Itinatampok ng tema ng Buwan ng Wika 2019 ang kahalagahan ng pagpapayaman sa mga katutubong wika sa Pilipinas nang sabay sa pagdedevelop sa iisang ingklusibong wikang pambansa. Esensiyal ang pagtataguyod sa mga wika ng Pilipinas sa pagpepreserba ng intangible cultural heritage.
Simulan natin ang pagkilála sa makulay na linguistic diversity ng Pilipinas sa tamang pagtukoy sa mga sinasalita dito: mga WIKA at hindi DAYALEK. Sa UP Diksiyonaryong Filipino (2010), may depinisyon ang “wika” na “lawas ng mga salita at sistema ng paggamit sa mga ito na laganap sa isang sambayanan na may iisang tradisyong pangkultura at pook na tinatahanan.”¹ Mga WIKA ang 175 na sinasalita sa Pilipinas, gaya ng Filipino, Sebwano, Kapampangan, Ilokano, Mëranaw, Chavacano, atbp.
Sa kabilâng bandá, ayon kay Dayag (2017), ang dayalek (Eng. dialect) o diyalekto (Esp. dialecto) ay isang varayti ng wika na ginagámit ng partikular na pangkat ng mga táo mula sa isang partikular na lugar tulad ng lalawigan, rehiyon, o bayan². Gumagámit ang mga táo ng isang wikang katulad ng sa ibá pang lugar pero naiibá ang punto o tono, may magkaibáng katawagan para sa iisang kahulugan, ibá ang gámit na salita para sa isang bagay, o magkakaibá ang pagbuo ng mga pangungusap. Halimbawa, puwedeng maláman ang dayalek ng Ilokano ng isang ispiker base sa kaniyang afirmatib na salita. Makikilála na taga-Vigan o Ilocos Sur kung bibigkasin niya ang salitâng “wen,” taga-Ilocos Norte, Abra, at Tarlac naman kung “wën,” at taga-Nueva Ecija kung “win.” Nagkakaiba ang mga dayalek sa pagkakaroon ng patinig na schwa (ë)³.
Hinihikayat ko ang mga magulang na turuan ang mga anak niláng magsalita ng wikang katutubò bílang L1 (unang wika) at sakâ gradwal na iturò ang Filipino bílang L2. Sa saliksik ni Abu-Rabia (2011), sinasabing nakakatulong ang fluency at kakayahan sa isang wika sa language acquisition ng isa pang wika, at ang pagkakaroon ng kakayahan sa dalawang wikang ito ay makakapagpabilis ng learning process ng ikatlong wika — na sa kaso ng mga Filipino ay English. Niri-reinforce ng mga wika ang bawat isa at nagbibigay-daan para palakasin ang kakayahang ponolohikal, morpolohikal, at pangsintaks⁴. Kung gayon, magiging bentaha sa pag-aaral ng English sa klasrum bílang L3 ang kahusayan sa katutubong wika at sa Filipino.
Sanggunian
¹ Almario, Virgilio. 2010. UP Diksiyonaryong Filipino. Quezon: UP Sentro ng Wikang Filipino-
Diliman.
² Dayag, Alma M. 2017. Pinagyamang Pluma: Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang
Pilipino. Quezon: Phoenix Publishing House, Inc.
³ Paz, Consuelo J., Viveca V. Hernandez, at Irma U. Peneyra. 2010. Ang Pag-aaral ng Wika. Quezon:
The University of the Philippines Press.
⁴ Abu-Rabia, Salim. 2011. Bilinguals find it easier to learn a third language. Pebrero 1. Inakses Agosto
1, 2019. https://www.sciencedaily.com/releases/2011/02/110201110915.htm.
Comments