top of page
Larawan ng writerLeo Fordán

Pseudo-makabayan


Buwan ng Wika na naman, at kasabay ng mga tunay na nasyonalista at tagapagtanggol ng wikang pambansa at mga katutubong wika ng Pilipinas, kumikilos din ang mga tinatawag kong “pseudo-makabayan.” Kamakailan, dumadami ang mga hakbang na ibalik ang paggamit ng Baybáyin, mula sa House Bill 1022 na nilaláyong imandato ang paggamit ng Baybáyin sa mga signage, label ng mga produkto, at pagkakaroon ng transliterasyon ng pangalan ng mga establisimyento at publisher ng mga magasin at diyaryo, hanggang sa pag-aproba sa isang ordenansa sa Boracay noong Abril na nag-aatas na gamítin ang Baybáyin sa pangunahing teksto ng mga signage sa lugar.


Noong minsan, nakabása pa ako ng isang tweet ng kahibangan na nagsasabing dapat gawing requirement sa grade 1 ang pagkatuto magsulat at magbasá ng Baybáyin. Sa kasamaang pálad, ang mga post sa social media tungkol sa pagbabalik ng Baybáyin (ang malala, may nagsasabi ring dapat daw gawing sabjek!) ay umaani ng libo-libong likes at shares. Marahil, unti-unti nang nabe-brainwash ng ilang mga titser ang ating kabataan para makisali sa baluktot na kampanyang ito.


Para higit na maintindihan ang isyu, kailangan nating sipatin ang kasaysayan. Ang Baybáyin ay sinaunang sistema ng pagsulat ng mga Tagalog bago dumatíng ang mga Español at itinuro ang Latin-iskrip. Makikita ang mga halimbawa ng Baybáyin sa Doctrina Christiana (1593), ang pinakaunang libro na nalathala sa Pilipinas na isinulat ng mga misyonerong Español.


Ang Baybáyin ay isang syllabary. Ibig sabihin, isang pantig ang katumbas ng bawat isang simbolo, at mayroon lang 17 nitó. Higit pa rito, iisa lang ang titik E at I sa Baybáyin at ganoon din ang kaso ng titik O at U, samantalang mga distintong fonim ang bawat pares na ito at matatagpuan sa ilang minimal pers. Wala din itong mga simbolo para magrepresent sa mga fonim na /f/ , /d͡ʒ/ , /v/ , at /z/ na mga katutubòng tunog sapagkat matatagpuan sa maraming wika ng Pilipinas gaya ng Mëranaw, Ivatan, Ibanag, Tiboli, Blaan, Tausug, Tëduray, at mga wika ng Cordillera¹.


Paano din naman ipapakita ang impit (o glotal istap) na bagama’t nirerepresent lang ng tuldik sa regular nating ortograpiya ay isang tunog na konsonant? Mabibigla ang mga ispiker kung bigla itong gagawan ng katumbas ng simbolo. Ano naman ang magiging solusyon sa pagpapatagal ng konsonant (consonant length) na nirerepresent ng dobleng titik sa mga wika sa hilaga? Hindi ba napakahabang tingnan kung dinobleng simbolo?


Kailangan na ring iispel nang ponetiko ang mga salitâng siyentipiko at téknikál na hiniram nang buo at may mga titik C, Ñ, Q, X. Malaking pagbabago ito sa ating nakasanayan at matagal nang tradisyon sa ortograpiya. May sapat bang rasyunal ang Team Baybáyin para biglang burahin ang mahabang kasaysayang ito? Ano ang magiging implikasyon nito sa pambansang literasi? o dilì kayâ sa pagkatuto natin ng English at iba pang wikang gumagamit ng Latin-iskrip?


Malinaw pa sa síkat na araw na hindi angkop ang iskrip na ito sa kontemporanyong panahon kung saan ginagamit na ng mga Filipino ang bagong alpabetong Filipino na may 28 titik na may mga titik C, F, J, Ñ, Q, V, X, at Z.


Sa kabilâng bandá, wala namang problema sa paggamit ng Baybáyin sa mga dahilang estetiko, para sa mga logo at ibá pang mga disenyo. Napakaraming gumagawa nitó at isa itong paraan para panatilihing buháy at nagagamit ang Baybáyin sa angkop na sitwasyon. Hindi masamâ ang mismong akto ng paggamit nito dahil dapat pa ring buhayin ang mga katutubong iskrip dahil bahagi ang mga ito ng intangible cultural heritage. Sa katunayan, idinidiskas ang Baybáyin sa kurikulum ng senior high school sa ilalim ng sabjek na Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino.


Pero, bagama’t sa tingin ko dapat ding matutuhan ang basics ng Baybáyin para hindi ito makalimutan, hindi pa rin ito dapat ibalik sa pang-araw-araw na paggamit sa mga kung ano-anong panukala, gaya ng pagiging pambansang iskrip (national script). Magdudulot lang ito ng kalituhan sa mga bata at dadagdag sa gastos ng bansa para lang mag-adjas, sa iba’t ibang aspekto, túngo sa bagong sistema ng pagsulat. Kailangang tanungin: ano ba ang problema sa Latin-iskrip? Nakakabawas ba sa pagka-Filipino natin na gamítin ito? Tulad din naman táyo ng mga kapuwa bansang Asiano natin na Malaysia, Indonesia, at Vietnam na hindi gumagamit ng sariling sistema ng pagsulat, at wala akong nakikítang problema doon. Posible ring isa sa mga dahilan kung bakit táyo mahusay sa pagsasalita ng English kompara sa mga ibang Asiano ay ang mismong paggamit natin ng Latin-iskrip.


Ang Baybáyin ay impraktikal, obsoleto, at hindi ingklusibo. Hindi ito nababagay sa kontemporanyong panahon. Walang pinagkaiba ang ganitong pag-iisip sa ikinikilos ng rehimeng Duterte sa pagtatanggal ng Filipino at Panitikan bílang mga required na sabjek sa kolehiyo hábang isinusúlong ang ROTC. Makabayan kuno ito, kahit na ang namamayaning prinsipyo dito ay ang pagsunod nang walang alinlangan, ang pagiging bulag na tagasunod. Isinusúlong ng administrasyon ang programang ito dahil magkikintal daw ito ng nasyonalismo, kahit ang totoo, ang pamahalaan mismo ang nagbebenta ng Pilipinas sa mga Chino. Tunay na mas makabayan na panatilihin ang mga sabjek na Filipino sa kolehiyo at gamíting midyum ng pagtuturò ang wikang pambansa at mga katutubong wika ng Pilipinas para magkaroon kaysa maging malasundalong bulag na tagasunod ng pasistang gobyerno. Mas mabuting gamítin natin ang ganitong enerhiya sa pagtataguyod ng pag-aaral sa Filipino at mga katutubong wika ng Pilipinas kaysa magsayáng ng panahon sa mga walang katuturang hakbang na pílit isinusulong ang paggamit ng sinaunang sistema ng pagsulat ng mga Tagalog.

Sanggunian

¹ Delima, Purificacion. 2016. Gramatikang Filipino. Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino.

Comments


bottom of page