top of page

Mga Wika na Walang Hanggahan


“Kay dapat bongat-bongaton tan ambo dapat ikaringoy, odtin sarilin halita.”

(Hindi dapat maliitan at hindi dapat ikahiya ang sariling wika)

— Sotero B. Elgincolin, 1988

Ang ika-21 ng Pebrero ay International Mother Language Day at ang tema para sa pagdiriwang ngayong taon ay “Languages without borders.” Layon nitong itampok ang cross-border languages bílang mga behikulo sa pagtataguyod ng pagkakaunawaan at payapang diyalogo, at gayundin katulong sa pagpepreserba ng indigenous cultural heritage.

ANG SITWASYONG PANGWIKA

Sa kasamaang palad, kasalukuyang nanganganib ang maraming wika sa buong mundo at tuluyang nawawala bunsod ng globalisasyon. Sa kabila ng pagkakaroon natin ng 7,111 wikang sinasalita sa buong mundo, nagbabadyang maglaho ang 40% nito bunsod ng pakaunti nang pakaunting bílang ng mga ispiker. Higit pa rito, tinatáyang may siyam na wikang namamatay kada taon sa buong mundo at inaasahang dodoble pa ang bilis na ito hábang papalapit ang pagtatapós ng ika-21 siglo¹.


Sa Pilipinas pa lang, 28 na ang nanganganib at 11 ang nása bingit ng paglaho sa ating 175 katutubòng wika sa buong arkipelago. Isa sa mga dahilan ang hindi na laging ipinapása ng mga magulang ang kinagisnang wika nila sa kanilang mga anak, na kalagayan ng maraming katutubong wika sa Pilipinas. Nása 20-33% ng mga wika ng Pilipinas ang hindi pasók sa pagiging vigorous², ang estado ng isang wika kung saan bagaman hindi na ito naipapása ng matatanda sa mga batà para maging unang wika nila, nagagámit pa ito ng lahat ng henerasyon sa paraang oral³.


Kadalasan, dulot ito ng malalim na impluwensiya ng kolonyal na pag-iisip sa maraming Filipino, kung kayâ higit na naging tagumpay para sa atin pag naturuan ang mga anak ng paboritong wika ng mga Amerikano. Bagama’t hindi English ang unang itinuro ng magulang sa mga ibang kaso, nakisabay naman sila sa agos at nag-shortcut sa wikang pambansa, deretso Filipino agad. Sa katunayan, kasáma ako sa mga batang Filipino na hindi naturuan ng unang wika ng kaniyang mga magulang. Bagama’t Tagalog Batangas ang sinasalita ng tatay ko, Sambal ang unang wika ng nanay ko na kasáma namin sa bahay, at siya ring wika ng marami pang tagaprobinsiya na napadpad sa aming lungsod.


YAY HALITA TAMO (ANG WIKA NAMIN)

Isang wika sa Zambales ang Sambal at sinasalita ng humigit-kumulang 70,000 ispiker. Gayumpaman, ang bílang na ito ay mula pa sa hulíng survey nila noong 2000. Ayon sa obserbasyon ng mga lingguwista, hindi na gaanong ginagamit ng mga bata ang Sambal. Tagalog na ang unang itinuturo ng matatanda. Gayumpaman, ginagamit pa rin ito ng matatanda sa lahat ng dominyo, mula sa lokal na komersiyo at paminsan-minsan sa mga gawaing panrelihiyon at pangangampanyang pampolitika. Hindi nga lang nila ginagamit ang wika sa pakikipag-usap sa mga tagaibang lugar, pero ikinakatuwa nila kapag nag-aaral ng Sambal ang isang hindi tagadoon⁴.


Lahat ng deskripsiyong nabanggit ay natutunghayan ko sa tuwing bumibisita kami sa probinsiya, kayâ duda ako na napanatili pa ang dami ng mga ispiker na nairekord dati. Sa kabila nito, hindi ko masisisi ang mga taga-Zambales, at alinmang etnolingguwistikong grupo, kung hindi na nila naipapása ang unang wika nila. Marahil, may iba pang panlabas na salik kung bakit pinili nilang huwag na ito ituro, kayâ naman hindi tamang husgahan agad na mayroon siláng kolonyal na pag-iisip. Posibleng hindi naituro ng kanilang edukasyon ang esensiya ng pagpapása sa katutubong wika.


Minsan sa paghahanap ko ng mga materyales sa pag-aaral ng Sambal, may natagpuan akong isang lumang diksiyonaryo sa internet, na ginagamit kong kasangkapan para mas madevelop pa ang passive fluency ko. Sa hinaharap, nais kong makita ang masikhay na paggamit ng Sambal at sisikapin kong maglunsad ng mga libro para hindi ito tuluyang maglaho.


SUPORTADO NG SIYENTIPIKONG BATAYAN

Lingid sa kaalaman ng karamihan, ultimo mga administrador, may mahalagang papel na ginagampanan ang unang wika (L1) sa pagdevelop ng kognitibong kakayahan ng bata. May siyentipikong batayan ang pagtataguyod ng paggamit sa L1 bílang midyum ng instruksiyon. Ang wikang kinagisnan ng bata ang sinasabing pinakaepektibong wika sa pagtuturò para makamit ang literasi sa primaryang antas. Gayundin, mas nagtatagumpay sa akademikong aspekto ang mga batang nagkaroon ng pormal na instruksiyon sa kanilang sariling wika sa unang anim na taon ng pag-aaral o higit pa⁵.


Higit pa sa mga naunang nabanggit, napag-alaman din na nakakatulong ang fluency at kakayahan sa isang wika para sa language acquisition ng isa pang wika. Kung kayâ, ang pagkakaroon ng kakayahan sa dalawang wika ay makakapagpabilis sa proseso ng pagkatuto ng ikatlong wika dahil niri-reinforce ng mga wika ang bawat isa at nagbibigay-daan para palakasin ang kakayahang fonolojik, morfolojik, at sintaktik⁶. Tumutugma ito sa kaso ng Pilipinas kung saan tinuturuan muna dapat ang bata ng katutubong wika, at sakâ ng Filipino, bago tumúngo sa pormal na pag-aaral ng English sa paaralan. Ang ganitong pagkakasunod-sunod ay hindi balakid sa pagkatuto, kundi bentaha pa sa pag-aaral ng English sa klasrum.


Kung magpapatúloy ang nakagawiang hindi pagpapása ng unang wika ng mga magulang at kawalan ng aksiyon ng pamahalaan—lalo na ng DepEd—para ipreserba ang mga wika ng Pilipinas, unti-unting mamamatay ang mga ito. Kasabay ng pagkamatay ng isang wika, nawawala rin ang mga hálagáhan (values) at kulturang niyakap ng isang komunidad. Sa mga siyentista, imbakan ng kaalaman sa mga halamang-gamot at gawaing ekolohiko ang maraming katutubòng wika, at nawawala rin ang mga ito kapag namatay ang isang wika.


PATULOY NA BANTA SA MTB-MLE

Ang mga nabanggit na siyentipikong punto ang katwiran para itaguyod ang paggámit ng katutubong wika sa sistemang pang-edukasyon ng Plipinas, sa ilalim ng programang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE). Simula noong ipatupad ito, walang humpay ang kritisismong natatanggap mula sa kulto ng mga Englisherong edukador. Nagdi-deteriorate na diumano ang proficiency ng mga Filipino sa pagsasalita ng English dahil sa mga palising gaya nitó. Patúloy nadadawit ang MTB-MLE sa mga kamakailan na isyung pang-edukasyon tulad ng mababàng ranking ng Pilipinas sa reading comprehension at ang isang report na nagsasabing 70,000 estudyante sa Bicol ang hindi marunong magbasá ng English at Filipino. Walang agham sa likod ng mga ganitong haka at pawang resulta lang ng prejudis kontra sa mga katutubòng wika.


Tíla insulto, nagbabalak pa ang ilang mambabatas na ipatigil ang implementasyon ng MTB-MLE, siguro bílang tugon sa mga isyu na inaakala nilang kasalanan ng ating palising multilingguwal tulad ng problema ng mga bata sa Bicol at ang di magandang ranking ng Pilipinas sa PISA 2018. Gaya noong kasagsagan ng napabalita na mababang reading comprehension, naglabas din ng pahayag ang DepEd Secretary na muli nilang susuriin ang palising pangwika na para bang wala nang ibang faktor o anggulo na puwedeng tingnan. Hindi na sila nakontento sa DepEd Order 21 s. of 2019. Naitanong na ba nila kung maayos ang ating mga klasrum? Sapat ba ang mga teksbuk at iba pang materyales? Kompetent ba ang mga titser?


Malinaw pa sa síkat ng araw na hindi resulta ng multilingguwal na palising pangwika ang mga problemang ito sa sistemang pang-edukasyon, kundi dahil mismo sa baluktot na pag-iimplement ng mga programang ito, tulad ng hindi pagsunod sa mga saliksik ng UNESCO at tahasang paglabag sa mga probisyong pangwika ng RA 10533.


BAKLASIN ANG MGA HANGGAHAN

Sa kabila ng pagkakaroon natin ng dibersidad sa wika, naiiwasan ang hindi pagkakaunawaan dahil sa pagkakaroon ng isang wikang panlahat, ang Filipino. Sa kasamaang palad, tulad ng anumang siyentipiko at makabayang panukala, karaniwang target ng kritisismo ang Filipino dahil sa gahum diumano na ipinipilit nito sa mga iba pang katutubòng wika sa bansa.


Ang totoo, hindi kasáma sa plano ng Filipino na ubusin ang mga wika ng Pilipinas. Minimithi lang nito na maging lingua franca, isang wika na mistulang tulay, para sa mga Filipino na mula sa magkakaibang pangkat-etniko at kinagisnang wika. Ano ba ang gagamiting wika ng isang Kapampangan at isang Sebwano kung kailangan nilang makipagkomyunikeyt sa isa’t isa? Wala akong duda sa sagot, at anupamang midyum na naglaláyong magbuklod ng mga grupo ng tao ay dapat lang itaguyod—sa kondisyon na pananatilihin pa ring buháy ang lahat ng iba pang wika.


Alinsunod ito sa tema ng IMLD 2020 na isulong ang mga wika nang walang hanggahan. Kailangan nating baklasin ang mga bakod, isulong ang mga wikang walang hadlang para sa pagtataguyod ng payapang diyalogo at pagkakaunawaan sa pagitan ng mga nasyon at pangkat-etniko. Gamítin ang wikang pambansa hábang patuloy na pinangangalagaan ang kinagisnang wika. Kapag napagtagumpayan na ito, linangin ang paggamit ng global lingua franca. Hindi kailangang tapakan ng isang wika ang pag-iral ng iba pa. Dapat balikan ang pinagmulan sapagkat naniniwala ako, na ang hindi marunong lumingon sa sariling wika ay hindi makararating sa paroroonan. Patúloy na ipinapaalála sa atin na hindi táyo uunlad hangga’t hindi muna natin dinedevelop ang sarili.


P.S. Gaganapin ang deliberasyon para sa pagsususpende ng MTB-MLE sa Pebrero 27 sa Kongreso. Nananawagan ako na tutulan ang anti-makabayan at anti-siyentipikong panukala na ito. Kung nagawa nating ipagtanggol ang Filipino at Panitikan, panahon naman para ipaglaban ang kalidad na edukasyon at patuloy na pag-iral ng iba pang mga wika. #ItuloyAngMTBMLE #RescindDO21 #IMLD2020

Sanggunian

¹ Elgincolin, Sotero B. 1988. English-Tina Sambal-Pilipino Dictionary. Maynila: Summer Institute of

Linguistics.

² Kenmogne, Michel. 2019. "Addressing Together the Threat of Losing the World's Language

Diversity." SIL International. Enero 28. Inakses Pebrero 19, 2019.

https://www.sil.org/sites/default/files/gcfarticlesdoclosingworldslanguagediversity3.26.pdf.

³ Simons, Gary F. 2019. "Two Centuries of Spreading Language Loss." SIL International. Enero 5.

Inakses Nobyembre 27, 2019.

handout.pdf.

⁴ Lewis, M. Paul, at Gary F. Simons. 2010. "Assessing endangerment: Expanding Fishman's GIDS."

Revue roumaine de linguistique 103-120.

⁵ Eberhard, David M., Gary F. Simons, at Charles D. Fennig. 2019. Ethnologue: Languages 2019of the

World. Twenty-second edition. Texas: Summer Institute of Linguistics (SIL).

⁶ Bühmann, Dörthe, at Barbara Trudell. 2007. Mother Tongue Matters: Local Language as a Key to Effective

Learning. Paris: UNESCO.

⁷ Abu-Rabia, Salim. 2011. Bilinguals find it easier to learn a third language. Pebrero 1. Inakses Pebrero 18,

2019. https://www.sciencedaily.com/releases/2011/02/110201110915.htm.


Comments


bottom of page