English daw ang wika ng agham? Oo naman.
Kamakailan, marami ang nagsasabi nito bílang pagsalungat sa mungkahi ng mga progresibong grupo tulad ng ACT Teachers Partylist na gawing Filipino ang panguhing midyum ng pagtuturo.
Hindi maipagkakaila na dahil sa pagiging global ng wikang ito, nagkaroon na ng kasunduan ang mga siyentista na gamítin ang English bílang midyum lalo na ng hard sciences para sa uniformity ng kanilang mga sangay, tulad ng pangyayari noon gámit ang Latin at German. Ebidensiya rito ang napakarami nating internationalism (salitâng-hiram na umiiral sa iba't ibang wika) mula sa English na ginagamit sa agham: "gene," "computer," "atom," "magnet," "gravity," "microscope," atbp. na hindi na nga dapat i-italicize sapagkat matagal nang tinanggap ng Filipino. Pinapahalagahan sa gawaing siyentipiko ang mabilis na transmisyon ng kaalaman sa ibang mga miyembro ng scientific community dahil ang agham ay trabaho ng pagkumpirma sa datos at pagsusuri ng mga teorya. Mahihirapan ang mga siyentista na manatiling updated sa mga bagong tuklas kung hindi sila multilingguwal. Kayâ naman ito ang motibasyon sa paggamit ng English sa mga jornal at riserts: ang mas madalîng akses sa findings ng iba dahil sinasalita ang English sa maraming parte ng mundo.
Walang mali sa pahayag na ito kung sinambit sa layunin na maging deskriptibo—isinapangungusap lang nito ang kasalukuyang kalakaran. English talaga ang de factong wika ng agham sa ating siglo. Gayundin, mainam na mayroon tayong pandaigdigang wika.
Ngunit, dapat ba na ITO LANG ang wika ng agham?
Doon nagkakamali ang mga pro-English na akademisyan at tagapamahalaan. Hindi porke't English ang predominanteng ginagamit bílang ng agham ay ito lang ang may kakayahan na tumupad sa tungkuling iyon. Totoo na hindi pantay-pantay ang mga wika kung batay sa gramar at sa lawak ng bokabularyo. May magkakaibang antas ng kompleksidad ang mga wika, sa kabila ng ipinakakalat na mito sa mga teksbuk sa linggwistiks¹. May ilang wika na walang recursion², may tulad ng mga wika ng Pilipinas na lubhang masalimuot ang sistemang pandiwa (kayâ naimbento ang terminong "Philippine-type language" para sa mga kauri nito), may mga wikang may grammatical gender (na walang kinalaman sa kasarian ng entidad) tulad ng Spanish at German, at mayroon pa ngang mga wika kung saan required markahan ang evidentiality (pagpapakita kung paano mo nakalap ang impormasyon sa pangungusap). Higit pa rito, nagkakaiba-iba rin ang mga wika sa imbentaryo ng espesyalisadong terminolohiya. Maraming nagsasabi na kulang ang Filipino, halimbawa, sa mga terminong medikal at pangteknolohiya. Totoo iyon, ngunit marami naman itong termino, halimbawa, sa agrikultura.
SA KABILA NITO, pantay-pantay ang lahat ng mga wika sa intrinsikong kapasidad na magpaliwanag ng mga penomenon sa sangkatauhan at sa kalikásan. Una, hindi signifikant na balakid ang kaibahan sa gramar ng mga wika, at pangalawa, normal ang panghihiram kung kayâ't maaaring manghiram ng termino ang anumang wika na may kakapusan sa partikular na larangan.
Ito mismo ang mensahe sa tema ng Buwan ng Wika 2022 na "Filipino at mga Katutubong Wika:
Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha." Ibig sabihin, tulad ng English at mga gaya nito na wikang may prestihiyo, may kaparehong posibilidad para sa mga wika ng Pilipinas sa kabila ng mababang pagtingin dito ng mga misinformed nating kababayan. Hinihikayat ng kasalukuyang pagdiriwang na gamítin ang mga wika ng Pilipinas sa "pagtuklas at paglikha" na mahihinuhang tumutukoy sa mga larangan tulad ng agham.
Paano natin magagampanan ang naturang hangarin? Mapaestudyante sa kolehiyo o propesor, maaari mong simulang magsulat sa Filipino (o ibang wika ng Pilipinas na tiyak mong naiintindihan ng propesor, lalo na ang Ilokano at Cebuano na lingua francang rehiyonal) anupaman ang digri mo. Hayaan mo lang na dumaloy ang mga akademikong kaisipan sa midyum na dati mong ginagamit para lang sa kaswal na bagay. Hindi mo rin kailangang biglain na isulat lahat ng sanaysay mo sa Filipino kung hindi ka pa sanay—mainam kung balansehin mo ito para mapraktis ka sa parehong wika.
Muli, totoo na English ang wika ng agham. Gayumpaman, hindi lang ito dapat ang nag-iisang wika ng agham. Sa ngayon, lalo na bunsod na mga kamakailang pahayag ni Ginoong Marcos, wala akong nakikitang pag-asa sa pamahalaan na tutuparin nila ang ganitong hangarin na inklusyon ng mga katutubong wika sa iba't ibang larangan ng karunungan. Kung kayâ naman, hábang wala ang inaasam na pagbabagong pangwika sa ganoong antas, maaaring sa atin magsimula ang unti-unting hakbang túngo sa intelektuwalisasyon ng ating mga wika.
Sanggunian
1 Deutscher, Guy. 2010. Through the Language Glass: Why the World Looks Different in Other Languages.
New York: Metropolitan Books.
2 Everett, Daniel L. 2017. How Language Began: The Story of Humanity’s Greatest Invention. New York:
Liveright Publishing.
Comentarios