Naaalala niyo pa ba ang CMO 20?
Ang alam ng karamihan, ito ang atas na nagtanggal sa mga sabjek na Filipino at Panitikan sa kolehiyo, na mariing tinutol ng mga makabayan noon tulad ko. Maganda ang hangarin ng naging pagkilos na iyon dahil dapat lang naman ipaglaban ang wikang Filipino.
Gayumpaman, makikita doon ang tendensi ng tao na kumampi sa isang panig bagama't hindi alam ang mga kompleksidad ng isyu, parang mga táong naniniwala sa anthropogenic climate change kahit hindi alam ang siyentipikong sanhi nito dahil iyon ang nakalinya sa ideolohiya nila¹ (at oo, totoo na dinudulot ng malalaking korporasyon ang climate change kayâ dapat lang din talagang tutulan). Tumutol din táyo sa CMO 20 dahil mukhang iyon ang nararapat gawin bílang pagtatanggol sa makabayang edukasyon.
Ngunit, hindi alam ng karamihan na sa pamamagitan ng CMO 20, sinimulan ang mga sabjek na interdisiplinari kung kayâ't naiiba sa mga sabjek sa junyor-hayskul. Maganda naman talaga ang GE program dahil bukod sa pansariling digri, nananatiling maláy ang estudyante sa mga ibang mulaan ng karunungan na maaaring maging paraan para mas mapagbuti ang pagpapakadalubhasa (para magbasá pa tungkol dito, i-search ang terminong consilience). Samakatwid, sa isang sanaysay ko noong 2020, inihayag kong hindi ako sang-ayon na ibalik sa kolehiyo pati ang Panitikan (Filipino lang dapat) dahil sa adhika ng CMO 20. Tiyak na may unting modipikasyon sa opinyon ko sa panahong nakalipas kayâ naman magsisilbi na ring update ang kasalukuyang sanaysay.
Sa kabila nito, matatag ang posisyon ko na dapat magkaroon ng sabjek na Filipino sa kolehiyo na walang dudang angkop naman sa nasabing hangarin ng CMO 20. Madalîng maiuugnay ang wika sa mga ibang paksa, lalo na sa kultura at lipunan, na maaari pang tumulay sa agham atbpang larangan.
Ngayon, sa parteng ito, ilalantad ko na ang kontrobersiyal na pagsalungat ko sa isang kamakailang panukalang batas para dito: ang HB 564 na pinamagatang "BATAS NA NAGTATAKDA NG HINDI BABABA SA SIYAM (9) NA YUNIT NG ASIGNATURANG FILIPINO AT TATLONG (3) YUNIT NG ASIGNATURANG PANITIKAN SA KURIKULUM NG KOLEHIYO." Ibinuod na rito ang lehislasyon at malinaw na naghahangad ito ng mga dagdag na GE sabjek sa kolehiyo, higit pa sa opsiyonal na 3-yunit na Filipino sabjek gaya ng umiiral sa UP (ang WIKA 1, o FIL 40 sa ibang kampus).
Hindi ako sang-ayon na dapat itong maisabatas.
Una sa lahat, hindi naisaalang-alang ng HB 564 ang kalagayan ng mga estudyante sa kolehiyo na nararamihan na sa dami ng yunit sa kasalukuyan pa lang na kalakaran. Kailangang tanawin ang salik na ito sa ating pagpapasya. Sapagkat kung hindi, ano ang hangganan nito lahat? Mahalaga rin ang matematika, ang kasaysayan, ang pilosopiya. Ngunit, bakit tig-iisang 3-yunit na sabjek lang ang mayroon dito sa kolehiyo? Paano kung umangal ang mga matematisyan, historyador, at pilosoper natin? Kakatwang senaryo ito, ngunit kung sakalìng mangyari, may punto sila. Sobra na nga sa tingin ko ang tatlong Science sabjek sa UP na dapat sanang iisa lang. May kailangan talagang tanggalin o limitahan dahil makakapinsala na sa pag-aaral ang labis-labis na sabjek, imbes na makatulong sa pagiging holistikong indibidwal ng bawat estudyante.
Bukod pa doon, posible bang makamit ang ganap na intelektuwalisasyon ng mga wika ng Pilipinas sa pamamagitan ng DAGDAG na sabjek sa kolehiyo? Sa tingin ko, hindi. Ang intelektuwalisasyon ay isinasagawa, hindi ginagawang sabjek. Sapat na siguro ang iisang Filipino sabjek na tatawaging "Wika, Kultura, at Lipunan" tulad sa UP. Anumang higit pa rito ay magiging counterproductive sa layuning buhayin ang pagmamahal ng mga estudyante sa sariling wika—baká lalo siláng mawalan ng gana dahil sa dagdag-pasakit.
Bukod pa doon, lalong magiging epektibo ang planong paigtingin ang pag-aaral sa wikang Filipino at mga wika ng Pilipinas kung hihikayatin ang mga estudyante na gamítin ito sa riserts at sa kani-kanilang larangan, tulad ng sinasabi sa tema para sa Buwan ng Wika ngayong taon.
Sanggunian
1 Pinker, Steven. 2018. Enlightenment Now: The Case for Reason, Science, Humanism, and Progress. New
York: Viking.
Comments