Usap-usapan sa Twitterlandia ang beautification na ginawa sa anderpas ng Lagusnilad, hindi dahil sa kung anong problematikong anyo, kundi sa mga takaw-matang signage na tumuturo sa mga mahahalagang lugar sa Maynila. Bukod sa English na pangalan ng mga lugar, sa umiilaw nitong mga inskripsiyon, may isinamang salin at transliterasyon na nása Baybáyin.
Sa totoo lang, sawâ na akong magpaliwanag kung bakit hindi dapat isinusulong ang Baybáyin bílang pambansang iskrip (national script) at mas mainam sanang itsanel ang enerhiyang ito patúngo sa ibang mas makatwirang pagsisikap, tulad ng pagtataguyod sa ating iba’t ibang nanganganib na wika ng Pilipinas. Kung nása kabilâng panig ka pa rin hanggang ngayon, tumigil ka muna at pakibása ang mga inilatag kong argumento sa sanaysay ko noong nakaraang Buwan ng Wika na “Pseudo-makabayan” bago ka tumuloy sa pagbabasá dito.
Ayun, sige’t babaliin ko na ang una kong pahayag at maglalabas na naman ng saloobin tungkol sa kaguluhang ito. Lalo na dahil may mga bagong dapat linawin at umuusbong na kaisipan. Tutal, sino bang niloloko ko? Mayroon pa rin akong pakialam.
ANO’NG NAGING MALI SA GANITONG DISENYO?
Minsan may nagpapasaring na bakit daw natin pinoproblema ang mga ‘maliliit’ na bagay na ito, lalo na ngayon sa harap ng isang berdugong pandemik. Siguro hindi sila sanay sa tinatawag na multi-tasking at akala nila na hindi na posibleng makialam sa mas engrandeng mga problema hábang inaanalays din ang mga ‘hindi gaanong importante’ kuno. Tama lang naman na pansinín at pagpiyestahan ang signage na ito. Una sa lahat, naaprobahan ba ang pagiging pambansang iskrip ng Baybáyin? Pangalawa, ano ang dagdag na benepisyo nito sa mga dumadaan na Filipino? Ilang porsiyento ng populasyon ng Maynila (at ng buong Pilipinas!) ang nakakaintindi pa ng Baybáyin? Ni hindi na kailangang pagtalunan kung meron pa itong puwang sa pang-araw-araw nating komunikasyon sapagkat tiyak na ang sagot.
Bakit hindi na lang isinulat sa Tagalog/Filipino ang kalakip na salin gámit ang di-hamak na mas pamilyar sa atin na Latin-iskrip? Welkam na welkam ang mga dayuhan sa mga karatula nating panay English pero wala halos nagkakaidea na isulat ito sa wika at sa anyong kilalá nating lahat. Málay natin, merong mga naliligaw na hindi maláy sa mga banyagang termino na ito. O dilì kayâ, kung maluwag pa ang espasyo, isulat ito kasáma ng Ilokano at Sebwano na lingua franca sa hilaga at timog. Sabi pa nga ng ibang nabása kong suhestiyon, mabuti rin sana kung nilagyan na lang ng mga icon na makakapagdiskrayb sa mga lugar na tinutukoy para sa mga ilitereyt o may problema sa wika.
Marahil, kung hindi man sa pang-estetikang dahilan, gumamit lang sila ng Baybáyin para ipush ang kanilang adyenda—ng sinumang grupo na nagpropos nito—na unti-unting muling ipasok ang paggamit ng naturang iskrip sa ating lipunan at sa sistemang pang-edukasyon. Sa nakikita ko, may iba’t ibang pinanggagalingan ang mga tagapagtaguyod nitó sa kanilang adbokasi na hindi ko sinasang-ayunan. Kayâ mahirap din itong basta-basta ikulong sa paratang na gusto lang nila dahil maganda ito sa paningin. Posible lang na may mali siláng perspektiba sa identidad, kultura, at nasyonalismo. Ano’t anupaman, mas matibay ang katwiran sa likod ng pagtutol sa ganitong hakbangin na sa tingin ko ay hindi nila nakalkyuleyt.
PAGKAHULOG SA PATIBONG NG REHIYONALISTA
Sa majoriti, kita naman na mas rasonable nang di hamak ang pagtutol na reaksiyon ng mga taga-Twitter kaysa sa naging mainit na pagtanggap ng mga taga-Facebook sa disenyong ito. Natuwa pa nga ang mga loko, pagpapahalaga daw ito sa kultura natin bílang mga Filipino. (Pustáhan, hindi naman nila nababása!)
Gayumpaman, may mangilan-ngilang may tagilid na unawa at naglalabas ng mga saloobing hindi naman tugma sa ipinupuntong pagkontra sa Baybáyin. Hindi sila pabor sa paglalagay ng Baybáyin sa signage ng anderpas, pero sa ibang rationale na may bakas ng peligrosong rehiyonalismo. Bakit daw puro Baybáyin samantalang marami pang ibang katutubong iskrip na ginamit noong sinauna at kinalimutan na? So, kailangan palá nating muling gamítin ang bawat isa sa mga PATAY na sistema ng pagsulat na ito? Jusko, nahulog sila sa bitag ng labis na labis na pagtatanggol sa katutubo.
Umiral sa kanila ang maling pagtingin sa pangyayari. Hindi nila nabatid na hindi ito isyu ng Tagalog vs ibang katutubong wika. Mga mamser, hindi ito usapin ng kesyo “mAy iBa pAnG inDigEnOus sCriPts bUkoD sA bAybÁYiN” tulad ng ilang nakita kong tweets. Alangan naman maglagay sila ng Kulitan diyan? o ng Tagbanwa? o ng Hanunuo? Por diyos por santo. Walang sense, diba? Nása Maynila sila! At kahit na nasaang dakò pa sila ng Pilipinas, kung may signage na nása English at may katabing katutubong iskrip na HINDI NAMAN GINAGAMIT, dapat lang itong kuwestiyunin.
Hindi masamâ ang paggigiit ng Baybáyin sa dahilang sa Katagalugan ito nagmula. Hindi ito pangunahing rationale sa pakontra. Abá’y kung ganito ang lohika, edi magpaka-Englishero na táyo at isuko ang mga dila sa Amerikano, sapagkat Tagalog ang wikang Filipino. Huwag na táyong magwikang pambansa. Mga kababayan kong naimpluwensiyahan ng rehiyonalismo, ang tangìng punto dito, sana Tagalog/Filipino na lang ang sinulat o iba pang gabay na ginagamit talaga natin imbes na isang impraktikal at patay na sistema ng pagsulat.
Gayumpaman, nananatiling totoo na dapat pa ding idokumento at ipreserba ang iba’t ibang katutubong iskrip sa bansa, bukod pa sa Baybáyin, nang hindi ignigiit sa pang-araw-araw nating pagsulat at sa pag-aaral. Ngunit, ibang isyu na ito para sa ibang araw at ibang sulatín. Gaya ng sabi ko sa una kong sanaysay, kahit nga tinutulan natin ang paggamit nito bílang pambansang iskrip, kinikilala na isa itong intangible cultural heritage (ICH) na dapat lang alagaan. Kaso, ang dapat bigyan ng emfasis ay ang pagfokus sa pagsagip ng mga katutubong wika natin mismo.
Yorumlar