top of page

PISÂ


Kaniya-kaniyang haypotesis ang mga netizen sa mainit na isyu ng Programme for International Student Assessment (PISA) sa taóng ito na isinagawa ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD). Pagbása ang naging fokus ng PISA 2018 kung saan nakakuha ang Pilipinas ng ika-79 na puwesto nang may average na 340, kompara sa OECD average na 486. Kumalat sa social media ang masamâng balita na ito, at simula pa lang nang makita ko ang mga hedlayn, alam ko na kung saan ibubunton ng mga tao ang sisi.


Hindî din nagtagal, naglabas ng pahayag ng pagkadesmaya si DepEd Secretary Leonor Briones. At hindi ako nagkamali sa aking haka, muling nahukay ang isyu hinggil sa wika ng edukasyon. “It's an ongoing debate: others want to continue the mother tongue policy while there are also those who say we should start with English since it is the language of the rest of the world. We are looking into this.” Tíla ba naghahanap ang kalihim ng correlation sa pagbagsak ng reading comprehesion ng mga Filipino at ng umiiral na Bilingual Policy kasáma ang programang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE). Hindî pa siguro sapat para sa ating mga pro-English na edukador ang mapaniil na DepEd Order 21 s. of 2019 at anti-makabayang CHED Memorandum Order 20 s. of 2013.


Bunsod nitó, ipinanukala ng gobernador ng Cebu na ituro sa English ang lahat ng batayang sabjek sa mga pampublikong paaralan ng probinsiya. Ang rasyunal? Nakakahiya daw ang mababang ranking sa PISA at puwede naman daw matutuhan sa bahay ang Sebwano. Ambot sa imo, Governor! Tíla nag-flashback sa akin na minsan ding naglabas ng walang katuturang idea ang dáting Pang(g)ulong Gloria Arroyo. Sa kaniyang House Bill 5091, binalak din niyang gawing English ang midyum ng pagtuturò sa lahat ng antas sa sistemang pang-edukasyon. Napaka-ironic para sa isang polyglot, naisip ko.


Pero ang totoo diyan, mga lakan at lakambini, Secretary Briones, Governor, at iba pa—matagal nang tapós ang debate. Hindi lang táyo nakikinig sa ating mga linggwist at mga eksperto sa wika. Kung siyensiya ang hurado, dati pa nanalo ang panig ng katutubong wika. Ang masaklap, binubuo ang ating figuratibong inampalan ng mga táong nagdedesisyon base sa pansariling pagkiling at prejudis laban sa mga katutubòng wika. Gusto ko sanang tanungin ang DepEd kung merong anumang saliksik na nagsasabing bentaha at mas nakakatulong sa pag-aaral ang paggamit ng banyagang wika sa pagtuturò. Siyento porsiyento akong sigurado na kung susubukan nilang mag-Google man lang ay kabaligtaran ang madidiskubre nila.


Itinataguyod ng UNESCO mismo ang mother tongue instruction sapagkat napatunayan na sa pamamagitan ng saliksik na ang wikang kinagisnan ng bata ang pinakaepektibong wikang panturo para makamit ang literasi sa primaryang antas. Mas nagtatagumpay sa akademikong aspekto ang mga batang nagkaroon ng pormal na instruksiyon sa kanilang sariling wika sa unang anim na taon ng pag-aaral o higit pa¹. Simula 1953, hinihikayat na ng UNESCO ang pagtuturò gámit ang katutubong wika ng bata sa primaryang antas². Gayundin, inadap ng UNESCO noong 1999 ang resolusyon hinggil sa edukasyong multilingguwal kung saan inirerekomenda sa mga bansa na isúlong ang sistemang pang-edukasyon na gumagamit ng tatlong wika: ang unang wika (mother tongue), wikang pambansa, at isang banyagang wika³.


Sa kabila ng gabundok na ebidensiya at suporta ng mga mapapagkatiwalaang institusyon, laganap pa rin ang pagtutol sa MTB-MLE, mula sa mga magulang na hindi naimulat sa mga bentaha nitó hanggang sa mga akademisyang ipinagpapatúloy ang pagpaprayoriti sa paborito nilang wika ng mga Amerikano. Kung hindi maproseso ng utak nila na puwedeng sabay na ituro ang English, Filipino, at Mother Tongue, aba’y marahil wala siláng pinagkaibá sa mga DDS na hindi makaintindi na puwedeng sabay na punahin ang palpak na SEA Games at sakâ suportahan ang mga atletang Filipino.


Sa kabilâng bandá, kung titingnan ang mga bansang nakakuha ng matataas na rank sa PISA 2018, mapagtatanto na sila-sila rin ang mga bansang hindi naman English ang pangunahing midyum ng pagtuturò. Estonia, Japan, France, Germany, etsetera. Ano ngayon ang pinaghuhugutan ng Team English? Kung pasók man sa usapin ng wika ang pagbagsak ng mga Filipino sa naturang asesment, mas posible pang dulot ito ng HINDI natin paggamit ng mga katutubòng wika sa sistemang pang-edukasyon at sa mismong test na ipinamahagi. Gayundin, resulta ang mababang reading comprehension ng iba’t ibang salik mula sa kakulangan ng mga klasrum hanggang sa ibang palpak na metod ng pagtuturò.


Sa kasamaang pálad, imbes na solusyonan ito ng DepEd, lumabas pa ang balitang magtetreyn ang kagawaran ng mga titser para magturò ng Mandarin. Walang masamâ sa pagkatuto ng banyagang wika, pero kaysa itampok ang ating mga wika, mas pipiliin ng DepEd ang maging globally-competitive kuno sa mga imperyalista at kanilang mga wika. Nakakahiyâng sa International Year of Indigenous Languages pa inilabas ng pamahalaan ang kanilang tunay na dila.

Sanggunian

¹ Bühmann, Dörthe, at Barbara Trudell. 2007. Mother Tongue Matters: Local Language as a Key to Effective

Learning. Paris: UNESCO.

² UNESCO. 1953. "The use of the vernacular languages in education." Monographs on Foundations of

Education, No. 8. Paris: UNESCO.

³ UNESCO. 1999. "Implementation of a Language Policy for the World Based on Multilingualism."

Records of the General Conference, 30th session. Paris: UNESCO. 132.


留言


bottom of page