Aprobado na ang pagtatanggal ng Filipino at Panitikan sa mga required na sabjek sa kolehiyo alinsunod sa CHED Memorandum Order 20 s. of 2013 na ipinagtibay ng Korte Suprema. Unti-unti nang binubuwag ng mga unibersidad ang kanilang mga departamento sa Filipino. Malaking danyos ito sa pagpapayaman at pagdedevelop sa Filipino patúngo sa intelektuwalisasyon, at gayundin ang epekto nito sa mga iba pang katutubong wika ng Pilipinas. Bagama’t hindi talaga si Rizal ang nagsulat ng katagang “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay masahol pa sa hayop at malansang isda,” walang duda na totoo ang hatid nitong mensahe¹. Ang pamahalaan ng Pilipinas ay isang malaking palaisdaan ng mga ipokrito at walang pagpapahalaga sa sariling kultura, panitikan, at mga wika.
BAGSAK-PRESYO ANG SARILING WIKA
Sa mga soberanong bansa gaya ng Japan at Russia, likás ang paggamit ng sarili nitong mga wika sa sistemang pang-edukasyon. Pero sa atin, mas maraming sumasalungat kaysa pumapabor sa ganitong adhika². Sapat na daw ang pagtuturò nito mula elementarya hanggang hay-iskul. Sa karanasan ko, kulang ito dahil marami pang kailangang ayusin sa pagtuturò ng Filipino. Hindi pa gaanong nagfofokus ang mga titser sa pagtuturò nito sa mga mas mababang level ng pag-aaral. Kahit may mga sabjek nang Filipino sa hay-iskul, mahalaga pa din ito sa kolehiyo dahil interdisiplinaryo ito at lampas na sa basics kasi higit na malalim ang mga konseptong itinuturo.
Marami pang miskonsepsiyon sa pagtuturò sa mga sabjek na ito na laganap sa mga mas mababang level ng pag-aaral. Kukunot pa ang noo ng ibang titser pag hindi gumámit ng rin/raw/rito pagkatapos ng patinig at malapatinig kahit hindi siya tuntúnin ng kontemporaneong Filipino ayon sa Ortograpiyang Pambansa (2014). Mabibilugan din ng pulang bolpen ang salitâng “sabjek” na hiram sa English, dahil ang Español na “asignatura” diumano ang tama sa pag-aakalang katutubòng salita ito. Mapapairap din silá pag nakita ang mga salitâng Filipino na may mga titik F, J, V, o Z sapagkat hindi maláy sa katotohanang katutubòng tunog ang mga ito sa maraming wika ng Filipinas gaya ng Mëranaw, Ivatan, Ibanag, Tiboli, Blaan, Tausug, Tëduray, at mga wika ng Cordillera, kung kayâ nailahok na sa wikang pambansa³. Kung gayon, lohiko lang na ipagpatúloy ang pag-aaral sa wikang pambansa at panitikan lalo na sa panahon ng umiigting na globalisasyon.
Kulang ang pagsisikap at atensiyong itinutuon sa Filipino at mga wika ng Pilipinas. Dahil sa tingin natin, higit tayong uunlad sa pagiging pro-English samantalang hindi naman ito ang wikang panlahat. Napapanahon pa rin ang sinabi ni Dr. Onofre Corpuz noong 1997, “We want to go global, but we can’t develop unless we develop our national language.” ⁴
WALANG TAWAD ANG PAMAHALAAN
Nakakadesmaya pero hindi bago ang mga ganitong anti-makabayan na palising pangwika. Noong 2017, inihain ni dáting Panggulong Gloria Arroyo ang House Bill 5091 na naglaláyong itakda ang English bílang pangunahing midyum ng pagtuturò sa lahat ng level ng sistemang pang-edukasyon at isasantabi ang Filipino para maging wikang panturò lang sa Filipino at Araling Panlipunan⁵. Pagyurak ito sa mga adbokasing nagsusúlong sa Filipino at mga wikang rehiyonal sa sistemang pang-edukasyon. Malungkot na realidad din na hindi pa natutupad ang tadhana ng Konstitusyong 1987 na magsagawa ng mga hakbang ang pamahalaan para ibunsod at puspusang itaguyod ang paggámit ng Filipino bílang midyum ng opisyal na komunikasyon at bílang wika ng pagtuturò sa sistemang pang-edukasyon.
Pinapalala pa ang sitwasyong ito ng CMO 20, isang pauróng na hakbang na nagpapakítang kolonyal at Amerikanisadong edukasyon ang mayroon táyo hanggang ngayon. Ang kailangan natin ay edukasyong makabayan at ingklusibo pero ginagawa táyong pang-eksport ng pamahalaan para magsilbi sa mga dayuhan at maging mangmang sa sariling karunungan. May masamâng implikasyon din ang CMO 20 sa iba pang wika ng Pilipinas, dahil kung káya nilang ilapastangan ang wikang pambansa, paáno pa ang mga wikang rehiyonal?
Mas mahihirapang itaguyod ang pag-aaral sa mga wikang ito na tinatawag pa rin ng iba na “dialect” hanggang ngayon. Kung ineetsapuwera ang Filipino, paáno pa ang ibang katutubòng wika na mas nakakaramdam ng linguistic imperialism ng English? Darating ang araw na lalong mababalewala ang kalagayan ng mga wika natin dulot nitó at mawawala ang tingkad ng dáting makulay nating linguistic diversity.
Tíla muli táyong nagpapasakop sa mga kolonisador. Inialay ng gobyerno ang ating mga dila sa mga Amerikano. Tinuturuan táyo ng rehimen na maging gaya nila, ang tinatawag kong “pseudo-makabayan”. Isinusúlong nila ang ROTC na magkikintal diumano ng nasyonalismo kahit sila mismo ang nagbebenta ng sariling bansa sa mga Chino at pumapatay sa mga kapuwa Filipino sa ngalan ng huwad na giyera kontra droga na kasimpeke nila.
SARIWANG PAGSÚSULONG
Dapat gumawa ng mga hakbang ang mga tagapagtaguyod ng wika para isúlong ang Filipino at mga iba pang wika ng bansa sa sistemang pang-edukasyon. Bílang mga estudyante, igiit natin na gamítin ang wikang Filipino, at pati mga ibang katutubòng wika, sa klasrum at mga aktibidad o pagdiriwang, at gayundin sa akademikong pagsulat. Nása ating mga maka-Filipinong estudyante at titser ang responsabilidad na umuswág mula sa lipás na pagtuturò at pag-aaral ng wikang pambansa túngo sa mas makabayan, moderno, at ingklusibong pagdevelop sa ating wikang panlahat.
Tularan ang mga Japones, Russian, at Español – gamítin ang mga katutubòng wika sa lahat ng larang at aspekto ng lipunan. “Ang wika ang pag-iisip ng bayan” iyan ang totoong sinabi ni Rizal. May sarili táyong mga wika, hindi táyo pang-eksport, at mahal natin ang ating intangible cultural heritage. Marapat lang na magpadáyon sa pagtatanggol sa pag-iisip ng bayan at ipaglaban ang edukasyong pro-katutubòng wika.
Sanggunian
¹ Ocampo, Ambeth. 2011. Did young Rizal really write poem for children? Agosto 22.
https://newsinfo.inquirer.net/45479/did-young-rizal-really-write-poem-for-children.
² Constantino, Renato. 1966. "The miseducation of the Filipino." The Filipinos in the Philippines and Other
Essays 39-65.
³ Delima, Purificacion. 2017. Filipino: The National Language of Education. Manila: Komisyon sa Wikang
Filipino.
⁴ Almario, Virgilio S. 2017. Tradisyon at Wikang Filipino. Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino.
⁵ Luci, Charissa M. 2017. Arroyo bats for English language for teaching. Abril 17. Inakses Agosto 22,
2019. https://news.mb.com.ph/2017/04/17/arroyo-bats-for-english-language-for-teaching/.
Comments