top of page
Larawan ng writerLeo Fordán

Wika at PANITIKAN Ipaglaban?


Matunog na isyu ng nagdaang taon ang CMO20, o ang atas ng CHED na nagtanggal sa Filipino at Panitikan mula sa mga required na sabjek sa kolehiyo. Bunsod nito, unti-unting ibinuwag ng mga unibersidad ang kanilang mga departmento ng Filipino at nananatili na lang ito sa mangilan-ngilang paaralan. Humarap ito sa matinding oposisyon at matagal na panahon ding naantala dahil sa mga TRO pero tuluyan ding napatupad sa pasiya ng Korte Suprema na konstitusyonal ito.


Para tumugon sa kolonyal na kautusang ito, inihain ng ACT Teachers Partylist ang HB 223 na nagpapanukala ng mandatory units sa kolehiyo para sa Filipino at Panitikan. Sa kasalukuyan, nakatengga pa rin ito sa Kongreso at mas nauna pang asikasuhin ang panukalang batas para maging Pambansang Bangka ang balangay. At nauna ding maipasá ang Anti-Terror Law na alam nating lahat na hindi talaga tungkol sa pagsugpo ng mga aktuwal na terorista. Batid ko siyempre na nása gitna táyo ng krisis pangkalusugan at hindi din naman HB 223 ang dapat pangunahing asikasuhin. Pero, hindi din kailangan ngayon ang batas para sa simpleng pambansang sagisag at mas lalo ang hindi kinakailangang batas para sa mas pinaigting na pasismo ng pamahalaan. Ano’t anupaman, hindi rin naman talaga ang pandemik ang pinaprayoriti ng mga nakaupô sa puwesto ngayon.


Gayumpaman, kahit nakapanig ako sa nilalayon ng mga kapanalig sa pagtatanggol ng wikang pambansa, meron akong kaunting rebisyon na hiling. Walang duda na sang-ayon ako nang buong puso sa mandatoring pagbabalik ng Filipino sa mga unibersidad. Malaking dagok sa pagtatatag ng makabayang edukasyon ang pagtatanggal ng Filipino na dapat ituring bílang batayang sabjek. Malinaw sa mga panínindígan ko na ganito ang aking paniniwala—dapat baligtarin ang maling hakbang na ito sapagkat ang wika ay esensiyal na larangang kaakibat ng maraming iba pa. Gayundin, sa ganitong antas ihinahanda ang estudyante para sa ‘propesyonal’ na mundo. At kahit na ba kitang-kitang pinangingibabawan pa rin ng English ang mga domeyn to, hindi maipagkakaila na madadalá ang mga leksiyon sa wika hanggang doon, tulad ng agham at iba pa.


Pero, sa kabila ng pagkuha ko ng kursong BA Language & Literature, masasabi ko pa ring baká hindi na kailangan na isáma pa ang Panitikan sa ganitong parte ng edukasyon. Sa tingin ko, may sapat na dami na ng mga kuwento sa wikang Filipino na pinag-aralan sa elementarya hanggang sa junyor-hayskul. Kung tutuusin din, hindi lahat ng estudyante ay mahílig sa pagbabasá, at mas lalong hindi lahat ay nahahalina sa fiksiyon. Higit pa rito, isa pang bagay na dapat ding isaalang-alang ang katotohanan na lubhang napakarami ng core courses sa kolehiyo. Ito ang dahilan kayâ hindi makapagfokus ang mga estudyante sa kanilang mga medyor. Kinikilála natin ang kahalagahan ng holistikong pagkatuto o paglalahok sa lahat ng esensiyal na larang sa pag-aaral, pero may hangganan ang lahat ng bagay. Kung isasama pati ang fild ng panitikan para sa kinokonsider na kailangan aralin ng lahat ng estudyante hanggang kolehiyo, paano na ang mga iba pa? Nakakapagod ito para sa mga estudyante kung marami siláng sabjek na kailangang pagsabay-sabayin.


Pero ang pinakamahalagang punto, e hindi rin madalîng maiuugnay ang Panitikan sa layuning maging interdisiplinaryo ang pag-aaral. Baká hindi ninyo nasagap ang balita, pero ang paliwanag ng CHED kung bakit tinanggal ang Filipino at Panitikan ay ang maganda sanang hangarin nila na pagrepaso sa kurikulum para sa mga bagong sabjek na interdisiplinaryo o naglalahok ng higit sa isang larang. Ang aspektong ito ng CMO 20 ang naging pangunahing dahilan ng pagtatanggal sa dalawang ito. Kung tutuusin, madalî sana itong gawin ang hangaring ito para sa Filipino—at ginagawa na ng UP sa kanilang Wika, Kultura, at Lipunan na sabjek—kaso pinilì ng CHED na hindi ito gawan ng paraan. Hindi ko alam kung dahil sa kakulangan ng diskarte (o katamaran?) o talagang kawalan ng pagpapahalaga sa pag-aaral ng wika. Ang tanong sa atin ngayon, paano magiging interdisiplinaryo ang Panitikan? Higit na maisasagawa ito sa Filipino sa pagdidiin ng puwang ng mga katutubong wika sa lipunan at sa kaniya-kaniya nating larang ng pag-aaral.


Bukod pa sa Filipino, kung meron mang dapat ibalik, baká mas angkop ang sabjek ng Philippine History sa junyor-hayskul para hindi tumandang ignorante sa kasaysayan ang mga bata. Aanhin ang teknikal na kaalaman kung hindi naman naidiin sa mga kukote ang mga leksiyon ng nakaraan? Maiaaplay ang parehong lohika sa pagtataguyod natin ng Filipino sa kolehiyo: ano ang saysay ng pagtuturò ng mga sangkap ng gramar at pagsusulat kung hindi naman ito napalalim at naikonekta sa mga ibang kasanayan?


Sa kabila ng lahat, hiling ko pa rin na maipasá ang panukalang batas na ito. Kahit na ba hindi ako ganap na sumasang-ayon dahil sa ilang lehitimong konsern at maski pa hindi mangyari ang munti kong suhestiyon. Magsilbi lang nawa itong bukás na liham para sa aking mga kapanalig sa wika. Makiisa táyo sa kanila sa pagpirma ng petisyong ito: www.change.org/p/philippine-house-of-representatives-isabatas-ang-house-bill-223-filipino-at-panitikan-sa-kolehiyo

Comments


bottom of page