top of page

Sa Láwas ng mga Salita


Mga nilalang sa mitolohiya ng Pilipinas ang mga siyokoy na matatagpuan sa karagatan at katumbas na laláki ng sirena. Karaniwang siláng inilalarawan na may anyong laláki ngunit may ulong kawangis ang isda at nagtataglay ng kaliskis at palikpik¹. Hindi lang sa mga láwas ng tubig matatagpuan ang mga tinatawag na “siyokoy,” kundi pati sa wika.


Ang mga tinatawag na “salitâng siyókoy” ni Virgilio S. Almario, tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ay mga salitâng hindi hiram sa Español at hindi rin Ingles, at kadalasang bunga ng kakulangan sa kaalaman sa wastong anyong Español ng mga iskolar at edukadong nagnanais magtunog Español ang paggámit ng wika². Naobserbahan na rin ni Teresita F. Fortunato ang mga “haybrid” na ito na malabò ang deribasyon at predominanteng sumusulpot sa mga ispiker ng Filipino³. Ibig sabihin, mahirap matukoy kung alin sa Español o Ingles ang pinagbatayan ng panghihiram, kung kayâ maituturing ang salita na alanganin. Isa itong suliranin sa akademya at midya. Mabilis kumakalat ang mga salitâng siyokoy dahil pinalalaganap ng mga sikát na artista, brodkaster, manunulat, at akademista na limitado ang kaalaman sa wikang Español at kalakaran sa panghihiram.


Nabubuo daw ang mga ito dahil nais ng ilang akademista na pagtakpan ng kanilang katamaran. Hinuhulàan nila ang mga salitâng ‘Español’ na sa tingin nila ay katumbas ng iniisip na salitâng Ingles. Tanggap na raw ito at gagamiting katumbas sa Filipino. Kadalasan ay gumagana ang ganitong estratehiya dahil magkakahawíg ang maraming salitâng Ingles at Español sa kahulugan at tunog. Gayumpaman, paminsan-minsan ay hindi pumupuwede ang ganitong hulà-hulà at nabubunyag ang pagkukunwari nila kapag ginagámit nila ang mga salita na hindi tunay na Español at hindi rin Ingles⁴.


Ang salitâng siyokoy ay madalîng matukoy kung mahahalatang hiram ang salita. Tingnan ang teybol sa babâ:

Gayumpaman, ibá sa mga salitâng siyokoy ang “neolohísmo” o sinasadyang eskperimento sa pagbuo ng salita. Nagaganap ito kadalasan ngayon sa paglalagay ng hulaping pangkatawagan, tulad ng -ismo, -ero, -ista, atbp. Ang mga ilang halimbawa ng neolohismo ay makikita sa sumusunod na teybol:

Pinapalitan o pinagpapalit ang mga ito sa ilang eksperimento kung kailangan at nagbubunga ng salitâng ibá sa orihinal na anyo o kahulugan ng mga ito sa Español. Sa kabilâng dako, maituturing na mahusay na mga neolohismo ang “siyentísta” at “sikolohísta”. Kung susundin ang anyong Español, ang dapat gamitin ay “siyentípikó” (científico) at sikólogó (psicólogo). Sa Español, ang salitâng científico ay pantawag kapuwa sa táong dalubhasa sa agham (scientist) at sa pang-uri hinggil sa may katangiang pang-agham (scientific). Nais ng pag-imbento sa “siyentísta” na ibukod ang tao upang manatili na lang bílang pang-uri ang siyentípikó. Samantala, ayaw ng mga dalubhasa sa sikolohiya ang “sikólogó” dahil katunog ng “kulugó,” kayâ higit na nais niláng gamitin ang inimbentong “sikolohísta”. Sinasadya ang mga neolohismo at may lohikong katwiran ang paglihis sa anyo ng orihinal sa wikang hiniraman. Ibá ito sa siyokoy na resulta ng malang akala at dahil sa kulang na kaalaman sa hinihiramang wikang Español o ibang wikang banyaga⁵.


TAMA BANG “IKOREK” ANG WIKA?

Tunay ngang dinamiko ang wika at patuloy na nagbabago sa tulong ng malikhaing isip ng mga ispiker nitó. Hindi ikakatuwa ng mga lingguwista ang pamumulis ng wika, ang preskriptibismo, lalo kung laban sa pang-araw-araw na lengguwahe. Kung titingnan sa lente ng deskriptibong aprowts sa lingguwistiks, masasabing naipapakita ng mga salitâng haybrid ang impluwensiya ng Ingles at Español sa paglikha ng mga bágong entri sa bokabularyo ng wikang pambansa at iba pang wika ng Pilipinas. Kayâ, kung ang mga salitâng ito na itinuturing na siyokoy na ang gagamitin ng majoriti sa sa pang-araw-araw na komunikasyon, mahirap sabihing ‘mali’ ang mga ito. Kahit ang napakakaraniwang salita na “seryoso” at “responsibilidad” na ginagámit ng kahit sino, ay kapuwa maituturing na siyokoy o haybrid sa mga naunang nabanggit na istandard dahil hindi sila nagmula sa Español na serio at responsabilidad.


Gayumpaman, tulad ng kalakaran sa iba pang wika gaya ng Ingles, ipinapayo pa ring maging maingat sa paggamit ng salita kung sa loob ng mga pormal na sanaysay at akademikong pagsulat. Sa dimensiyong ito naman talaga pinapanatili ang pagkaelegante ng wika sa pamamagitan ng konsistensi at estandardisasyon. Sa labas ng mga naturang rejister, malayà pa rin táyong gamítin ang mga salitâng ito na totoo namang aktuwal na parte na ng ating bokabularyo.


Sanggunian

¹ Samar, Edgar Calabia. 2019. Mga Nilaláng na Kagila-gilalas. Quezon: Adarna House.

² Almario, Virgilio S. 2014. KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat. Quezon: Komisyon sa Wikang Filipino.

³ Santos, Benilda. 2003. Ang Wikang Filipino sa Loob at Labas ng Akademya't Bansa. Quezon: Sentro ng

Wikang Filipino.

⁴ Morrow, Paul. 2003. Mga Salitang Siyokoy. Hunyo 15. http://paulmorrow.ca/siyokoy.htm.

⁵ Almario, Virgilio S. 2014. KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat. Quezon: Komisyon sa Wikang

Filipino.

Comments


bottom of page