Matunog na isyu ang muling pagkabuhay ng kilusang #BlackLivesMatter na sumiklab ngayon sa US dahil sa walang-awang pagpatay ng isang pulis sa African-Americang si George Floyd. Napakatagal nang problema ang racism sa US at kaakibat nitó ang karahasan ng pulisya (police brutality) na ilang búhay na rin ang kinuha kamakailan. Kalbaryo sa pang-araw-araw nilang pamumuhay ang diskriminasyong natatanggap sa iba’t ibang anyo, lalo na sa harap ng batas.
PAGMUMUNI SA POLITICAL CORRECTNESS
Dahil isa itong usaping politikal, at hindi naman talaga nalalayo dito ang wika, lumilitaw paminsan ang pagkuwestiyon sa pagiging politically-correct ng mga salitâng ginagamit. May nabása akong tweet na nagsimula ng talakayan hinggil sa pinakaangkop na salita sa Filipino para sa mga tinatawag na Black people. Gusto niyang mahanap ang maituturing na politically-correct na alternatibo para sa “Negro,” na gusto niya sanang pigilin na gamítin ng kaniyang pamilya—marahil, sa paniniwalang racist ito. Sa pagpapatuloy ng tweet, sumagi din sa isip niya ang paminsang nagagamit na “Itim,” ngunit hindi din pasók sa panlasa niya ang terminong ito na mistulang mas malala pa para sa kaniya. Naaalala ko, minsan na rin akong nasita ng isang kaibígan nang gamítin ko ang salitâng “Negro” para tumukoy sa lahi (race) na ito. Parang katumbas din daw kasi ito ng ipinagbabawal na N-word. Hindî ko alam kung batay lang ang opinyong ito sa pagkakatulad ng dalawa o dahil sa isang nabása niya sa internet.
Valid itong tanong, ngunit ito ang pangunahing tanong ko pabalik: itinuturing ba talagang offensive ang paggámit ng salitâng “Negro” at “Itim” bílang pantukoy sa Black people? Kapuwa ito literal na salin lang ng kulay na itim sa Español at Tagalog. Ang nauna pa nga ay nagagamit natin sa mga salitâng hiram na “poso-negro” at “mahika negra” (kulam). Gayundin, Negro ang pantukoy ng mga ispiker ng Español sa lahing ito, gaya lang din ng English na Black, kapwa terminong kulay. Higit pa rito, kung kokonsultahin ang mga nairekord sa mapagkakatiwalaang sanggunian, makikitang <Negro> ang napiling entri ng UP Diksiyonaryong Filipino para sa nasabing grupo. At ang paggamit naman ng <Itim> para sa kanila ay matagal na ring ginagawa sa mga teksbuk ng Araling Panlipunan. Walang anumang pagtutol dito dahil kung iisipin, ito talaga ang direktang katumbas ng English na freys. Gayumpaman, kung isusulat ang dalawang ito, ipinapayo na panatilihing kapital ang unang titik para malinaw ang pagtukoy sa grupo ng mga tao at hindi simpleng pang-uri, pang-iinsulto, o racist na kataga. Sa mga batayang ito, malinaw na ibang kaso ito sa N-word na may daláng mahabang kasaysayan ng pang-aalipusta mula sa mga Puti at dapat lang nating huwag sambitin kung hindi táyo Itim.
PAG-IWAS SA MAKA-KANLURANING PAG-IISIP
Sa tingin ko, hindi ito dapat ituring na offensive. Ang nasabing tweet o taliwas na pagtingin tungkol sa dalawang salitâng ito ay isa lang epekto ng kolonyal na pag-iisip (o preskriptibismo???) at sobrang pagkababad sa English. Lubha lang táyong naging kontrolado ng maka-Kanluraning (Westernized) pag-iisip kayâ ang English na Black people lang ang itinuturing ng nag-tweet na tamang pantawag hábang nakakaasiwa para sa kaniya ang mga sariling termino natin. Kung gayon, ang kasong ito ay tulad lang din ito ng maraming salitâng Tagalog na ginagamit natin kasabay ng isang alternatibong tawag na hiram sa Español.
Nitong kamakailang pagkakalabas ng UPCAT results, napansin kong parang parehas din ang nangyayari sa mangilan-ngilang gumagámit ng <Iskx> sa halip na simpleng “Isko” o “Iska,” sa pag-aakalang kailangan natin ng isang gender-neutral na katumbas para sa dalawa. Ang totoo, bagama’t lumitaw na sa aktuwal na paggamit ang “Iska” na espesipikong para sa mga babae—o sa mga nag-aaydentifay na ganito batay sa kanilang SOGIE—nananatili pa ring gender-neutral ang salitâng “Isko” na nagmula sa “Iskolar ng Bayan,” ang pantawag sa mga estudyante ng University of the Philippines. Marahil, napulot ng gumagámit ng <Iskx> ang ganitong pagtingin mula sa umuusbong na paggamit ng <Filipinx>—imbes na ang dati nang gender-neutral na “Filipino.” Pinauso ito ng mga Filipino-Americang nása diaspora na nabighani sa paggámit ng <Latinx> bílang gender-neutral na katumbas sa “Latino” at “Latina” ng Español na isang wikang may konsepto talaga ng gramatikal na gender.
Masyado na nating ginagawang lodi ang mga Amerikano—na mali! Nakakalimutan natin na mayroong sariling kultura ang mga ispiker ng wika at may natatangìng kalakaran sa paggamit nitóo. Hindi ang anyong English ang nag-iisang tama at hindi natin puwedeng ibase sa banyagang paniwala ang mga tuntúnin ng wika natin, sapagkat tanda ito ng kolonyal na pag-iisip. Hindi sila ang magdidikta kung ano ang tama para sa atin.
Comments