Ano ang maligaya sa Buwan ng Wika?
Kasalukuyan tayong nagdurusa sa ilalim ng isang pesteng pandemya na lalong pinapalala ng mapaniil na rehimen. Pero kahit ganun, hindi rin naman ito sapat na rationale para hindi na maglunsad kahit man lang ng munting online na pagdiriwang. Patuloy ang búhay at mga event sa mundo ng internet, salamat sa kontemporaneong teknolohiya.
Gayumpaman, mayroon akong kaunting kritisismo para sa simula ng Buwan ng Wika ngayon. Una, hindi ako kontento o natutuwa sa napagpasyahang tema para sa taóng ito na “Wika ng Kasaysayan, Kasaysayan ng Wika: Ang Mga Katutubong Wika sa Maka-Filipinong Bayanihan Kontra sa Pandemya.” Ano ang konek ng unang linya doon sa kasunod ng kolon? Parang nagkaroon ng tabla sa botohan kayâ pinag-umpog na lang ang dalawang magkahiwalay na paksa bílang kompromiso. Hindi ko na gaanong ookrayin ang itsura ng infographics nila ngayon na parang tinipid ang disenyo at puro typo, kahit dapat lang na maging maingat sila bílang ahensiya ng pamahalaan. May nabása pa nga akong post ng isang propesor na nagtatanong kung bakit puro na daw inkonsistensi sa ispeling ang KWF ngayon. Hahaha! Masasabi kong siguro hindi ang KWF mismo ang hindi masinop, kundi ang humahawak ng panibagong social media page.
Balik táyo sa orihinal na usapin. Kung papalitan ang tema, mabuti sana sa tingin ko, kung ipinagpatúloy ang dáting format na “Filipino: Wika ng ____” na nagsimula noong 2014 at natigil lang nitong nakaraang taon dahil sa lohikal namang dahilan. Kung susundin ang ganitong patern, angkop na tema ngayong taon ang simpleng “Filipino: Wika ng Pagkilos” (kung magiging strikto sa orihinal na diwa ng batas na nagtakda sa pagdiriwang) o dili kayâ mas mabuti, ang mas ingklusibong “Ang mga Wika ng Pilipinas ay mga Wika ng Pagkilos.”
Napapanahon itong tema sapagkat ang panahon ngayon ay nananawagan ng pagkilos. Lalong lumalakas ang sigaw ng sambayanang lumalaban at nagpapatibay ng hanay dahil sa kriminal na kapabayaan ng mga nása kapangyarihan. Kung hangad nating makalaya sa mga galamay ng krisis-pangkalusugang ito, wala na tayong ibang landas kundi ang patúngo sa aktibismo, anupamang porma nito. Lahat ng ito ay maisasakatuparan nating mga mamamayan sa tulong ng katutubong wika na siyang pinakamabisang instrumento sa pagpapakilos.
Sa aksiyong pangwika, kailangang masugid na maikalat ang mga impormasyon hinggil sa mapaminsalang COVID-19 sa mga wikang pinakakomportable ang mga kababayan natin at sa rejister na higit na maiintindihan ng malawak na odyens. Gayundin, bílang mga mabubuting mamamayang Filipino, hindi táyo dapat panghinaan ng loob sa patuloy na pangangalampag sa mga opisyales para gampanan ang kanilang mandato at manguna sa pagresolba nitóng salot.
Pagkatapos, saká pa lang natin muling mababáka ang mga problema naman sa mga palising pangwika na lantarang pumapabor sa mga wikang hindi atin. Patungkol dito, paulit-ulit kong naririnig ang CMO 20 na nagtanggal ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo bílang halimbawa ng mga maling pamamalakad sa wika. Pero, hindi pa nababatid ng majoriti na higit pa rito ang mga kasalanan ng mga nása taas sa mga katutubong wika, tulad na lang ng DO 21 na mariing kinontra ng mga linggwist sa UP. Kaugnay nito, pana-panahon din ang pagbabalak ng mga mambabatas na suspendihin (imbes na iimprub!) ang programang MTB-MLE, taliwas sa payo ng agham.¹ At mayroon pang banta sa búhay ng mga etnikong-grupo, ang mga may tangan ng mga wika, sa kanayunan dahil sa mga puwersa ng estado.²³⁴ Paano pangangalagaan ang mga salita, ang IKSP, atbp. kung pinapatay ang mga tao mismo? ’Ika nga ni dáting Komisyoner Jerry Gracio sa kaniyang liham ng pagbibitiw, “Aanhin pa ang wika kung patay na ang mga táo?” Hungkag ang kasalukuyang tema kung walang paglaban, walang pagkilos.
So, sa ngayon, walang maligaya sa Buwan ng Wika hangga’t patuloy na pinapatay ang mga tagapagmana ng salita, sinisikil ang kalayaan ng mga dila at ginagawang banyaga nitong mga kolonyal na yawa. Harinawa, mapagtagumpayan natin.
Sanggunian
¹ Galvez, Daphne. 2020. Legislators want mother tongue-based teaching in Grades 1 to 3 abolished. Hulyo
14. Inakses Hulyo 30, 2020. https://newsinfo.inquirer.net/1306715/legislators-want-mother-
tongue-based-teaching-in-grades-1-to-3-abolished.
² United Nations OHCHR. 2017. Philippines warned over “massive” impact of military operations on
Mindanao indigenous peoples. Disyembre 27. Inakses Hulyo 30, 2020.
https://www.ohchr.org/EN/NewsEvents/Pages/DisplayNews.aspx?NewsID=22567&LangID=E.
³ Watts, Jonathan. 2018. 'I tended to the bodies': attacked by the Philippine army. Hulyo 21. Inakses Hulyo
coffee-empire-militarised-politics.
⁴ France-Presse, Agence. 2020. Philippines: The deadliest country in Asia for land defenders. Hulyo 29.
Inakses Hulyo 31, 2020. https://rappler.com/nation/philippines-deadliest-country-asia-land-
defenders.
Comments