BANYAGA ANG WIKA NG BATAS
Hindî na sikreto sa atin na ang paggamit ng mga wikang sarili ay isinasantabi lang sa pang-araw-araw na komunikasyon. Mas madalas pagtaasan ng kilay kaysa kahangaan ang sinumang nagtatangkang gumamit ng Filipino sa kanilang mga pormal na dokumento o akademikong pagsulat. Higit na natural makita ang mga katutubong wika sa paunti-unting panitikan at sa tsismisan sa mga lansangan. Ni hindi pa nga ito ganap na midyum ng mga balita, kung saan nakasulat sa English ang mga pinakamalalaking diyaryo sa Pilipinas. Suking paksa na ang realidad na ito sa napakaraming sanaysay ng mga makabayang iskolar. Ngayon naman, ang magiging fokus ng ating ididiskas ay ang implikasyon ng ganitong kalagayan sa larang ng batas. Mahusay itong naibubuod ni Ruben T. Reyes sa panimula ng kaniyang monograp na Wika at Batas (2016) ang nangyayari sa kasalukuyan:
“Tíla eksklusibo sa mga marurunong lámang, kundi man dalubhasa, ang wika ng batas. Sa Ingles pa ang karamihan sa mga diskurso nito. Maging sa telebisyon, radyo, lalo na sa social media o internet, na nagdudulot ng guwang (gap) sa impormasyon.” ¹
Nanilbihan si G. Reyes bílang Kasámang Mahistrado (Associate Justice) sa Korte Suprema, kung saan nagging masugid siyang tagapagtaguyod ng paggamit ng Filipino sa hukuman, partikular sa mga prosiding. Walang duda na totoo ang obserbasyon niya hinggil sa umiiral na sitwasyon sa batas at mga kaugnay na isyung pampolitika. Karaniwan kasing hindi maláy ang masa sa mga prosesong dinadaanan ng batas at mga tuntúning kaakibat ng bawat isa. Hanggang sa kasalukuyan, meron pa ring mga kultista na nag-aakalang ang Pangulo ang may hawak ng lahat ng kapangyarihan at dapat pasalamatan sa mga nabubuong batas. Bukod pa sa kakulangan ng edukasyon sa pagbabahagi ng kaalaman tungkol dito, mas napapalakas ang separasyong dahil sa mismong midyum. Kung kayâ, hindi lahat ng karaniwang Filipino ay maláy na tinatapakan na ang kanilang mga lehitimong karapatan at ninanakawan na sila ng mga ganid na politiko.
Bagama’t pangatlong wika ang English para sa karamihan ng mga Filipino, hindi pa rin ito ang wikang pinakanaiintindihan ng sambayanan. Hindî lahat ng tao ay pinalad na magkaroon ng mga pormal na klase sa naturang banyagang wika. Kadalasan, natutunan lang nila ito mula sa mga nababásang karatula at napapanood na komersiyal, o di kayâ sa mga nakakaengkuwentrong tagaibang bansa. Higit pa rito, lubha ding punô ng jargon ang lengguwaheng ito sa larang ng batas at sinabuyan ng mga freys sa Latin na mga nakapagtapos lang ng abogasya ang may susi sa kahulugan. Maganda ring sipiin ang kuro ni G. Reyes tungkol dito:
“Sinasabing ang wika ng batas ay tinig ng katarungan. Ang mga banyagang katawagan sa batas tulad ng habeas corpus, res ipsa loquitor, ad hoc, at marami pang iba ay moog nang maituturing sa wika ng batas. Subalit yaong maalam lámang sa paggamit ng mga salitâng ito ang nakakapagmonopolisa ng pakahulugan nitó. Kayâ’t ang mga táong nása laylayan ng lipunan ay nagmimistulang mangmang sa pag-unawa sa mga eskolaryong salita ng batas. Iyon ang nagiging hadlang sa pagkakalapít-lapít ng mga tao, sa halip na magbigkis sa kanila.” ¹
PANLILINLANG SA WIKANG PAMPOLITIKA
Hindî malayò sa kasalukuyang sitwasyon natin ang mga puntong nabanggit hinggil sa wika ng batas. Dahil sa English pa rin ang wika ng batas sa bansa, madalîng naitatago sa karaniwang mamamayan ang mga napakadelikadong probisyon. Pinaglalaruan ng mga nása kapangyarihan ang mga salita gámit ang elegante at mapanlinlang nilang lengguwahe para pumabor sa oportunista nilang adyenda. Natunghayan natin kung paano ginamit ng pamahalaan ang BaHO Act bílang instrumento para pulisin ang mga mamamayan at sabihing fake news diumano ang kanilang simpleng pagpapahayag ng mga puna at sentimyento sa social media laban sa kriminal na kapabayaan ng pamahalaan.
Mapanlinlang ang mismong wikang ginagamit ng pamahalaan, hindi lang sa pagsulat ng mga batas, kundi sa mismong akto ng pamamahala at pakikipag-ugnayan sa nasasakupan. ‘Ika nga ni George Orwell, na sumulat ng mga libro hinggil sa mga katakot-takot na hinaharap sa ilalim ng mapaniil na rehimen:
“Ang wikang pampolitika ay dinisenyo para gawing makatotohanan ang mga kasinungalingan at maging kagalang-galang ang pagpatay, at para ipamukhang solido ang purong hangin.” ² (salin ko)
Bagama’t isinulat ang akdang ito sa panahong ilang milya ang layo sa atin—at gayundin, ibang bansa ang sentro ng talakay—umaalingawngaw hanggang sa kasalukuyan ang mga kaisipang bitbit. Eksperto na ang pamahalaan sa wika ng desepsiyon, partikular sa paggawa ng lusot para sa mga napakaobyus na paglabag sa sarili nilang mga ipinapatupad na palisi. Binabarang nila ang ating pananaw. Dinagdagan ng ilang pang-uri ang dati nang eufemitiskong “community quarantine,” pero wala pa ring imprubment sa kalagayan ng masang pinakaapektado sa krisis na ito. Ni hindi nga daw natin kailangan ng mass testing, dahil sapat na ang guniguning “expanded targeted testing” nila. At saká, kailangan pa bang banggitin kung paano pabanguhin ng dáting butiking tagapagsalita ng Palasyo ang kanilang mga pahayag? Hanggang ngayon, ipinamumudmod nila sa atin ang mga napakakorning linya na may formulang “we ____ as one” para sa kanilang lip service na kapit-bisig. Dahil sila mismo ang sagabal sa pagkakaisa, ang mga promotor ng pagkakawatak-watak. Sila ang nagpapalala ng mga pangyayari sa patuloy nilang pang-aantagonays sa mga mamamayang natútong tumindig laban sa kamalian.
Panibagong banta naman ang pílit na pagraratsada sa Anti-Terrorism Act of 2020 na lantarang balak kitilin (overkill na nga e!) ang aktibismo at malayàng ekspresyon na tuluyang sisimot sa kakarampot na natitiráng demokrasya. Kung titingnan sa mga koment sa Facebook, mahihinuha na isang hámon pa rin talaga para sa mga kababayan natin ang malalim na pag-intindi sa mga tekstong English—at pagbabasá nang higit pa sa literal na nakasulat. Marami pa rin kasing nabubudol na sumang-ayon sa pagpapasá ng batas na ito matapos subukang basahin ang mga nilalaman. Sapagkat, ganito siya ibinenta ng rehimen, bílang susi sa laban kontra terorismo, kahit alam naman nating lahat na higit pa ito doon. Anupamang pagbabaluktot ang gawin nila sa wika at pagsasaarmas (weaponization) ng batas, mananatili ang pesteng COVID-19 hangga’t walang kongkretong aksiyon na tutugon sa mismong krisis. Sanga-sanga at magkakaugnay ang mga bagay, gayundin ang mga problemang kinahaharap natin.
Sanggunian
¹ Reyes, Ruben T. 2016. Wika at Batas. Manila: Komisyon sa Wikang Filipino.
² Orwell, George. 1946. “Politics and the English Language.” Horizon.
Comments