NAGBABAGO ANG ATING MGA WIKA
Tulad ng tao, hindi din istatik ang mga wika. Nagbabago ang mga ito alinsunod sa aktuwal na paggamit ng mga ispiker. At kung gayon, nag-aadjas din ang mga naitalâng tuntúnin sa mga istaylbuk. Mahigpit na sinusunod dati ang pagbabago ng /d/ patúngong /r/ sa Tagalog, partikular sa mga salitâng “din,” “daw,” at “dito.” Gayumpaman, dahil sa nagbabagong paggamit, at pagiging ingklusibo ng Filipino sa mga ibang wika ng Pilipinas, hindi na ito itinuturing na preskripsiyon sa pagsulat sa inilabas na KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat (2017)¹.
Kung kayâ, sa ayaw at sa gusto nating mga hamak na ispiker, nagbabago ang ating mga wika sa paglipas ng panahon. Isa itong karakteristik ng lahat ng wika sa mundo ayon sa linggwistiks. Isang napapanahong halimbawa ay ang nagbabagong paggamit ng salitâng “they” sa English. Bukod sa pagiging third-person plural pronoun, ang “they” ay isa na ring generic third-person singular pronoun sa naturang wika. Ang paggamit nito ay hinihikayat sa estilong APA dahil ingklusibo sa lahat ng táo at nakakatulong para hindi mag-asyum ng gender ang mga manunulat².
Higit pa rito, ang “they” ay itinanghal din na 2019 Word of the Year ng Merriam-Webster bílang pagkilála sa nagbabagong paggamit sa salita, na kamakailan ay tumutukoy na rin sa isang táong may gender identity na nonbinary³. Ang semantikong pagbabago na ito ay halimbawa ng penomenong “broadening” kung saan lumalawak o nadagdagan ang posibleng kahulugan ng isang salita. Isang halimbawa ang kaso ng salitâng “dogge” ng Middle English na tumutukoy sa isang espesipikong lahi ng aso, ngunit napalawak pa ang gámit nitó at napabílang ang lahat ng miyembro ng species na canis familiaris.⁴
PRESKRIPTIBISMO O HOMOPHOBIA?
Umani ng hindi magagandang komento mula sa mga preskriptibista ang anunsiyong ito hinggil sa “they.” Pinaratangan ito ng ilan na nagdudulot lang diumano ng kalituhan, sa kabila ng katotohanan na hindi naman ito pinipriskrayb ng mga institusyon kundi pawang mga obserbasyon lang sa aktuwal na paggamit ng mga ispiker. Malinaw na nabigong intindihin ng mga kritiko na mas praktikal ang paggamit ng iisang salita na “they” kaysa ang mahabang “he or she” na itinuro sa atin sa mga paaralan. Lingid sa kamalayan nila, buhat pa noong mga taóng 1300, pinapraktis na ang ganitong paggamit ng “they” para tumukoy sa táong hindi tiyak ang gender. Kung gayon ang kanilang lohika, bakâ puwede rin nilang pagsabihan sina Emily Dickinson⁵, at iba pang mga PATAY nang manunulat, na sila ang nagdulot ng ‘kalituhang’ ito sa kontemporanyong panahon?
Maaaring hindi sumang-ayon ang ibang mga indibidwal sa paggámit ng “they” bunsod ng personal na pagkiling kontra sa karapatan ng LGBTQ+ (na walang iba kundi patagông homophobia!), ngunit simpleng sentido kumon lang ang nagdidikta na mas magandang alternatibo ang salitâng “they” para tukuyin ang isang táong hindi sigurado ang gender dahil mas praktikal at ginagamit na ito sa pagsulat noon pa man.
TÚNGO SA LENGGUWAHENG GENDER-SENSITIVE
Maganda ring pag-usapan ang paggamit ng tamang pronouns—“he,” “she,” at “they”—sa English na ipinapakiusap ng mga miyembro ng LGBTQ+ community. Ang isang kagandahan ng mga wika ng Pilipinas ay ang pagiging gender-neutral ng mga ito kayâ hindi kailangang iayon ng isang ispiker ang gagamítin niyang mga panghalip panao sa ikatlong panauhan. Ito ay dahil walang gramatikal na gender ang “siya” (Tagalog), “hiyá” (Sambal), “iya” (Kapampangan), “isuna” (Ilokano), at iba pa na maaaring katumbas ng gender-neutral na “they” sa mga wika ng Pilipinas. Gayunman, naobserbahan ko na posibleng katumbas sa Filipino ng paggamit ng tamang pronouns sa English ang tamang pagtukoy sa kausap bílang “Ate,” “Kuya,” o iba pa. Likás na maggalang ang mga Filipino at mahílig gumamit ng honorifics, lalo na sa mga nakatatanda at kahit kaedad na hindi kakilála. Kung paano ang pag-iingat natin sa paggámit ng “he,” “she,” o “they” ay dapat ganoon din sa pagtukoy sa kausap bílang isang “Ate” o “Kuya.” Sa showbiz, makikita natin ang pagkakaibang ito kina Vice Ganda na tinatawag na “Ate Vice” at Boy Abunda na “Tito Boy.”
Kung táyo ay mga progresibong indibidwal at deskriptibista, hayaan nating magbago ang mga wika ayon sa pangangailangan ng tao at huwag nating tutulan ang naturalesang ito ng sariling prejudis batay sa mga lipás na paniwala. Walang mawawala sa atin kung gagamit táyo ng mga angkop na pronoun sa tuwing mag-i-English. Pero higit sa lahat, walang masamâ sa paggámit ng lengguwaheng praktikal, ingklusibo, at gender-sensitive.
P.S. Bagama’t karaniwang magkasingkahulugan at nagkakapalitan ng gámit ang mga salitâng “wika” at “lengguwahe,” nagkakaiba ang mga ito ng ibig sabihin depende sa konteksto. Sa kaso ng sanaysay, tumutukoy ang “wika” sa karaniwang sinasalita natin tulad ng Filipino, Sebwano, Ilokano, atbp., hábang ang “lengguwahe” ay ang rejister o level ng paggámit ng wika. Mas maiintindihan mo ang distinsiyong ito kung aalalahanin ang abisong SPG ng MTRCB kung saan ang titik L ay nagrerepresenta sa “lengguwahe” na hindi tumutukoy sa anumang literál na “wika,” kundi sa presensiya ng profanidad at/o anyo ng pagsasalita na hindi angkop sa mga batà.
Sanggunian
¹ Almario, Virgilio S. 2017. KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat. Manila: Komisyon sa Wikang Filipino
(KWF).
² American Psychological Association (APA). 2019. Singular "They". Inakses Disyembre 11, 2019.
https://apastyle.apa.org/style-grammar-guidelines/grammar/singular-they.
³ Merriam-Webster. 2019. Merriam-Webster’s Words of the Year 2019. Inakses Disyembre 13, 2019.
https://www.merriam-webster.com/words-at-play/word-of-the-year.
⁴ Fromkin, Victoria, Robert Rodman, atNina Hyams. 2013. An Introduction to Language. Wadsworth:
Cengage Learning.
⁵ Merriam-Webster. 2019. Singular 'They'. Setyembre. Inakses Disyembre 12, 2019.
https://www.merriam-webster.com/words-at-play/singular-nonbinary-they.
Comentarios