top of page
Larawan ng writerLeo Fordán

Ano ang “Arbitraryo” sa Wika?


Laganap ang dunong-dunungan sa alinmang larang. Sa wika, madalas nating maengkuwentro ang mga tinatawag na grammar Nazi, o preskriptibista sa mas teknikal na termino. Paparatangan nilang “mali” o di-gramatikal ang bawat pangungusap na hindi tama ayon sa kanilang nakasanayan o base sa nakarekord sa mga libro, kahit na ginagamit ang konstruksiyong ito ng signifikant na dami ng mga ispiker. Mali daw kuno ang paggamit ng double negatives (“I ain’t got no illness”), sa kabila ng nakaparaming Amerikano na nagsasalita sa naturang anyo ng pangungusap. Itinuturing din nilang mortal na kasalanan ang hindi paggamit ng “were” sa subjunctive mood (“If I was you”) kahit halos obsolit na ang paggamit na ito, tulad ng nawawalang distinsiyon ng “whom” vs. “who.”


Sa Filipino naman, sa kabila ng pagpapablish ng KWF ng Ortograpiyang Pambansa at pagkilála sa humihinang paggámit ng palitang D→R, nananatiling panatiko sa lipás na tuntúning ito ang ilang nagmamagaling na gramaryan kuno o mga hamak na biktima ng mis-edukasyon. Paminsan, ipinipilit pa ng iba na gamítin ang <riyan> imbes na <diyan> kung kasunod ng salitâng nagtatapós sa vawel, kahit na ang totoo, sa karaniwang fonetik na realisasyon, hindi na binibigkas bílang [d] ang inisyal ng <diyan> kundi [dʒ] na, tulad ng inisyal ng <dyipni> at midyal ng <Badjaw>.

Ang tawag sa ganoong aprowts sa wika ay “preskriptibismo,” sapagkat nagpipriskayb ang isang tao ng mga tuntúnin para sa tingin nilang 'tamang' paggamit ng wika. Gayumpaman, tulad ng lahat ng bagay, may tamang lugar at panahon para sa preskriptibismo. Ginagamit ang aprowts na ito ng mga titser sa pagtuturò nila ng wika sa mga bata. Hindi ganap na matututo ang bata sa paraan ng pagsasalita ng isang katutubòng ispiker kung hindi niya matututuhan ang wastong gramar at paggamit ng wika.


ARBITRARYO DAW ANG WIKA

Bagama’t isa itong lehitimong paraan sa pagtuturò ng wika sa paaralan, baliko ang pananaw na ito pag nilapat sa pang-araw-araw na komunikasyon. Sa mga ganitong pagkakataon at pagkukuro lumalabas ang mga may interes sa wika at ipapagtanggol ang aktuwal na paggamit, sa tulong ng prinsipyong deskriptibismo. Gayumpaman, may ilang estudyanteng hindi gaanong nakaunawa sa naging turo sa kanila sa lingguwistiks at sasambitin ang pamilyar na linyang "language is arbitrary," sa paniwalang tumutukoy ito sa ganap na kalayaan ng ispiker sa wika at kawalan ng anumang mali.


Taliwas sa inaakala ng iba ang tunay na kahulugan ng pagkaarbitraryo (arbitrariness) ng wika, kayâ madalas siyang argumento laban sa mga preskriptibong pahayag. Ang totoo, tumutukoy ito sa relasyon ng mismong salita—o tunog na pinoprodyus para buoin ito—sa isang partikular na wika at ang aktuwal na bagay na tinutukoy. Nakakalimutan ng mga gumagámit ng argumentong “language is arbitrary” na ang salitâng “abitrary” ay may dalawang kahulugan sa English:

1. “willful” o pagpapasiya batay sa pansariling kagustuhan

2. “random” na nangangahulugang kawalan ng anumang patern


Sa linggwistiks, nása pangalawang numero ang pagiging “arbitrary” ng mga senyas sa wika. Hindi nito sinasabi na tama ang anumang konstruksiyon ng pangungusap dahil sa katwirang may kalayaang magpasiya ang mismong ispiker (na pinapahiwatig ng maling pagkakaunawa ng iba). Walang intrinsik na relasyon ang mga kumbensiyonal na tunog sa isang salita at ang mismong konsepto ng entidad na tinutukoy. Arbitraryo ito bunsod ng randomness sa ugnayan ng dalawa sa isa’t isa¹. Walang anumang basehan kung bakit “araw,” at ang mga espesipikong fonim na ito, ang naging tawag sa Tagalog para sa celestial body na nása gitna ng solar system natin. Maaari sanang tinawag ito bílang *ngidâ, *sudayó, o dili kayâ‘y *itubáwon—pero hindi ang mga ito ang sumulpot mula sa kanilang mga dila at napagkasunduan ng mga ispiker. Gayundin, wala anumang katwiran kung bakit “sun” naman ang nabuo nilang salita sa English, hábang “太阳” sa Mandarin at “sol” sa Español.


Sinasabing walang intrinsik na relasyon ang mga kumbensiyonal na tunog sa isang salita at ang idea ng araw dahil random ang pagpili sa sikwens ng mga tunog na bumuo sa mga salitâng ito. Tangìng ang napagkasunduang kumbensiyon ang nagtatakda ng mga salitâng ginagámit sa isang partikular na wika.


Kung kayâ, sa kabila ng pagkakaiba ng mga táo sa estilo ng pagsasalita, hindi isang indibidwal ang bahalang magtakda kung alin ang tama o mali sa isang wika, kundi ang aktuwal at kolektibong paggamit ng mga ispiker. Kahit gustuhin mo—at himalang maintindihan ka ng iyong kausap—nananatiling di-gramatikal ang pangalawang pangungusap dahil sa maling sintaks o sunuran ng mga salita:

1. ang lamig ng weder ngayon

2. *weder ng lamig ngayon ang

Gayundin, bagama’t hindi ginagámit sa pormal na pagsulat ang pantukoy na “ang” bílang partikel na nagiging katumbas ng unlaping ma-, isa itong gramatikal na pangungusap dahil ginagámit ang konstruksiyong ito ng maraming katutubòng ispiker.


Sa kabilâng bandá, hindi ko masisisi ang mga may maling pagkaintindi sa konseptong ito. Nalito rin akó at nagtaká nang marinig ko ang liriks ng kantang Arbitrary (2016) ng Filipinong bánda na Over October:

Everything I've got in me is temporary

But there's one thing that won't die

All these questions in my head are arbitrary

The words I can't find

Hindi rin akó maláy dati na may isa pang kahulugan ang nasabing salita. Malinaw na hindi ito tumutukoy sa mga tanong sa isip na willful—dahil wala naman itong sense—kundi sa mga kaisipang random o bigla na lang sumusulpot.


Sa kabilâng bandá, nagtataglay rin ang mga wika ng tinatawag na onomatopoeia, o mga salitâng tahasang kumokopya sa tunog ng isang hayop o bagay, at itinuturing itong isang eksepsiyon sa arbitraryong ugnayan ng salita at kahulugan dahil nagpapakita ang salitâng ito ng malinaw na representasyong iconic sa aktuwal na tinutukoy nito sa mundo². Halimbawa, ginagamit sa Filipino ang salitâng “arf” para sa tunog ng aso samantalang “woof” naman kung sa English, at “guau” kung sa Español, pare-parehong panggagaya sa nililikhang tahol ng hayop.

ANG TAMANG TUGON

Ngayong nalinaw na natin ang mga konsepto, masasabi na natin na ang mga preskripsiyong nabanggit sa unang talata ay hindi lumalabag sa pagkaarbitraryo (arbitrariness) ng relasyon sa mga salita, kundi sa katangiang mutabilidad (mutability), ang nagsasabi na nagbabago ang mga wika³. Patúloy na nag-iiba ang wika túngo sa anyong taliwas sa mga istatik na libro, labag sa mga dáting naitalâng lumang tuntúnin. Higit pa rito, hindi dapat pinupulis ang pang-araw-araw na komunikasyon. Anumang lumalabag sa turo ng mga gramaryan ay maituturing bؙílang gramatikal na utterance kung lehitimo itong ginagamit ng signifikant na dami ng mga katutubòng ispiker.


Pag naharap sa isang preskriptibista, ano ang dapat sabihin? Kung gustong maging madrama, subukan ang mahabà-habàng “Walang permanente sa mundo, pati ang wika ay nagbabago.” Ngunit, mas mabuti na siguro ang mas deretso-sa-puntong “Ang wika ay dinamiko,” o salin ng kilalá nang “language is dynamic.”

Sanggunian

¹ Burton, Strang, Rose-Marie Déchaine, at Eric Vatikiotis-Bateson. 2012. Linguistics For Dummies.

Mississauga: John Wiley & Sons Canada.

² Monaghan, Padraic, Richard C. Shillcock, Morten H. Christiansen, at Simon Kirby. 2014. "How

arbitrary is language?" Philosophical Transactions of the Royal Society B: Biological Sciences,

Setyembre 19.

³ O'Grady, William. 2001. "Language: A Preview." Sa Contemporary Linguistics: An Introduction, ni

William O'Grady, John Archibald, Mark Aronoff at Janie Rees-Miller, 1-13. Boston: Bedford/St.

Martin's.


Comments


bottom of page