Matagal na itong tanong sa loob ng akademya ng mga dalubhasa sa wika—lilikha o hihiram? Ano ang dapat maging pagtanaw sa development ng mga wika ng Pilipinas: mas makakabuti ba ang pagpupumilit sa mga ‘puro’ at ibinaul nang salita o mas praktikal at natural na penomenon ang panghihiram? Base sa kabuoang estilo ng wikang ginagamit ko sa pagsusulat at sa ipinapahiwatig ng introduksiyon na ito, malinaw na kung nása alíng panig ang pagkiling ko bago pa man dumako sa diskasyon.
BÍLANG ISANG PENOMENON
Bago ang pagdako sa kuro-kuro, heto muna ang paunang kaalaman. Dumadaan sa proseso ng “panghihiram” ang mga wikang nagkaroon ng kontak sa isa’t isa, kung saan likás na inaadap ang mga termino, lalo na ang mga salitâng para sa mga bagay, idea, at praktis na dalá ng kabilâng wika.¹ Ang napakahabang listáhan ng mga salitâng hiram mula sa Español sa mga wika ng Pilipinas ay isang bakas ng humigit-kumulang tatlong siglong pananakop nila sa ating bayan. Saanmang sulok ng tahanan, makakatagpo ka ng gámit na nagmula sa Español ang pangalang nakasanayan natin—ang “lamesa,” “kusina,” “sála,” “kutsara’t tinidor,” “bintana,” “kama,” “kortina,” “bombilya,” atbp. Bunga ng pangangailangan ang paghiram sa mga banyagang salita na ito, gaya ng patúloy na nagaganap sa kasalukuyan sa pag-usbong ng modernong teknolohiya. Bukod pa sa sinaunang Esp. “telepono” at matagal-tagal nang Esp. “kotse,” mayroon na ngayong ambag ang English na “computer,” “selpon,” “tweet,” “hashtag,” atbp. na lumilikom pa ng mga adisyon sa pag-uswag ng siyensiya ng paglikha.
Kasabay ng panghihiram ng mga bagong konsepto mula sa mga banyagang wika, may ilan ding katutubong termino na naglalaho o natatabunan hábang nakakamit ng salitâng hiram ang higit na popularidad dahil sa impluwensiya ng prestij.¹ Nawala na sa uso ang Tagalog na “silid” at napalitan na ng Esp. “kuwarto,” pati ang dáting “silid-aralan” ay mas kilalá na bílang ang Eng. “klasrum.” Inaalikabok na rin sa aktuwal na paggamit ang “takdang-aralín” at mas malapít na sa atin ang simpleng Eng. “asaynment.”
PAGLILITIS PARA SA SALÀNG PURISMO
Nitong nakaraan, may naengkuwentro akong post sa isang Facebook group para sa mga dayuhang nais matuto ng Tagalog, isang listáhan ng mga bahagi ng bahay sa ‘Tagalog’ kuno. Pero kung mamasdan ang screenshot, makikitang ang karamihan sa nilalaman nito ay hindi ang mga karaniwang ginagamit sa pang-araw-araw, kundi ang mga ‘purong’ Tagalog kuno tulad ng gaptol para sa “switch,” silid-tanggapan para sa “sála,” durungawan para sa “bintana,” silid-lutuan para sa “kusina,” at iba pa. Estranghero ang mga salitâng ito sa sinumang katutubong ispiker ng Tagalog sa kontemporanyong panahon. Maliban sa “silid-kainan,” lahat ng mga salitâng kapares ng “silid” ay pawang mga imbentong salita na hindi aktuwal na gina(gá)mit sa Tagalog.
Gayumpaman, may ilan itong butil ng katotohanan, gaya na lang ng “hapag” na isang lumang salitâng pinalitan na ng Esp. “lamesa,” ngunit nagagamit pa rin sa tambalang “hapagkainan” o dining table. Napalitan na rin ng Esp. “kortina” ang lumang “tábing,” na maririnig na lang sa “pinilákang tábing,” isang idyomatikong salita para sa pelikula sa pangkalahatan. Ganito rin ang nilikhang “palikuran” na bihira nang marinig dahil sa Esp. “banyo” at sa mas popular na inisyals ng Eng. “CR.”
Sa kabilâng bandá, isa namang interesting na napabílang ang “pángkas” mulang Waray na sumasang-ayon sa paglalahok ng mga katutubong wika sa wikang pambansa. May dalawa namang sinubok baguhin ang kahulugan, ang “pápag” na isang espesipikong klase ng mas unibersal na Esp. “kama” o “higàan,” saká ang “taluktók” na katumbas ng “tugátog,” at hindi ng ating Esp. “kísamé.”
Nagpatúloy pa ito at nagkaroon naman ng post para sa mga bagay sa paaralan kung saan kataka-takang tinawag nitong manunuro ang “titser,” imbes na ang luma na rin namang “guro.” Sanskrit daw kasi ito, mula sa guru. Ngunit, partida, mas maraming lehitimong salita dito, 12, kompara sa naunang listáhan. Gayumpaman, isang mahalagang detalye na dapat tandaan ay ipinost ito sa Facebook group ng mga dayuhan na nása proseso pa lang ng pagkatuto ng Tagalog.
Alam nating lahat na walang problema sa “paaralan,” “watawat,” “tadgán,” “baitang,” “pantasá,” at “pambura.” Ngunit medyo tagilid na ituro sa mga nag-aaral pa lang ng Tagalog ang “aklat” na natabunan na ng Esp. “libro,” ang “silid-aralan” na napalitan na ng Eng. “klasrum,” ang “mababang paaralan” na higit na popular sa simpleng Esp. “elementarya,” ang “mataas na paaralan” na mas kilalá bílang Eng. “hayskul,” ang “dalubhasaan” na napapangibabawan ng Esp. “kolehiyo,” ang “pamantasan,” na mas makikilala kung Esp. “unibersidad,” ang “takdang-aralín” na kinalimutan na ng Eng. “asaynment,” at panghulí, ang “pagsusulit” na pinatipid ng monosilabikong Eng. “test.”
Sa kabila nito, mga likhang salita na naman na hindi talaga pumasok sa ating leksikon ang ibang natirá—ang manunuro na talaga namang “guro,” o dili kayâ’y Eng. “titser” o Esp. “maestra,” ang halgam-bilang na simpleng Eng. “iskor,” ang punong manunuro na dati nang “punòng-guro” o Eng. “prinsipal,” at aklat-talaan na Eng. “nowtbuk” o Esp. “kuwaderno.” Higit pa rito, totoo nga’t ‘puro’ (kung batay sa kawalan ng panghihiram) ang kalakhan ng mga salitâng itinalâ niya, ngunit nabigo pa rin siya sa isang entri. Ang “pambura,” na aktuwal nating ginagamit ay may ugat na hiram din sa Español, ang borrar.
Nagalit sa akin ang nag-post nang sabihin kong hindi lehitimong Tagalog/Filipino ang marami sa salitâng tinatampok niya at idiin na hindi dapat ibahagi sa mga baguhan sa wika ang mga lipás (obsolete) na salita. Giit niya, mga ‘totoong’ salita naman daw kasi ang lahat ng itinala niya at hindi lang táyo maláy dito. Hindî nito pinakinggan ang mga paliwanag ko na ang aktuwal na paggamit sa wika ng mga ispiker ang nagtatakda kung talagang parte na ng bokabularyo ang anumang lupon ng mga salita. Ayon sa kaniya, mas mabuting matutuhan ang mga salitâng ito kaysa ang mga salitâng hiram sa dahilang ‘hiram lang’ kuno ang mga iyon. Ito raw ang ‘sariling atin’ at dapat kong tanggapin. Anumang paliwanag ko, hindi mabasag ang kaniyang paniwala na tama ang ipinaglalaban niya. Ginatungan pa ito ng isa niyang repapips na nagsasabing marahil ikinakahiya ko raw ang wika natin dahil ayaw kong tanggapin ang guniguni nilang talasalitaan. Ang wakas? Napagsabihan ako ng puristang nag-post na huwag na lang kasi mangialam, at saká naparatangan namang “rehiyonalista” (saang lupalop gáling???) ng isa pa nilang kapanalig na walang profile picture (troll?). Doon ko napagtantong mas nakalinya sila sa larangan ng komedi kaysa linggwistiks.
Malinaw ang layunin nila—burahin mula sa ating dila ang anumang impluwensiya ng banyagang wika sa pag-aakalang ipinagtatanggol nila ang wika sa paraang ito. Maihahalintulad ang adyenda ng nag-post sa mga simulain ng dáting Maugnaying Pilipino ni Gonsalo Del Rosario.² Nilayon nitong lumikha ng sariling talasalitaan sa Pilipino para sa mga konsepto sa iba’t ibang sangay ng agham na sinubok nilang gawing siyento porsiyentong ligtas sa anumang bahid ng panghihiram sa banyaga. Tinawag nitong kabalaghaan ang “penomenon,” ginawang huna ang “teorya,” binansagang aghamanon ang “siyentista,” etsetera. Kasaysayan na ang nagpasya, hindi lehitimong pumasok sa kolektibong dila ng masang Filipino ang ilang daang likhang salita nito at kung nakalusot man ay napalitan na ng ibang termino. Nanatiling mga panukala ang ilan at magpahanggang ngayon ay sinusubok buhayin ng mga indibidwal na nakaangkla sa paggamit ng mga ibinaul nang salita ang diwa ng nasyonalismo.
ANG MGA NILIKHA SA MAGANDANG IMAHE
Ngunit, huwag kayong magkakamali ng intindi. Hindî ko sinasabing masamâ per se ang adbokasing lumikha ng mga bagong salita. Hindî ko binabasag ang malikhaing trip nina Del Rosario et al. Kalakaran ito sa maraming ibang wika sa mundo at gayundin sa atin noong mga naunang dekada. Ang ipinupunto ko na dapat tutulan ay ang paggigiit na ang mga inimbentong terminolohiya ang ‘totoong’ bokabularyo ng wika dahil ‘puro’ ito, gaya ng ipinagpapatayang katwiran ng nag-post. Lingid sa kaalaman niya, ang aktuwal na paggamit ang magdidikta kung napabilang na sa leksikon ang mga inimbentong salita. Ito ang rasyunal sa hindi pagtanggap maging ng UP Diksiyonaryong Filipino (2010) sa kapnayan (“kemistri”), sipnayan (“matematika”), haynayan (“biyolohiya”), at iba pang kagayang pormulasyon.
Gayumpaman, gaya ng pinapahiwatig ng heading nito, may mangilan-ngilang matagumpay na nakapasok sa kamalayan ng nakararami tulad ng mga likhang “katarungan” (mula sa Sebwanong tárong) na dumagdag sa dati nang Esp. “hustisya,” ang “katwiran” na dumagdag sa luma ring Esp. “rason,” at ang “kalayaan” na pumalit sa Esp. libertad.³ May kagandahan din sa ilang binuo ng Maugnaying Pilipino, gaya ng ginagamit na sa panitikan na “banyúhay” bílang alternatibo sa Eng. “metamorfosis,” ang “tatsulok” na ginagamit pa hanggang ngayon bílang simbolo ng mga uring panlipunan kasabay ng paminsang Esp. “triyanggulo,” at lalo na ang paborito kong “dalubwika” na ginagamit kong neolohismo para sa nagpapakadalubhasa sa wika na hindi pa kalevel ng “lingguwista.”
Hanggang sa kasalukuyan, nagagamit pa ang mga likhang salitâng pampaaralan tulad ng “punòng-guro,” kasáma ng pa-English na “prinsipal.” Sa katunayan, hindi ko matanggap na pati ang maluma-lumang “guro” ay isinantabi ng nasabing post para sa isang malabo at halos katawa-tawang imbensiyong manunuro (na mas bagay para sa kagalít ng mga duwende). Napakagandang salita ng “guro,” at ginagamit pa hanggang ngayon para ibukod sa simpleng “titser” ng English. Sa mga matatandang nasanay naman sa Español, madalas sambitin ang “maestra.” Yumayaman ang wika hindi dahil sa pagpipilit ng “guro” imbes na “titser” o “maestra,” kundi sa pagtanggap sa paggámit ng “guro” kasabay ng dalawa pang alternatibong ito depende sa konteksto at sosyolek ng ispiker. Nilinaw ito ni Virgilio Almario sa isang sanaysay niya sa Filipino ng mga Filipino (2009):
“Hindi nagiging pambansa ang Filipino dahil lámang sa paggámit ng titser. Sa halip, umuunlad ang Filipino bílang wikang pambansa dahil sa pagdaragdag ng titser sa dati nang guro at maestra.” ⁴
Paralel ito sa kaso ng “paaralan,” “eskuwelahan,” at “iskul,” kung saan ang una ay napabílang sa puristang post. Magmumula ang pag-unlad ng wika, hindi sa paggigiit ng imbensiyon na “paaralan” dahil ‘puro’ ito o sa pagtakwil dito dahil lang isa itong likhang salita, kundi sa pagtanggap ng tatlong salitâng ito na pare-parehong aktuwal na ginagamit ng mga Filipino sa iba’t ibang varayti at dimensiyon ng wika.
ANG HATOL SA NASASAKDAL
Kung ilegal ang purismo, ang nag-post ay nagkasala, at ang mga tropa niya, kasabwat sa krimen. Walang lugar sa pagtuturò ng wika ang pagpupumilit (at kahit ang simpleng pagpapakilá nitó nang walang diskleymer!) sa mga imbentong salita na hindi na o hindi naman talaga aktuwal na ginamit ng mga ispiker. Hindî iyon pagtatanggol sa wika, kundi panloloko. Tunay na maitataguyod ang wika kung patúloy itong gagamítin, ‘puro’ man o punô ng banyagang impluwensiya. Ang wikang umuuswag ay iyong bukás sa pagyakap ng pagbabago at tinatanggap ang realidad na posibleng naglaho na ang dáting nakasanayan.
Sanggunian
¹ Paz, Consuelo J., Viveca V. Hernandez, at Irma U. Peneyra. 2010. Ang Pag-aaral ng Wika. Quezon:
University of the Philippines Press.
² Del Rosario, Gonsalo, ed. 1969. Maugnaying Talasalitaang Pang-agham: Ingles-Pilipino. Lupon sa Agham.
³ Almario, Virgilio S. 2017. Tradisyon at Wikang Filipino. Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino.
⁴ Almario, Virgilio S. 2009. Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman
ng Wikang Pambansa. Mandaluyong: Anvil Publishing.
Mga Komento