay nagtataglay ng 122 katinig sa imbentaryo nito kung saan marami ang tunog na klik³, isang fityur na yunik sa mga wika ng Africa. Samantála, ang Tagalog ay mayroon lang 16 na katinig at sa Ingles, 21. Kung kayâ naman, para tumugon sa variance na ito, ginagamit sa tagatanggap na wika ang pinakamalapit na tunog na katumbas ng nása wikang hiniraman. Sa Tagalog, noong hindi pa ginagamit ang tunog na [f] tulad sa modernong varayti nito, naging [p] ang mga salitâng-hiram mula Espanyol tulad ng “pamilya” (familia), “prutas” (fruta), “pirma” (firmar), atbp. Ibig sabihin, para sa dila ng mga Tagalog noong kolonyal na panahon, [p] ang pinakamalapit na kompromisong tunog para parisan ang Espanyol na [f], at makikita ang mga katulad na estratehiya sa lahat ng wika sa mundo na nanghihiram mula sa wikang may signifikant na pagkakaiba sa ponolohiya nito.


ANG AGHAM NG PONOLOHIYA

Ang wastong pagtanaw sa wika ay kumikilala sa pagiging siyentipikong bagay nito. Ibig sabihin, hindi personal na preperensiya ang nagtatakda kung ano lang ang katanggap-tanggap sa paggamit ng wika kundi, ang empirikal na realidad. Ang mga linggwist ay tulad ng siyentista sa paraan ng pagsusuri nila sa mga penomenong pangwika nang obhetibo at tiyak, na isa itong komplikadong entidad na hindi istatiko. Halimbawa, dahil hindi laging nagkakatugma ang mga ponetikong imbentaryo ng mga wika, natural na inaadap ng mga ispiker ang bigkas ng salitâng banyaga ayon sa mga limitasyon ng sarili niya. Ganito ang nagaganap sa mga inilarawan sa naunang talata na hindi maaaring hatulan ng kawastuhan o kamalian sapagkat patuloy na maririnig sa dila ng bayan. At, wala itong kinalaman sa kung anupaman ang opinyon ng nagmamagaling na grammar nazi. Sapagkat, anumang nakasanayan sa wika (ng signifikant na dami ng mga ispiker) ay tiyak na tama!


Sanggunian

1 Merriam-Webster. 2023. magna cum laude. Inakses Hulyo 10, 2023. https://www.merriam-

2 Almario, Virgilio S. 2010. UP Diksiyonaryong Filipino. Quezon: UP Sentro ng Wikang Filipino-Diliman

3 Maddieson, Ian. 2013. "Chapter 1: Consonant Inventories." Sa The World Atlas of Language Structures

Online, inedit nina Matthew Dryer and Martin Haspelmath. Leipzig: Max Planck Institute for

Evolutionary Anthropology. http://wals.info/chapter/1.

コメント


bottom of page