Sa pagsasara ng ABS-CBN dahil sa malinaw na panggigipit ng mga nása kapangyarihan, tíla sirâng plaka ang kasaysayan na muling tumúngo sa malagim na panahon ng Martial Law. Nagdadala ang ganitong hakbang ng tinatawag na “chilling effect” o paglaganap ng tákot lalo na sa mga iba pang network at news outfit. Sapagkat, ipinapahiwatig nito na sinumang maghatid ng masamâng balita tungkol sa mga kapalpakan ng pamahalaan ay makakatikim ng kaniyang hagupit sa kamay ng mga táong isinasaarmas (weaponization) ang batas. Sa katunayan, nagawa na nila ito sa Rappler ilang taon na ang nakalipas na naungkat din kamakailan dahil sa kasong isinampa sa CEOng si Maria Ressa at sa manunulat ng artikel. Sa maraming magkakaibang manifestasyon, at sa kabila ng dapat sanang ipinaprayoriting pandemya, patuloy ang pag-atake sa midya at malayàng ekspresyon ng mga kritiko, kapuwa jornalist at karaniwang Filipino.
Marahil nabanggit na ang lahat ng kailangang ipaglaban bunsod ng kaliwa’t kanang protesta sa naturang desisyon mula sa mga personalidad at opisyal na pahayag ng iba’t ibang organisasyong makabayan. Pero tulad ng lahat ng iba pang isyu sa mundong ibabaw, hindi ito nakakatakas sa butihing galamay ng wika. Ang pagsasara ng ABS-CBN ay higit pa sa usapin ng korapsiyon at jornalismo—isa itong isyu ng akses sa balita. ABS-CBN lang ang may brodkast na umaabot ang signal sa mga pinakaliblib na parte ng Pilipinas. Kung kayâ, marami nang kababayan natin ang humihiling na maibalik ang operasyon ng naturang network dahil ito lang ang nahahagip sa antena ng kanilang telebisyon.¹ Akala ata ng mga mambabatas (o baká ni hindi sumagi sa isip nila!) lahat ng tao may Wi-Fi o pang-mobile data para manood ng balita sa online.
Higit pa rito, lingid sa kaalaman ng iba, hindi lang Tagalog ang TV Patrol. May mga ABS-CBN Regional Network Group (RGN) na nagpapatakbo ng TV Patrol Regional na nása iba’t ibang wika ng Pilipinas. Sila ang tagapamalita ng mga pangyayaring higit na mahalaga para sa pinagseserbisyuhang komunidad at lahat ng ito ay nása katutubong wika ng lugar o sa rehiyonal na lingua franca sa erya. Bukod sa ngayong kawalan ng TV Patrol Regional sa telebisyon ng mga kababayan natin, ganap na ring ipapatigil ang lahat ng RGN kung kayâ hindi na ito maitutuloy kahit pa sa online.² Bukod pa sa atake sa malayàng pamamahayag at sa ilang táong pinagkaitan ng hanapbuhay, tinanggalan ng rehimeng ito (sa gitna ng krisis!) ang mga tao ng akses sa balita sa wikang pinakakomportable sila.
Masasabing naging kakampí natin ang network sa pagtataguyod ng mga katutubòng wika dahil sa pagkilala nila sa mahalagang papel ng wika sa paghahatid ng impormasyon. Gayundin, naging malaking tulong ito sa pagpapaalálang hindi lang iisa ang wika ng Pilipinas, at lahat ng iba pang sinasalita sa buong arkipelago ay karapat-dapat mabigyan ng puwang sa higit na mas malaking saklaw gaya ng midya. Umaasa akong hindi pa nakaukit sa bato ang parteng ito ng ating kasaysayan dahil may magagawa pa táyo laban sa kawalang-katarungan na ipinaiiral ngayon. Maibabalik pa sa mga mamamayanan ang kinakailangan nilang akses sa balita kapuwa sa anyong abot-kamay at abot-dila.
Sanggunian
¹ Malasig, Jeline. 2020. Closure of ABS-CBN broadcast operations affects Filipinos in far-flung areas amid
Ambo’s onslaught. Mayo 15. Inakses Hulyo 15, 2020. https://www.interaksyon.com/politics-
issues/2020/05/15/168549/closure-abs-cbn-broadcast-operations-affects-filipinos-in-far-flung-
areas-amid-ambos-onslaught/?
utm_medium=Social&utm_source=Facebook#Echobox=1589532753.
² Zambrano, Chiara. 2020. Sa Facebook. Hulyo 16. Inakses Hulyo 17, 2020.
https://www.facebook.com/story.php?story_fbid=10161717120339815&id=529839814.
Comments