top of page

Ang Wika ay Hindî Kultura

            Marami akong kinaiinisan tuwing Buwan ng Wika (sa tingin ko ay ganito ang sinumang nag-aaral ng lingguwistiks).


           Una, nakadedesmaya ang mga infographic na inspirado ng pamumulis-wika sapagkat madalas na lipás at kuwestiyonable ang nilalamán. Karaniwang hindi na talaga preskripsiyon sa masinop na pagsulat ang mga itinatampok o tahasan lámang na lumalabag sa agham ng wika. Gayumpaman, sa isang bandá, patungkol pa rin ang mga ito sa penomenon ng pagsasalita na natatangi sa sangkatauhan. At paminsan, tumutulay ito sa mga talakayang higit na siksik sa karunungan kapag sinimulan nang iwasto ng mga dalubhasa.


            Ngunit, higit na nakapagpapakunot ng kilay ko ang conflation ng wika, kultura, panitikan, pag-iisip, at nasyonalismo na lubhang laganap sa panahong ito. Sa mga paaralan, makakikíta táyo ng mga paligsahan sa katutubong sayaw at awit na kalimitang wala pang kinalaman sa tema ng pagdiriwang. Samantála, sa social media naman, talamak ang mga post na tumutukoy sa mga gawaing pangkultura na dapat umanong gunitain o kayâ ay nagtatampok ng linya ng mga bayani hinggil sa pagtatanggol ng bayan. Sa ating isip, ang “Buwan ng Wika” ay lumilikha ng imahen ng mga naka-barong tagalog at pananalitang Balagtas-esque.


            Ang problema, hindi limitado sa Buwan ng Wika itong pinaniniwalaan kong maling pananaw. Madalas na marinig buong taon ang mga sentimyentong gaya ng “Ang wika ay kultura at ang kultura ay wika.” Kadalasan pa itong sinasambit nang walang pahabol na argumento, na tíla kabílang sa mga katotohanang a priori ng uniberso. Hindî mo raw tunay na mauunawaan ang isang wika kung hindi ka lulubog sa kultura nito at vice versa. Sa mga pamantasan, nakakadaupang-palad ng maraming mág-aarál ang ideang ito sa anyo ng Hakang Sapir-Whorf partikular sa mabigat na bersiyon nito, ang determinismong pangwika. Dito, susuriin natin ang mga palagay nito sa layuning ipaghiwalay ang turing sa wika mula sa iba pang mga kaugnay lámang na bagay.


Paglaya sa Bilangguang-Wika

            Mula pa sa panahon ni Nietzsche, usap-usapan na ang bisa ng wika sa pag-iisip na sa kaniyang panulat ay itinuring niyang ‘bilangguan’—tíla isa itong estrukturang nakapaglilimita sa kalayaan. Sa ating panahon, nakahahawig ito sa Hakang Sapir-Whorf (mula rito, “HSW”), ang isa sa mga sikát na teorya sa wika na pamilyar maging sa mga hindi nagpapakadalubhasa rito.


            Taliwas sa inaakala ng karamihan, hindi ito magkasámang nilikha nina Sapir at Whorf—o ni gumawa ng anumang reperensiya rito—kundi, isang pormulasyon ni Harry Hoijer noong 1945 bílang produkto ng mga isinulat nila noong nabubuhay (Beeman, 2012). Gayumpaman, maaari ngang mahinuha na ieendorso din nila ang ganitong uri ng sala-salabat na pag-iral ng wika, kultura, at pag-iisip:

We dissect nature along lines laid down by our native languages. The categories and types that we isolate from the world of phenomena we do not find there because they stare every observer in the face; on the contrary, the world is presented in a kaleidoscopic flux of impressions which has to be organized by our minds—and this means largely by the linguistic systems in our minds. (p. 213)

            Ang sipi sa itaas, halimbawa, mula kay Whorf (1956), ay malinaw na nagpapakíta ng mala-Nietzsche na paniwala sa pamamagitan ng pagkakarakterisa sa wika na tíla puwersang nakapangyayari sa ating pag-iisip sa mga nakababahalang paraan.


            Samantála, binigyang-kahulugan ito nina Mahboob at Tupas (2022) bílang:

[the proposal focusing] on whether and how language impacts cognition and thought…. often interpreted and taught in terms of two versions: the strong version and the weak version. The strong version, also known as linguistic determinism, is posited as the view that language determines our thought patterns; whereas, the weak version, also known as linguistic relativity, is posited as the view that differences in language can lead to differences in thought. (p. 1)

            Bagama’t hindi malinaw kung alíng bersiyon ang ibig nilang katigan, mahihinuha na ang pangalawa ito ayon sa diwa ng pahayag. Ang artikulong ito ang magsisilbing lunsaran ng aking mga argumento sa layuning mapabulaanan ang misrepresentasyong ipinakakálat ng HSW.


Bakit Hindi Kultura ang Wika

            Sa World Englishes and Social Change, ginamit nina Mahboob at Tupas (2022) ang HSW sa pagtatangkang punan ang guwang ng kaalaman sa mga implikasyon nito para sa second language acquisition at multilingguwalismo. Sinuri ang Philippine English sa pamamagitan ng HSW sa kongklusyon na nagdudulot ito ng hindi makatwirang trato sa kababaihan bunsod ng bokabularyo nito: “…Philippine English today continues to project women as lesser than men, both through in the lexical semantics of key terms and the positioning of women/wives as weaker through discourse semantics….” (Mahboob & Tupas, 2022, p. 5) Bukod dito, ipinalalagay nila na:

“The introduction of Spanish and English, in other words, cannot be naively viewed simply as the imposition of colonial languages which had immense impact on the local linguistic ecologies of the Philippines through these varying periods of colonial subjugation. Such linguistic imposition, rather, must be viewed within a general ideological and material gendering of the Philippines…. We can then see how colonial gender relations and practices were transmitted and enforced through Spanish and English as colonial technologies of control….” (Mahboob & Tupas, 2022, p. 4)

            Gayundin ang tingin nila sa Pakistan:  “English does/did not have three genders and the British Raj did not recognise [sic] a third gender when it became the colonial rulers of India. This lack of recognition of the third gender in English led to the persecution of the khwaja sira.” (Mahboob & Tupas, 2022, p. 5)


       Bagama’t nakahahalinang freymwork, ang mga pagsusuring nakasandig sa HSW ay maproblemang patunayan dahil nagsasangkot ang mga ito ng mga empirikal na bagay. Una, madalîng ipagkalito ang mga sanhi at bunga. Ipinalalagay ni Mahboob at Tupas (2022) na ang gender-role reinforcement ay umiral sa Pilipinas bunsod ng pananakop ng Espanya at Amerika na nagdalá ng kani-kanilang wika rito. At mas espesipiko rito, sinasabi na idinulot ito ng pagkakaroon ng binaryong terminolohiya  sa Espanyol,  esposo (m.) at esposa (f.), at sa Ingles, husband (m.) at wife (f.), taliwas sa eksklusibong paggamit ng Tagalog na asawa. Walang kahirap-hirap itong napapabulaanan ng katotohanan na ang converse nito ang marahil ay higit na totoo.


            Walang katiyakan na ang mga di-kanais-nais na paniniwala, gaya ng mga seksistang imposisyon, ay bunsod ng wika ng kulturang pinagmulan nito na sa ating talakay ay ang kolonyalistang Espanya at Amerika. Sa halip, konsekswensiya ito ng mga kolonyalistang kultura! Sa katulad na paraan, hindi masasabing ang mga wika na walang grammatical gender ay awtomatikong napabibilang sa mga kulturang egalitaryo. Kung gayon, walang garantiya na mas naging patas ang trato ng prekolonyal na Pilipinas, o ng mga tribung Tagalog, sa mga kasarian. Maraming kultura, halimbawa, na marahas at pinangingibabawan ng kalalakihan noong bago sumapit ang Edad Industriyal (tingnan Pinker, 2002).


            Ang totoo, hindi intrinsiko (=napaghihiwalay ito!) ang pagkakakawing ng wika, kultura, at pag-iisip na gaya sa ipinalalagay ng Hakang Sapir-Whorf. Hindi maitatanggi ang malapít na ugnayan ng mga ito bílang mga konsepto. Ngunit, wala siláng pangingialam sa operasyon ng bawat isa sa punto ng pagiging tíla predeterminasyon. Sa isang interbiyu, sabi ng lingguwist na si Pinker (2012):

There’s one generalization that I think almost all linguists would agree with which is that the variation among languages doesn’t have a whole lot to do with variations across the cultures of the people who speak the languages…. [I]n some languages, put the verb in the middle and have the object after, “John ate the sushi,” some have the verb at the end, “John the sushi ate.” But, do any of these features correlate with some kinds of culture, with more real uptight cultures, or expressive cultures, or intimate cultures, or technological cultures? The answer is generally they don’t.

        Bagama’t intuitibo at kaakit-akit ang ganitong paniwala, madalî itong naipasasawalang-katotohanan kung sasangguni sa kasaysayan at agham. Gaya ng ipinakita, maaaring magkaroon ang isang wika ng anumang katangiang gramatikal—halimbawa, na maging mapagkasarian—nang hindi ganap na nangangahulugang nagmumula ito sa kultura ng pangkat ng nagsasalita nitó. Kinakatigan ito ni Baker (2001) sa pamamagitan ng dulog prinsipyo-at-parametro na nagpapatunay na walang ugnayang pasanhi ang tipolohiya ng wika sa kultura sapagkat napakataas ng posibilidad na magkaroon ng kahawig na kultura ang isang pangkat sa mga karatig nito sa heograpiya kaysa sa mga pangkat na nagsasalita ng wikang malaki ang pagkakatulad sa gramar ng sa kanila.


            At higit sa lahat, kontra-produktibo rin ang adhika ng mga kumikiling sa Hakang Sapir-Whorf kung hangad nating maging progresibo sapagkat nagbibigay-daan ito sa mga hindi kanais-nais na implikasyon. Paglimian, halimbawa, na mayroong Wika A at Wika B kung saan ang una ay hindi nagtataglay ng anumang salita para sa positibong hálagáhan X ngunit may mayamang bokabularyo kaugnay ng negatibong hálagáhan Y. Kung gayon, batay sa sinisiyasat nating haka, masasabi na ang negatibong hálagáhan Y ay prominenteng katangian ng mga ispiker ng Wika A samantálang wala sa hinagap nila ang positibong hálagáhan X. Pawang diskriminasyon ito at hindi sumasalamin sa tunay na pagsasálo ng wika, kultura, at pag-iisip.


        Kung kayâ naman, ang kahina-hinalang paniniwala sa Mahboob at Tupas (2022) ay mahahalintulad sa senaryo na unang pumukaw ng interes ni Whorf sa pagmumuni hinggil sa wika, kultura, at pag-iisip na ibinuod ni Pinker (1994):

[T]he idea first occurred to him in his work as a fire prevention engineer…. One worker caused a serious explosion by tossing a cigarette into an “empty” drum that in fact was full of gasoline vapor…. The seeds of disaster supposedly lay in the semantics of empty, which Whorf claimed, means both “without its usual contents” and “null and void, empty, inert.” The hapless worker, his conception of reality molded by his linguistic categories, did not distinguish between the “drained” and “inert” senses, hence, flick… boom! But wait. Gasoline vapor is invisible. A drum with nothing but vapor in it looks just like a drum with nothing in it at all. Surely this walking catastrophe was fooled by his eyes, not by the English language. (p. 60)

            Makikita rito na pareho itong uri ng kalituhan sa pagtukoy ng bunga na sa ating usapin ay maaaring ang wikang may gender at hindi ang seksismo.


            Kung kayâ, anumang katangiang gramatikal ang matatagpuan sa isang wika na na kalaguyo ng gender at biological sex, hindi ito magkakaroon ng kalunos-lunos na impluwensiya sa ating pag-iisip. Pinakamahusay na ebidensiya laban dito ang  konsepto ng ‘euphemism treadmill’ (tingnan Pinker, 1994) kung saan maoobserbahan na sa paglipas ng kasaysayan, napakarami nang termino ang nawalan ng tangkilik dahil sa pagkakatanggap ng negatibong konotasyon sa kalaunan. Ngunit, ang pananaw-mundo ng mga tao (partikular iyong mga nagpapamalas ng bigotriya at iba pang nakahahadlang sa human flourishing) ay nananatili pa rin.


Túngo sa Prinsipyong Boas-Jakobson

            Sa kabila ng nása itaas, may katulad ngunit naiibang idea na makapagpapaliwanag sa masalimuot na pagkakasala-salabat ng wika, kultura, at pag-iisip. Gaya ng Hakang Sapir-Whorf, hindi ito ito hinaka ng kaniyang mga eponimo kundi inihain ni  Deutscher (2010) sa Through the Language Glass bílang alternatibo. Hindi tulad ng Hakang Sapir-Whorf, hindi ipinalalagay ng Prinsipyong Boas-Jakobson na mayroong mga puwersang mapanghadlang sa ating isip (i.e., na nakaiimpluwensiya, humuhubog, o nagpapasiya), kundi, sinasabi lámang na nakadedevelop ang mga ispiker ng mga ‘habit sa pag-iisip’ bunga ng madalas at sapilitang paggamit ng ilang katangiang gramatikal. Halimbawa, hindi nangangahulugan na mayroong naiibang paraan ng pag-iisip ang mga ispiker ng Russian dahil lámang may dalawang hiwalay na termino sila para sa mga hue sa pagitan ng lungtian at lila. Sa halip, nakasanayan na lámang nila ito bunsod ng istriktong kahingian ng kanilang wika na palagiang tukuyin ang kaibahan ng samot-saring bughaw (Deutscher, 2010).


            Sa ating wika, masasabi na walang habit ang mga ispiker ng Filipino na linawin ang gender ng sinumang tinutukoy na hindi bahagi ng kasalukuyang pag-uusap dahil nasanay táyo sa gender-neutral na panghalip sa ikatlong panauhan, ang “siya.” Bukod dito, hindi rin obligatoryo ang paggamit ng pambabaeng anyo (hal., “doktora,” “Pilipina,” “pakialamera,” atbp.) dahil ang mga anyong nagtatapos sa -o ay itinuturing na default at hindi agad-agad na panlaláki. Di-gramatikal ba kung, halimbawa, tatawaging “Pilipino” ang iyong ina o di kayâ kung tutukuying “mga tsismoso” ang isang pangkat ng dalawang laláki at isang babae?


            Sa kabilâng bandá naman, bagama’t may tendensiya ang mga ispiker ng Espanyol at Ingles na tukuyin ang gender sa kanilang wika, hindi ito kagyat na maiiugnay sa realidad ng mga hálagáhan sa mundo. Higit pa rito, gayundin ang kongklusyong kahahantungan natin kung ating tatanggapin na ang wika at pag-iisip ay nagsasariling entidad sa isip kung kayâ’t walang pagmamando sa isa’t isa (tingnan Pinker 1994).


Hanggang Saan Lámang ang mga Salita?

            Dito, ipinasawalang-katotohanan natin ang mga alegasyon ng Hakang Sapir-Whorf ukol sa ating realidad sa pagpapalagay na ang mga kontemporanyong gampaning pangkasarian sa Pilipinas ay idinulot ng paggamit sa mga wikang banyaga na dalá ng kolonyalismo. Madalî itong nababasag ng katotohanan na hindi ito tiyak na konsekwensiya ng mismong wika, lalo na ng mga pangngalang nagtataglay ng grammatical gender. Bukod dito, nagmamalabis ang mga tagapanalig nito hinggil sa ugnayan ng wika, kultura, at pag-iisip. Gayumpaman, nakita rin natin kung paanong nagkakadaiti pa rin ang mga bagay na ito, lalo na sa pagkakabuo ng mga habit sa pag-iisip sang-ayon sa Prinsipyong Boas-Jakobson.


            Kung kayâ, bagama’t nakahahalina ang inihahandog na kaisipan ng Hakang Sapir-Whorf, hindi ito umuubra laban sa pagsusulit ng ebidensiya, ng kasapatan sa paliwanag, at higit sa lahat, ng katwiran. Ang Hakang Sapir-Whorf (muli, sa nakasasamâng uri nito) ay isa lámang sa napakaraming signos ng pandemyang relatibismo na kumakalat sa kontemporanyong lipunan. Wala dapat puwang sa mundong pinagagana ng agham ang ganitong mga mapanlinlang na kaisipang pinagduduldulan ang ating mga pagkakaiba sa halip na pagbuklurin ang unawa sa iisang sangkatauhan.

 

Sanggunian

Baker, M. C. (2001). The Atoms of Language: The Mind's Hidden Rules of Grammar. New York: Basic Books.

Beeman, W. O. (2012). Linguistics and Anthropology. In R. Kempson, T. Fernando, & N. Asher (Eds.), Philosophy of Linguistics (pp. 531-552). Elsevier.

Deutscher, G. (2010). Through the Language Glass: Why the World Looks Different in Other Languages. New York: Metropolitan Books.

Fromkin, V., Rodman, R., & Hyams, N. (2013). An Introduction to Language. Wadsworth: Cengage Learning.

Mahboob, A., & Tupas, R. (2022). World Englishes and Social Change. In A. M. Borlongan (Ed.), Philippine English: Development, Structure, and Sociology of English in the Philippines (pp. 1-10). London: Routledge.

Pinker, S. (1994). The Language Instinct: How the Mind Creates Language. New York: HarperPerennial.

Pinker, S. (2002). The Blank Slate: The Modern Denial of Human Nature. USA: Penguin Books.

Pinker, S. (2012). The Grammar of Happiness [Documentary]. Directed by M. O'Neill, & R. Wood.

Whorf, B. L. (1956). Science and Linguistics. In J. B. Carroll (Ed.), Language, Thought, and Reality: Selected Writings of Benjamin Lee Whorf (pp. 207-219).



Comments


bottom of page