top of page
Larawan ng writerLeo Fordán

Wika sa ilalim ng Pandemya


Sa panahon ng disaster, may napakahalagang gampanin ang paghahatid ng impormasyon para sa kaligtasan ng mga mamamayan. Buhat pa noong mga nakaraang kalamidad tulad ng Bagyong Yolanda kung saan naging isang isyu ang salitâng “storm surge” hanggang sa pagputok ng Bulkang Taal na nagpakilala naman sa atin ng “phreatic eruption,” may ilang panawagan nang nagsasabing dapat isalin o ipaliwanag ang mga estrangherong krisis na kinahaharap ng buong daigdig, nananatiling mabisang instrumento ang wika para sa pagpapalaganap ng tamang kaalaman dahil mahalaga ang pakikipag-ugnayan sa mga tao gámit ang mga wikang pinakamalapít sa puso nila.


Mabuti at unti-unti nang natututo ang mga tagamidya at mga akademisyan na ipresenta sa publiko ang kanilang mga saliksik at anawnsment sa rejister na maiintindihan ng mas malawak na odyens ng mga Filipino. Ngayon, sa panahon ng pagkalat ng COVID-19, may ilan nang signifikant na ambag para mas epektibong maproseso ng mga mamamayan ang kaalamang kailangan nila para sa paglaban sa virus na ito. Isang halimbawa ang papel¹ na Terminolohiya Kaugnay ng COVID-19 ni Prop. EAG Narvaez, mula sa DFPP ng UP Diliman, na isang koleksiyon ng terminolohiyang may kinalaman sa napapanahong pandemya. Nilalayon nitong ipaliwanag ang ilang jargong medikal na madalas magamit kamakailan sa balita para mas madalîng maintindihan ng sinuman.


Kaliwa’t kanan din ang mga gabay mula sa mga ahensiya ng pamahalaan at mga institusyon na nakasulat sa wikang pambansa sa layuning maintindihan ito ng kahit sinong Filipino na may akses sa social media. Isang halimbawa ang paglabas ng mga estudyante ng BA Linguistics sa UP Diliman ng infographic² hinggil sa mga ipinapayòng hakbang para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. May magkakaibang bersiyon ang infographic at nakasulat ang bawat isa sa iba’t ibang wika ng Pilipinas, partikular ang Akeanon, Asi, Naga, Caraga, Chavacano, Cuyonon, Hiligaynon, Ibanag, Ilokano, Isi, Itawit, Kapampangan, Kinaray-a, Minasbate, Onha, Pangasinan, Sambal, Sebwano, at Waray. Magandang idea ang ganitong klase ng proyekto sapagkat posibleng mas mapukaw ang atensiyon ng potensiyal na mambabasá kung mapapansin niyang nakasulat ito sa kaniyang katutubòng wika.


Kalaunan, inilunsad ng UP Department of Linguistics ang #LanguageWarriorsPH, isang inisyatiba na naglaláyong pag-ugnayin ang mga nagsasalin sa mga wika ng Pilipinas ng mga materyales, mula sa mga infographic hanggang sa mga mahahabàng gabay, na kaugnay ng COVID-19. Adhika nito na masiguradong makakarating ang mga impormasyon sa lahat ng Filipino, anumang wika ang sinasalita.³


Sa labas naman ng Pilipinas, mayroon na ring ilang pagsisikap na tulad nito, gaya ng isang rehiyon sa China kung saan ginawang available sa pamamagitan ng mga video ang mga impormasyong pangkalusugan sa apat na wika ng mga Tibetan: ang rTau, Minyak, Shili rGyalrong, at Khroskyabs. Lubhang mahalaga ang pagsasalin ng mga anawnsment na ito túngo sa mga nabanggit na minoryang wika dahil karaniwang monolingguwal ang matatanda sa erya.⁴


Kasabay ng pagtaas ng kamalayan sa kung paano mapipigilan ang transmission ng virus, naimprub din ang level ng kamulatan ng mga tao sa pag-iral ng ating mga katutubong wika. At higit sa lahat, bukod pa sa napakalalabong salita na binitawan sa mga presscon, sa umiiral na palisi ngayon ay nailalantad na sa mas maraming tao kung gaano talaga káyang balewalain ng pamahalaan ang sambayanang Filipino. Sa kabila ng umiigting na pagkilala sa mga katutubong wika ay ang patuloy na pag-atake naman sa wika sa ibang paraanang pagsupil sa malayàng pamamahayag. Tulad din ng idolo nitong napabagsak na diktador, ginagamit ng rehimen ang lahat ng kapangyarihan at instrumento nito para patahimikin ang kaniyang mga kritiko na naglalabas lang naman ng lehitimong kritisismo para maiayos ang baluktot na kalakaran at pagnanais ng katarungan para sa kriminal na pagpapabaya ng pamahalaan sa krisis na ito na kumitil na ng maraming búhay.⁵ Ang virus ng rehimeng Duterte ay isa pang problema na kailangang solusyonan ng mga mamamayan sa hinaharap.

Sanggunian

¹ https://drive.google.com/file/d/1eEJlHiL_QQpiZfMNDLSB9hnhIyDxLPh_/view.

² https://www.facebook.com/story.php?story_fbid=3144473102230476&id=100000034515499

³ https://www.facebook.com/UPLinguistics/posts/3097067203679409

⁴ Lha, Yu. 2020. Fighting the coronavirus in local languages. Pebrero 17. Inakses Marso 16, 2020.

https://www.languageonthemove.com/fighting-the-coronavirus-in-local-languages/.

⁵ Buan, Lian. 2020. NBI subpoena based on post griping about govt's P2B business jet. Abril 7. Inakses Abril

government-private-jet.




Commenti


bottom of page