top of page
Larawan ng writerLeo Fordán

Pa-xerox!


Pinapakiusapan ng kompanyang Japanese na Fuji Xerox Co. Ltd ang publiko sa Pilipinas na tigilan ang paggamit ng salitâng “xerox” para tukuyin ang mga karaniwang photocopying machine at ang mismong proseso ng pagfo-photocopy. Ayon sa nasabing firm, ang “xerox” ay hindi isang pandiwa o pangngalang pambalana (common noun), kundi isang registered trademark, kung kayâ hindi dapat gamítin para ilarawan ang pagkopya o pangkalahatang copy services.


Ganito rin ang sinabi ng Adobe sa mga tuntunin hinggil sa kanilang trademark. Nakasaad sa website ng kompanya na bawal gamiting pandiwa ang “Photoshop,” hindi dapat gamítin sa anumang isláng gaya ng mga inimbentong photoshopping at photoshopper. Pero higit sa lahat, ang pinakaabsurd para sa akin ay ang pagsasabi nitó na maling gamítin ang abrebyasyong “Ps” (pí·es) na pinaikling pangalan ng trademark. Kilalá ang tawag na “Ps” ng maraming graphic designer tulad ko at makikita rin ang inisyals na ito sa mismong icon ng program.


Matagal nang ginagámit ng mga Filipino ang “xerox” bílang katumbas ng photocopy. Sa katunayan, nailahok na ang salitâng ito sa UP Diksiyonaryong Filipino, tanda na parte na talaga ito ng ating bokalubaryo. Kung susundin ang lubhang preskriptibistang pananaw na ito, maituturing din bang ‘mali’ ang napakahabàng listahan na kinabibilangan ng “pentelpen,” “band-aid,” “tupperware,” “styrofoam,” “katol,” “tansan,” “pampers,” etsetera? Alam ng sinumang ordinaryong Filipino kung anong mga bagay ang tinutukoy ng bawat isa sa mga ito. Gayundin, sang-ayon sa lohika ng ganitong pagbabawal, dapat din bang pagsabihan ang mga Amerikanong patuloy na gumagámit ng “jello,” “bubble wrap,” “onesie,” “chapstick,” “velcro,” at napakarami pang iba? Lingid sa kaalaman ng iba, o dili kayâ ng karamihan, ang mga nabanggit ay mga registered trademark din at pumasok na sa pang-araw-araw na komunikasyon.


Marahil, hindi maláy ang kompanyang ito sa katotohanan na hindi puwedeng kontrolin ang wika nang ganito dahil karaniwang penomenon ang pagiging generic name ng mga trademark. Sa tsapter na “Morfoloji” sa Ang Pag-aaral ng Wika (2010)¹, sinasabing likás na nangyayari ang pagkakaroon ng mga bágong salita mula sa mga brand ng kalakal. Madalas na gawain ito sa mga wika ng Pilipinas at ilang halimbawa ayon sa libro ang “kolgeyt” (toothpaste), “kodak” (kamera), at “prijider” (refrigerator).


Sa katunayan, magandang bagay pa para sa mga kompanyang ito kung maging generic na katawagan ang pangalan ng trademark nila. Ibig sabihin lang nitó na ganoon na kalawak ang nasasaklawan ng kanilang produkto kung kayâ naging pantawag na maging sa mga bagay na hindi nila pinrodyus.


Sanggunian

¹ Paz, Consuelo J., Viveca V. Hernandez, at Irma U. Peneyra. 2010. Ang Pag-aaral ng Wika. Quezon: The

University of the Philippines Press.


Comments


bottom of page