top of page

Ipawalang-bisa ang DO 21!


Tíla pang-asar na sa taóng ipinagdiriwang ng UNESCO ang International Year of Indigenous Languages nagsulputan ang mga anti-makabayang palising pangwika. Pagkatapos maaprobahan ang kontrobersiyal na CHED Memorandum Order 20 s. of 2013 na umani ng batikos sa pagtatanggal nitó ng Filipino at Panitikan sa mga required na sabjek sa kolehiyo, panibagong hámon sa mga tagapagtaguyod ng mga katutubong wika ang Deped Order 21 s. of 2019 na binabalak namang patayin ang iba pang mga wika ng Pilipinas.


Iniaatas ng DO21 na maaari nang tanggalin ang unang wika (L1) bílang wikang panturo (LOI) pagkatapos ng grade 3 at magiging Filipino at English na ang LOI simula grade 4 nang walang anumang programa para sa transisyon. Gayundin, patúloy na nilimitahan sa 19 wika ang gagamiting LOI, maliban kung may maipapakitang pruweba ng pagkakaroon ng mga materyales para sa mga wikang hindi napabílang. Dapat ngayon ipawalang-bisa ang DO21 sapagkat inilabas ito para magsilbing patnubay sa kurikulum ng K-12 ngunit taliwas ang diwa nito sa tunay na hangarin ng batas na nagtakda sa Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE).

Walang habas na pagyurak ang DO21 sa adbokasing isúlong ang tunay na MTB-MLE sa sistemang pang-edukasyon na bentaha sa pag-aaral ng batang Filipino at magpepreserba sa mga wika ng Pilipinas. Malinaw ang mandato ng Republic Act No. 10533 o K-12 Law, ang L1 ng mga estudyante ang tangìng gagamiting LOI mula kindergarten hanggang grades 1-3. Sa grades 4-6, mananatiling pangunahing LOI ang L1 ngunit gradwal nang ipapakilala ang Filipino at English bílang mga sekundaryang LOI. Alinsunod sa batas, hindi wawaksan ang paggámit ng L1 sa ilalim ng batayang edukasyon. Kung kayâ, kasabay ng pagiging pangunahing LOI ng Filipino at English, gagamítin pa rin ang L1 bílang pantulong (auxiliary) na LOI sa hay-iskul.


Espesipikong nakasaad sa mga probisyong pangwika ng RA 10533 na ang pag-aaral sa ilalim ng batayang edukasyon ay dapat ituro sa wikang pinakanaiintindihan ng mga estudyante. Kung kayâ, kailangang eksklusibong gamítin ang L1 ng mga estudyante sa akto ng pagtuturò, mga materyales, at asesment mula kindergarten hanggang sa unang tatlong taon ng elementarya. Sang-ayon din sa batas, dapat magsagawa ng mother language transition program mula grades 4-6 para dahan-dahang ipakilála bílang mga wikang panturò ang Filipino at English hanggang maging mga pangunahing LOI sa sekundaryang antas. Walang masamâ sa Filipino at English, ngunit hindi dapat iimplementa ang mga ito nang pinangingibabawan ang ating mga L1. Huwag gawing tulay ang mga L1 patúngo sa L2, kundi magtatag ng additive L1+L2 educational system.


Suportado ng agham ang paggamit ng unang wika bílang midyum ng instruksiyon. Ayon sa UNESCO, ang wikang kinagisnan ng bata ang pinakaepektibong wika sa pagtuturò para makamit ang literasi sa primaryang antas. Mas magtatagumpay sa akademikong aspekto ang mga batàng nagkaroon ng pormal na instruksiyon sa kanilang sariling wika sa unang anim na taon ng pag-aaral o higit pa. Sa mga saliksik, sinasabing nakakatulong ang fluency at kakayahan sa isang wika sa acquisition ng isa pang wika. Kung kayâ, hindi hadlang ang pagkatuto ng katutubòng wika sa pag-aaral ng Filipino o English sa klasrum.


Sa kabila ng maraming saliksik na pumapabor sa ganitong uri ng programa, taliwas ang kinikilos ng administrasyon sa mga ipinapatupad nitong palisi na lantarang binabalewala ang kahalagahan ng pagtataguyod sa mga katutubòng wika. Hindi biro ang preserbasyon ng mga wika at hindi ito maisasakatuparan ng paurong na hakbang tulad ng DO21. Magpapabilis ng paglaho ng mga nanganganib na katutubong wika ang ganitong kawalang-bahala. Ang kailangan ng mga Filipino ay lehitimong MTB-MLE na magsusúlong ng puspusan at eksklusibong paggamit sa mga nanganganib na wika ng Pilipinas sa loob ng mga klasrum.


Mula CMO20 hanggang sa DO21, lantaran at patúloy na ipinapakita ng gobyerno na wala itong pakialam sa mga katutubong wika at kultura sa bansa. Pinatunayan ng pamahalaan na kung nagawa nitong ietsapwera ang wikang pambansa sa kolehiyo, mas káya nila itong gawin sa mga wikang rehiyonal. Kailangan ngayon makiisa ng mga titser at estudyante sa pagdevelop ng mga wikang sarili sa sistemang pang-edukasyon at iba pang larang. Nang punteryahin ng CHED ang ating wika, tumindig táyo at ipinagtanggol ito. Ngayon, sa banta ng DepEd, dapat nating ipaglaban ang mga pagsasao, kalin, ësël, amanung, tataramon, pinulungan, halità at lahat ng iba pa.


Comments


bottom of page