top of page
Larawan ng writerLeo Fordán

Pagpapangalan sa Sariling Species


Ang Mayo 22 ay ipinroklama ng United Nations bílang International Day for Biological Diversity (IDB) sa layuning paigtingin ang pagkakaunawa at kamalayan sa mga isyung ikinahaharap ng mundo hinggil sa biodiversity. Tulad ng mga tropikal na bansa, ang arkipelago ng Pilipinas ay mayaman din sa biodiversity at nagsisilbing tahanan sa iba’t ibang klase ng flora at fauna, ’ika nga sa biolohiya. Gayumpaman, kasabay ng maganda sanang katangian na ito, itinuturing din ang bansa bílang isang biodiversity hotspot. Ibig sabihin, naglalaman ang mga eryang ito ng signifikant na dami ng mga endemikong species (mga hayop at halaman na hindi matatagpuan sa iba pang parte ng mundo) at may mataas na level ng biodiversity, ngunit may panganib na masira ang mga habitat.¹ Kabílang sa mga nanganganib na species sa bansa ang kilalá ng mga Filipino bílang Philippine eagle na siya ring Pambansang Ibon ayon sa batas.


GAMITÍN KUNG MAY SARILING TERMINO

Sa ganang wika at kultura, magandang itanong: atin ba talaga ang tinatawag na Philippine eagle? Isa lang ito sa napakaraming endemikong species sa bansa na nanganganib ring maglaho at nakaklasifay bílang critically-endangered, ngunit bakit English ang pangalan? Kung titingnan sa popular na midya at maging sa mga materyales sa paaralan, ang nasabing termino ang madalas na makikita at pamilyar sa ating kamalayan.


Kadalasan, hudyat na hindi likás na parte, o isa lang bagong ingklusyon, ng kultura o pangkat ang anumang objek kung isang salitâng hiram ang ginagamit at/o may kawalan ng katutubong katumbas para dito. Gaya lang ito ng kawalan natin ng taal na salita para sa snow dahil wala naman ang weder na ito sa ating danas. Maoobserbahan ang penomenong ito sa ilang terminong ginagamit natin para sa mga hayop tulad ng “tigre,” “elepante,” “leon,” “iskuwirel,” “kamelyo,” atbp. na hindi natural ang pagkapadpad sa Pilipinas. Maaaring nakaratíng lang ang mga ito dahil sa mga kuwentong hinggil sa mga banyagang karanasan o kayâ’y sa pag-usbong ng mga zoo, hindi gaya ng mga katutubong katawagan na “aso,” “pusa,” “báka,” “ibon,” “buwaya,” atbp. dahil umiiral na ang mga ito noon pa man sa ating arkipelago. Mayroon namang naiibang kaso gaya ng “elepante” na hiniram sa Español na elefante at pumalit sa sinaunang “gadyâ” bunsod ng pagka-extinct ng sinaunang species nito sa bansa.² Katulad din ito ng mga tigre at rhinoceros, ngunit hindi nairekord ang naging tawag sa dalawa, kung mayroon man.


Ang totoo, nakasanayan lang natin ang tawag na Philippine eagle ngunit may tiyak na terminong ginagamit ang mga katutubo para tukuyin ang agilang ito—ang “bánoy.”¹²³ Mayroong umiiral na sariling salita para dito, ngunit natabunan ng ating pagkiling sa English dahil sa Amerikanisadong edukasyon. Bukod pa rito, mabuti ring gamítin ang paminsang tinatangkilik na likhang salita na “háribón,” mula sa pinagsámang “harì” at “íbon,” marahil dulot ng malakoronang balahibo nito sa ulo.


Kung gagalugarin, may mga katumbas na salita sa mga wika ng Pilipinas kahit sa mga hayop na hindi endemiko sa atin ngunit naging parte na ng pamuhay sa ilang rehiyon. Dapat higit pang madagdagan ang listáhan ng dati nang kilaláng “butandíng,” “alamíd,” “pawíkan,” “tamaraw,” “pilandok,” at iba pa. Isang halimbawa dito ang kaso ng tarsier na mahahanap din sa mga iba pang isla ng Timong Silangang Asya, ngunit masasabing kapiraso na rin ng identidad ng Bohol, kayâ umusbong ang salitâng “malmág” sa rehiyong iyon. Higit pa rito, puwede pa táyong tumingin sa mga ibang wika ng Pilipinas at hiramin ang mga tulad ng “tumánggong” sa Tëduray para sa fox at ang “balángitáw” sa Sebwano para sa alligator.


HAKBANG SA MULING PAGPAPAKILALA

Ang pagkasanay natin sa Philippine eagle ay walang pinagkaiba sa patuloy na paggamit ng rice terraces, dahil ito rin naman talaga ang itinuro ng mga titser at mga libro sa paaralan, kasáma ng pagkahabà-habàng salin nito na hagdan-hagdang palayan. Kung tatanungin ang mga Ifugaw na gumagawa nitó, “payyó” ang tawag nila sa naturang pamana. Dapat ito ngayong ipasok sa ating kamalayan, lalo na ng mga bata, sa pagdevelop natin ng isang inklusibong wikang pambansa.


Tinatawanan natin ang mga tumatawag na banana lumpia sa “turon” at egg waffle para sa “tokneneng” ngunit hindi natin napapansin na ganito rin ang nangyayari sa mga endemikong hayop sa bansa at maging sa nabanggit na mahalagang kultural na gawi. Kung kakaiba sa pandinig ang dalawang halimbawa, hindi ba’t pangit din na tawagin sa pangalang English ang isa sa mga idineklarang pambansang sagisag at iba pang mga sarili nating hayop? Kailangang maglunsad ng kampanya para sa pagpapakilála ng mga katutubong katawagan para sa mga hayop ng Pilipinas at simulan ito sa pagriribays ng mga teksbuk, partikular sa mga sabjek ng Filipino at Araling Panlipunan sa elementarya.


Hindi ito isang usapin ng purismo. Kung nababása mo ang mga dati ko nang sanaysay, alam mong hindi ako subskrayber ng mga puristang pananaw at kontra ako sa paggigiit ng mga ‘lumang’ salita nang walang lohikong paliwanag. Kaso, ibang usapan ang pagbuhay ng mga katutubong termino para sa mga endemikong hayop sa bansa, kompara sa walang katwirang pagpupumilit ng “asignatura” kaysa ang moderno at higit na kilaláng “sabjek.” Patuloy pa ring ginagamit ang mga salitâng ito sa kani-kanilang rehiyon, ngunit hindi lang maláy maging ang karaniwang estudyante dahil sa naging kakulangan ng mga edukador at labis na pagkiling sa banyagang wika para sa paglalarawan ng sariling kultura.


Lahat ng ito ay dahil sa kabila ng kayamanan ng bansa sa aspektong ito, masasabing may kakulangan ang kamalayan ng mga Filipino sa mga makulay nating kagubatan. Kung kayâ, kasabay ng mga panawagan para sa mga kongkretong hakbang sa konserbasyon ng mga species na ito, makakabuting sabayan na rin ito ng akademikong hakbang o ang pagrerepaso sa pagpapangalan natin sa sariling mga hayop. Alam kong napakababaw ng proposal na ito. Hindi maililigtas ng paggamit ng “bánoy” ang Pithecophaga jefferyi mula sa posibleng extinction, ngunit maaaring dito magmula ang panimulang pakialam at interes ng mga mamamayan, hindi lang para sa Pambansang Ibon, kundi para sa lahat ng iba pang nanganganib na species. At gayundin, para higit pang maging bukás ang isip ng bawat Filipino sa pagkilala sa isang kultura.

Sanggunian

¹ Chepkemoi, Joyce. 2017. What Is A Biodiversity Hotspot? Abril 25. Inakses Mayo 15, 2020.

https://www.worldatlas.com/articles/what-is-a-biodiversity-hotspot.html.

² Yan, Gregg. 2015. Elephants, rhinos and tigers once lived in the Philippines. Marso 16. Inakses Mayo 15,

2020. https://www.rappler.com/science-nature/ideas/86880-gregg-yan-stopping-spiral-extinction.

³ Almario, Virgilio S., ed. 2015. bánoy. Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture

and the Arts. Kinuha sa https://philippineculturaleducation.com.ph/banoy/


bottom of page