Sa kasaysayan, may ilang naratibo ng mga monarko o anumang pinunò na kumontrol sa anyo ng isang wika ayon sa sarili nilang pasiya. Sa mga wika ng Pilipinas naman, may isang mito-historikal na kuwento sa Panay hinggil sa wikang Akeanon. Sinasabing ang pagkakaroon ng maikling dila ni Datu Bangka-aya ang dahilan kung bakit nalikha ang diptonggong /ea/ sa Akeanon na naiiba sa [la] ng Hiligaynon at [ra] ng Kiniray-a¹.
Sa kasamaang palad, hindi pagkakaroon ng kapansanan ang kaso ng ating Pang(g)ulo, kundi ang pagkakaroon ng maling tabas ng dila—at maitim na dugo. Sa bawat kadugyutan mula sa kaniyang bibig ay kasabay ang kaliwa’t kanang pagtapak sa karapatang-pantao at pagkiling sa naghaharing-uri. Bukod pa sa unti-unting pagsikil sa demokrasya, kasabay nito ang pagbabago ng wika at baluktot sa ating bokabularyo.
WALANG PINAG-IBA
Kasalukuyang nagbabalatkayo sa ngalang “Whole-of-Nation approach” ang napakalinaw na kontemporanyong “Martial Law.” Ilang progresibo na ang pinaratangang terorista, ilang aktibista na ang inaresto, at libo-libo na ang namatay sa ngalan ng huwad na “War on Drugs” na isa lang giyera laban sa mahihirap. Mula naman sa hiniram nating “salvage” noong panahon ng Martial Law, umusbong ngayon ang karumal-dumal na inisyals—ang “EJK” para sa mga nabiktima ng kanilang “tokhang.”
Ang Oplan TokHang ang serye ng mga operasyon na kumitil ng di-mabilang na mga napagsospetsahang drug pusher at mga inosente na walang awang binaril sa ngalan ng quota². Pinapatay ang mahihirap sa mga lansangan na parang mga hayop. Alam naman natin ang nangyari kay Kian delos Santos³. Mabuti nga at hindi nagtagumpay ang pulisya sa pagpaslang sa mga gaya nina Efren Morillo⁴, Roger Herrero⁵, at Francisco Maneja Jr.⁶ kung kayâ’t alam na natin ang tunay na kuwento. Ang totoo, “berdugo” ang mga ahente ng estado, at hindi “isolated case” ang mga ito gaya ng natitipuhan nilang eleganteng palusot.
Sinuri na rin ng Free Legal Assistance Group (FLAG) à la forensic linguistics ang mga report ng PNP sa kanilang mga police operation⁷. Lumabas na tíla may sinusundang template ang pulisya sa kanilang mga naratibo at paulit-ulit na sinasabi ng mga drug suspect ang eksaktong pangungusap na "Putangina, pulis ka palá, papatayin kitá!"
Hindi rin táyo ligtas mula sa mga inutil at korap na opisyal sa gobyernong ito na hindi nagdedesisyon batay sa moralidad at konsensiya, kundi nakadepende sa utos ng ehekutibo—na dapat sanang isang hiwalay na sangay. Sa isang interbiyu, tinawag pa ng Pambansang Alalay na “amo” ang dapat sanang tagaaproba o taga-veto lang ng mga batas. Matatawag ba talagang “the best and the brightest” ang mga ito? Sa kabilâng bandá, semantiks naman at iba pang pagpapaikot sa wika ang piniling alas ng tutang Spokesperson. Sebwano daw ang unang wika ng Pang(g)ulo kayâ hindi siya mahusay sa Tagalog kahit na napakalinaw ng pag-amin niya sa pagpapaambush⁸. At sa lahat ng iba pang kaso, nagbibiro lang daw ito. Huwag daw tingnan nang literál ang mga pahayag niya, kahit wala itong bakas ng figuratibong pananalita.
Dahil na rin sa propaganda ng pasistang gobyerno, ang profanidad at iba pang masasamâng salita na dáting nakareserba sa mga perhuwisyo ay walang habas nang binabato sa mga kritiko ng rehimen—sa mga lumalaban para sa mga batayang karapatan nating lahat. Naging “terorista” na ang mga butihing estudyante na aktibista. Ngayon, pagiging “NPA” daw ang pakikibáka para sa katarungan at maayos na lipunan. Kung tatanawin natin ang kasaysayan, malinaw na hindi mga “terorista” ang mga pinaslang noong panahon ng Martial Law, kundi mga makabayang lumaban bitbit ang kanilang mga panawagan.
Sa ngayon, pumasá na sa ikatlong pagbása ang panukalang batas para sa pag-aamend ng Human Security Act of 2007 patungong Anti-Terrorism Act of 2020. Tuluyan pa nitóng pinalabo ang depinisyon ng pagiging “terorista” at ang simpleng sospetsa ay maaari nang magdetene sa isang táo nang 14 araw, nang walang judicial warrant of arrest, na puwede pang maekstend nang hanggang 10 araw. Papayagan na rin ang mga ahente ng estado na ipasailalim sa surveillance ang sinumang suspek na parte ng organisasyong itinuturing na terorista at legal nang i-wiretap ang lahat ng anyo ng kaniyang pribadong komunikasyon mula sa mga text message hanggang sa social media⁹.
PAGPASLANG SA WIKA
Higit pa sa sosyolingguwistikong aspekto, marami ring sistematikong kasalanan ang gobyerno sa wika. Sa ilalim ng rehimeng Duterte, lumabas ang CHED Memorandum Order 20 s. of 2013 na nagtanggal sa Filipino at Panitikan mula sa required na core courses sa kolehiyo. Bukod pa rito, tumitindi ang pagsisikap ng administrasyon na patigilin ang programang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) na kaisa-isang malinaw na bentaha ng K-12. Nilabas ng DepEd ang DepEd Order No. 21 s. of 2019 na tuluyang nilimitahan sa grade 3 ang paggamit ng mother tongue bílang wikang panturo at pinanatili ang paggamit sa napakalimitadong 19 katutubong wika—kahit 175 ang wika ng Pilipinas! Hindi nakontento ang mga nása gobyerno at nilabas pa ng isang kongresista ang House Bill No. 6125 na naglaláyon namang suspendihin ang implementasyon ng MTB-MLE. Dinala na sa Kongreso ang panukalang batas at dumaan na sa unang hearing nito.
Sa naturang sesyon, lumabas ang kanilang totoong kulay at naging malinaw na dalawang indibidwal lang ang tumitindig kontra sa mother tongue education, ang mismong nagpanukala at si Sec. Leonor Briones ng DepEd, hindi ang mismong kagawaran. Sa nagdaang isyu ng PISA 2018, kung saan nagkamit ang Pilipinas ng mababàng ranking sa reading comprehension, naglabas din ng pahayag ang sekretarya na muli nilang susuriin ang palising pangwika kahit noon pa man, napatunayan nang ang paggamit ng unang wika ang mas epektibong wikang panturo at ang sobrang pagkiling mismo sa English ang dahilan ng pagkalugmok ng sistemang pang-edukasyon.
Kung kayâ, napakalaking irony at pagkaipokrito na niraratsada nila ngayon ang pagsasabatas ng sapilitang “ROTC” sa ilalim ng pangalang “CTSC” para magkaroon kuno ng nasyonalismo ang kabataan kahit pílit nilang tinatalikuran ang lehitimong siyentipiko at makabayang edukasyon.
MASTER NG DESEPSIYON
Marami pa rin ang naloloko ng rehimen sa husay nito sa paglalaro ng mga salita. Binenta ng Pang(g)ulo ang sarili bílang mesiyas ng mga nása laylayan, ngunit nang tumagal, lumabas na wala palá siyang pinagkaiba sa napatalsik na pasista. Tinapon táyo sa kangkungan ng rehimen sa ilalim ng madugông de facto Martial Law nito. Pero tatandaan ninyo, walang diktadurang hindi bumagsak sa kalaunan. May araw din kayo.
Sanggunian
¹ Barrios, John E. 2011. "Pagtatanghal ng Akeanon: Mga Piling Salita mula sa Wika ni Datu Bangka-
aya." Sa Ambagan 2011: Mga Salita mula sa Iba't Ibang Wika sa Filipinas, ni Michael M. Coroza at Galileo S. Zafra, 97-113. Quezon: University of the Philippines Press.
² Mogato, Manuel, and Clare Baldwin. 2017. Special Report: Police describe kill rewards, staged crime
scenes in Duterte's drug war. Abril 18. Inakses Marso1, 2020.
describe-kill-rewards-staged-crime-scenes-in-dutertes-drug-war-idUSKBN17K1F4.
³ Buan, Lian. 2018. Court verdict: Cops lied, Kian delos Santos helplessly killed. Nobyembre 29. Inakses
delos-santos-helplessly-killed.
⁴ Billones, Trishia. 2017. Cops shot at Tokhang victims execution-style. Pebrero 15. Inakses Pebrero 28,
2020. https://news.abs-cbn.com/focus/02/15/17/cops-shot-at-tokhang-victims-execution-style.
⁵ Buan, Lian. 2018. Quezon cops face charges over attempted EJK of pedicab driver. Disyembre 1. Inakses
Pebrero 29, 2020. https://www.rappler.com/nation/217950-frustrated-murder-complaint-
agdangan-quezon-police-extrajudicial-killing-roger-herrero.
⁶ Cayabyab, Marc Jayson. 2018. ‘Nanlaban’ survivor wins drug case. Setyembre 2. Inakses Pebrero 29, 2020. https://www.philstar.com/nation/2018/09/02/1847847/nanlaban-survivor-wins-drug-case.
⁷ Buan, Lian. 2019. 'Putang ina, pulis ka' is recurring phrase of suspects in TokHang reports. Oktubre 23.
Inakses Pebrero 29, 2020. https://www.rappler.com/nation/243243-recurring-phrase-tokhang-
reports.
⁸ Valiente, Catherine S. 2019. Palace denies Duterte ordered Loot ambush, blames language ‘mix-up’.
Setyembre 18. Inakses Pebrero 29, 2020.
https://www.manilatimes.net/2019/09/18/news/headlines/palace
-denies-duterte-ordered-loot-ambush-blames-language-mix-up/618203/.
⁹ Olea, Ronalyn V. 2020. Why the anti-terror bill is sanctioned state terrorism. Marso 2. Inakses Marsp
terrorism/.
Comments