top of page
Larawan ng writerLeo Fordán

Isang Dekolonisasyon ng “Deskolonisasyon”


Buwan ng Wika muli. At kahit nása ilalim ng pandemya, naniniwala akong may saysay pa ring idiskas ang mga ganitong isyu na tíla non-essential. Wala namang lockdown sa mga kaisipan. Bagama’t mistulang trivial sa una ang usaping ito, sa dulo ng sanaysay na ito iaargumento ko na konektado ito sa mas malaki nating kasalukuyang problema.


Ang pagdiriwang ngayong taon ay may temang “Filipino at mga Wikang Katutubo sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino.” Ninais ng KWF ngayon na maging ingklusibo sa mga iba pang wika ng Pilipinas hábang nakafokus sa pagpapalakas ng diwang makabayan. Ngunit, sinusulat ko ito ngayon bílang tugon sa umuusbong na kritisismo laban sa anyong dekolonisasyon mula sa mga titser at isang popular na language maven. Kung sisipatin ang Manwal sa Masinop na Pagsulat (2013), makikitang lumalabag nga ito sa konseptong siyokoy na pinauso ni Almario, dáting tagapangulo ng KWF. [May hiwalay na sanaysay ako tungkol dito na ili-link ko rito kung gusto ninyo ng introduksiyon ngunit medyo simpatetiko ang tono ko noon. Daynamik ang mga tao gaya ng wika, at tatlong taon na rin ang nakalipas].


Isasamarays ko na lang ito para sa ating mga layunin. Paliwanag niya, siyokoy ang isang salita kung hindi tiyak ang pinagmulan sa dalawang pinakakaraniwang hiramang wika ng kontemporanyong Filipino para sa mga teknikal na bagay: ang Espanyol at Ingles. Dahil doon, hindi daw valid ang mga ito. Sa naturang tuntúnin, siyokoy ang matagal nang laganap na aspeto dahil ang wasto ay aspekto (Esp. “aspecto”) o aspek (Ing. “aspect”). Kayâ batay rito, siyokoy ang dekolonisasyon dahil hindi tumpak na deskolonisasyon (Esp. “descolonización”) o dikoloniseysyon (Ing. “decolonization”). Parte ito ng kaniyang kampanya noon sa estandardisasyon ng wikang pambansa sa ilalim ng nakaraang KWF. Mula rito, gagamitin ko ang terminong ‘siyokoy’ para tumukoy parehas sa tuntúnin ng Manwal at para sa bawat indibidwal na salitâng ikinategorays doon.


Ang totoo, ginagamit kong patnubay ang mga tuntúnin ng Manwal sa akademikong pagsulat hanggang ngayon, kabílang ang sa kaso ng siyokoy, bílang pagtanaw na iyon ang umiiral na style guide gaya ng kalakaran sa ibang mga wika. Ngunit, hindi ko ito absolutong sinusundan nang may bulag na katapatan. Maproblema ang formulang ito sa maraming pagkakataon na hindi napansin o tahasang binalewala ng nasabing language maven. Sa UP Diksiyonaryong Filipino (2010), kung saan si Almario ang Punòng Editor, makikita halimbawa ang entring ?misohino (Esp. “misógino”) para sa ›tao na galít sa babae‹. Kinekleym ko ngayon na sinumang katutubong ispiker ay mawiwirdan sa tunog ng nasabing salita. Sa kabila nito, maoobserbahan kamakailan ang paggamit ng misoginista sa panawagan ng mga aktibista. Mabisa itong nagpapatunay na iyon ang katanggap-tanggap na salitâng Filipino bagama’t hindi tumpak na Espanyol o Ingles.


Ikakagulat din siguro ng mga nananalig sa distinsiyong siyokoy kapag sinabi ko na ang Asiano at seryoso ay kapuwa pasók sa inimbentong kategorya na ito. Kung base sa Espanyol, naging *Asyatiko (Esp. “Asiático”) at *seryo (Esp. “serio”) sana ang mga ito. Ngunit bakit walang anumang entri ng nauna sa UPDF at bakit ginagamit ni Almario et al. ang siyokoy na seryoso? Sabi ng isang kakilala, marahil maluwag siya sa mga lubhang laganap na ngunit gusto niyang pigilan ang higit pang pagkalat ng mga siyokoy na hindi pa umabot sa ganoong level. Empirikal bang sinukat ang frikwensi ng paglitaw nitong mga siyokoy sa pananalita? Hindi. Kayâ naman, hindi malinaw ang ganitong panukat diumano. Sa puntong ito, nais kong ipahayag na walang matibay na pundasyon ang tuntúning siyokoy. Ang nakakatawa pa, mismong estandardisasyon ay maituturing na siyokoy dahil hindi eksaktong Espanyol na “estandarización”. May varyant na “estandardización” sa RAE Diccionario de la lengua española ngunit bakit hindi naging *estandarisasyon ang wastong anyo kung gusto ng konsistensi? Bakit din hindi naging *komprensibo (Esp. “comprensivo”) ang istandard para sa ating komprehensibo? At bakit naman tinanggap ng UPDF na varyant ng responsabilidad (Esp. “responsabilidad”) ang siyokoy na responsibilidad ngunit walang bakas ng siyokoy na kontemporaryo? Kailan tinatanggap at kailan dinidiskard?


Balik táyo sa de(s)kolonisasyon. May kaibígan din akong Filipino titser na nagsisilbing devil’s advocate at kapalitan ko ng kuro tungkol sa ganitong isyu. Ang argumento niya, may ambiguity sa siyokoy na anyong dekolonisasyon dahil baká akalaing may sense ito na ›magpasailalim sa kolonisasyon‹ bunsod ng /de-/ na isa ring produktibong panlapi mulang Espanyol, hal. de-kahon, de-gulong, atbp. Para sa akin, natatalo ang palagay na ito dahil i) aktuwal na paggamit ng mga ispiker ang mamamayani, na pinaniniwalaan kong kumikiling sa naturang siyokoy, ii) walang kompitent na ispiker ang mag-aakalang iyon ang ibigsabihin sa anumang konstruksiyon, at iii) /dis-/ ang totoong panlapi sa Filipino, ang /des-/ ay resulta ng pagpapatern ng UPDF sa Almariong school of thought.


Ngayong nabasag na natin ang mga miskonsepsiyon, isa lang ang pinatutunguhan nito. Di-siyentipiko, at kung gayon, mali ang idea ng siyokoy sa estandardisasyon ng wika. Anong prinsipyo ba sa linggwistiks ang nagdidikta na dapat gawing pangunahing istandard ng validity ang banyagang salita? Bukod pa doon kung ang lunggati ng mga iskolar ay magdekolonays ng wika, napakakolonyal ng ganitong sistema sa pagkakataong may umiiral nang mga salitâng Filipino. Paano magkakaroon ng lehitimong dekolonisasyon kung Espanyol at Ingles ang modelo? Hindi mo kailangan ng “working knowledge” ng banyagang wika para magsilbing litmus test kung valid ang sariling bokabularyo. Kumbinyente lang na konsultahin ang mga ito para sa mga salitâng hinahanapan pa lang ng salin, ngunit hindi dapat iaplay sa mga matagal nang ginagamit.


Kailangan ng gestalt shift. Tingnan ang mga siyokoy bílang produkto ng pagiging malikhain ng mga ispiker, isang pagkakasangkapan sa mga elementong banyaga para palawakin ang leksikon. Hindi tamang mamilì lang ng isang set ng mga katanggap-tanggap na siyokoy at tawagin itong ‘neolohismo’ gaya ng ginawa sa Manwal. Sapagkat, ano ang pinagkaiba? Tawagin natin ang lahat ng mga ito nang diskriptib, bílang ‘haybrid’ tulad ni Fortunato (2003). Iyon ang maka-agham na pananaw—at dito táyo nagkukulang sa ating lipunan. May mga obhetibong katotohanan na dapat tanggapin alinsunod sa siyentipikong metod. Hindi labas ang wika sa usaping ito. Mayroong mga nakapaloob na patern sa pagfangsyon nitong ating freymwork pangkomunikasyon, mga mekanismo na hindi makokontrol ng anumang institusyon—sapagkat iyon ang natural! Sa pagpabor sa mga walang-batayang opinyon, nakikipanig táyo sa pagtalikod sa siyensiya. Hindi ba’t ito ang dahilan sa lumalalang krisis pangkalusugan sa Pilipinas? Kung may pagpapahalaga ang gobyerno sa pagpaprayoriti ng vaccination, mapapabilis sana ang pagkamit ng herd immunity. Gayumpaman, iyan ay ibang sanaysay para sa ibang araw at para sa ibang blog.


Sa ngayon payo ko na matútong makinig sa mga siyentista, sa mga linggwist, at sa mga propesyonal ng bawat fild. Sa mundo ng wika, anumang nakasanayan (ng signifikant na dami ng mga ispiker) ay laging tama.


Sanggunian

Fortunato, Teresita F. 2003. "Estruktura at Gramatika ng Filipino: Ilang Obserbasyon." Sa Ang Wikang

Filipino sa Loob at Labas ng Akademya’t Bansa, ni Benilda Santos, 348-355. Quezon: Sentro ng

Wikang Filipino.



Comments


bottom of page